Hindi ka siguro matutuwa na sa dinami-rami nang gamit na ibinalandra
mo noon sa harap ko at ipinapagmayabang sa Facebook ngayon, ang pipiliin kong
“gamit” na naalala kita ay tae.
Oo, ‘yung taeng lumalabas sa pwet at mabaho.
At ‘wag mong pagkakamalang ito ang naaalala ko dahil may galit pa rin
ako sa’yo. Ibahin mo ‘ko. Kasalanan mo lang talaga kung bakit kita naaalala sa
tae.
Hindi na rin naman tayo nag-uusap. Siguro ito ang rason kung bakit sa
lahat pa ng pwede kong maalala tungkol sa’yo ay tae pa rin ang naiisip ko kahit
na matagal nang lumipas ang mga pangyayari sa’yo na may kinauukulang tae.
Bata pa kasi tayo nun kaya siguro naiintindihan ng lahat pero
kinukutya ka na namin noon. Tawag namin sa’yo dati “abnormal” at alam mo ‘yun.
Galing tayo sa COLF kaya ayoko maging gago pagdating sa mga special children
pero hindi ka naman kasi ganoon e. May ADD ka sa pagkakaalala ko ngunit hindi
ka special child. Nakakapag-isip ka naman at ngayon nga may negosyo ka pang
sarili mo sa may Morato. Pero medyo abnormal nga naman talaga na kapag natatae
ka ay lumalabas lang bigla ito. Siguro, sakit ‘yun. Hindi naman sinabi sa’min
ni Mama kahit kailan kung may kundisyon ka ba. Hindi mo rin naman sinubukang
ipaliwanag sa’min. Hinayaan mo lang kaming asarin ka at pagtawanan ka sa tuwing
matatae ka bigla. Siguro naniniwala ka ring hindi normal ‘yun.
Naalala ko noon, nagdaDance-Dance revo kami ni Ate Caren at Kuya Don
nang tawagin ka ni Mama na nasa taas pa. Nagmadali kang umakyat at maya-maya,
paglingon ko sa hagdan ay may tae na. ‘Di ko alam bakit ako lumapit. Siguro
dahil bata ako at curious lang. Hindi mo naman matatanggal ‘yun sa bata e.
Hahawakan ko sana nang biglang tapikin ni Kuya Don ang kamay ko. Alam
na niya kung ano ‘yun. Tinawag niya si Ate Helen na pinunasan itong
diring-diri. Sa totoo lang, hindi ko maalala kung punas o dampot ang ginawa.
Naalala ko kasi, ang laki din nun. Hindi ko maintindihan pa’no ‘yun “lumusot”
nang hindi mo nararamdaman habang paakyat ka. Doon ko rin naalalang unang
nagsimula ang pang-asar ko sa’yo na tae ka. Mismong ikaw ang tae.
Ayoko nang alalahanin ang mga ilan pang pangyayari na natae ka bigla.
Nandidiri na rin kasi ako.
Pero ang tanong, bakit kita nilagay dito? E hindi ka naman talaga
mahalaga sa’kin.
Siguro dahil dugo sa dugo lang ‘to. Kapatid kita e. Kailangang
mahalaga ka sa’kin pero kung tutuusin wala ka lang. Hindi kita papansinin kung
nadaanan sa kung saan at hindi kita lilingunin kahit alam kong nandiyan ka.
No comments:
Post a Comment