Dito tayo nananahan ngayon: mga pira-pirasong lupa na minsa’y
magkakadikit na parang mga mukha sa isang napakasikip na lugar. Ang mga haplos,
daplis, at halik ay hindi sinasadya at kadalasa’y kinasusuklaman na dahil
nauulit-ulit kahit wala sila sa ating kagustuhan kung kaya’t kinailangang
maghiwalay o mapag-isa.
Pangaea.
Mito o katotohanan. Buhay na namatay. Isang lugar na natutong kumawala sa
sarili. Dito nagbunga ang lahat mula sa simpleng ‘di pagsang-ayon hanggang sa
mga giyera. Dito nagbunga ang pakikipagsapalaran. Dito nagbunga ang hindi
pagkakaintindihan ng isa’t isa.
Ang paniniwala ng aming ama: ang tahanan ang siyang nakakapag-isa sa
ating lahat. Ang pag-uwi ay isang gawaing dapat makasanayan. Pagpapakita lamang
ito ng respeto sa mga taong sinisigurado ang ginahawa sa buhay mo. Dapat laging
iisa gumalaw ang mga tao sa tahanan.
Noong bata ako’y natutupad pa ito. Ngunit ngayon, umuuwi akong
nakapatay na ang mga ilaw. Ang pintuan ng bawat kwarto ay sarado at hindi mo
nakikitang sumisilip ang liwanag na maaaring kanina pang wala. Maski ang aso
nami’y hindi na nagbabantay. Ang tanging gumagapang at humihinga na lamang dito
nang normal ay ang mga alabok at agiw. At nararamdaman kong nalulunod lamang
ang lahat sa karagatang ito na wala nang saysay.
At ano pa ba ang maidadagdag ko kung magigising ako sa isang umagang
napakatahimik na tila walang tao sa kahit saang sulok ng tahanan natin? Ni
insekto’y hindi interesadong dumikit sa atin. Marahil ganito ang naramdaman ng
mga sinaunang tao: isang napakalakas na katahimikang binubulabog ang kalooban.
Marahil kaya karamihan sa kanila ay tuluyang nabaliw.
Lumulutang ang isla ko salungat ng mga isla niyong salungat din sa
isa’t isa. Hindi na tayo o kayo nagkakabungguan o nagkakadikitan. Ama at anak,
kapatid at kapatid, wala nang kahit anong pagsasama kahit man lang sa pagpilit
nito. Siguro nga’y ang mga bagay na napaghiwalay mo na ay hindi mo na
maipagsasamang muli tulad ng ama at inang matagal nang hindi nag-uusap. Marahil
doon nagsimula ang bagong mundo na ito na wala na rin gaanong pinatutunguhan
kundi ang pinakamalayong lugar kung saan pwedeng lumutang.
Patuloy lamang tayong lulutang-lutang: mga islang naghihintay lamang
ng oras ng pagtatagpo.
Naghihintay sa wala.
Marahil maiikot na natin ang bilog na mundong ito bago natin masabing:
Wala akong narating.
No comments:
Post a Comment