Cain at Abel.
Si Cain na unang ipinanganak na tao sa kasaysayan ng mundo.
Si Abel naman na unang namatay. Siya ring unang pinatay.
Nagbunga sa pagkakaiba. Nagbunga sa inggit.
At tayong dalawa? Hindi ba’t hinahabol tayo ng ating mga kasaysayan kung
kaya tayo ganito: dalawang alitaptap na sinusubukang paliwanagin ang buong
kawalan ng tahanang ito? Tanging Siya lamang ang magpapasiya sino sa atin ang
tatagal sa tahimik na pakikipagsapalarang ito.
Ikaw na hindi tinahak ang tunay mo sanang propesyon bilang isang guro
ng sikolohiya upang kumita sa call center dahil pinili mo ang ginhawa kesa sa
karera.
Ako na nagpupursiging mag-aral at pumasok sa isang propesyong alam mo
at alam kong walang pera at hindi ako giginhawa kailanman.
Kanino nga ba Siya tatabi sa dulo ng lahat? Sa anak na mas
makakatulong sa bahay o sa anak na alam kung ano ang gusto niyang maging? Kailangan
ba talagang tumabi siya sa kahit na sino?
Tuwing hapunan nangyayari ang “pag-aalay” kuno: uupo tayong dalawa at
magpapaligsahan sa pamamagitan ng pagkekwento.
“May caller ako kaninang Muslim, sabi niya…” at tuloy-tuloy ka lamang
hanggang sa mapangiti mo Siya. Minsan ay nagiimbento ka na lang din nang mga
detalye lalo na kapag napapatingin na Siya sa kanyang telepono o kapag wala na
talagang nakikinig kahit ako. Hinahanap mo ang detalyeng magpapabaling sa ‘min,
magpapatawa, at makakakuha ng buong atensyon namin ngunit ‘wag mong sasabihin
sa’kin na katotohanan ang lahat ng sinasabi mo dahil ako man ay marunong
magsinungaling.
Ginagawa ko rin ito.
“Kanina, tinawag ako ng propesor ko tapos ang sagot ko…” ang panglaban
ko naman sa ’yo. Lagi Siyang masayang nakakarinig ng mga ganitong kwento dahil
alam Niyang natututo pa lamang ako pero pagtagal alam kong hindi na rin Siya
makikinig sa ‘kin o maaaring hindi na rin talaga ako makapagkwento sa Kanya
pagdating ng panahon. Minsan, kumakatha ako ng panibagong kwento may masabi
lamang sa kanya.
Sa gitna ng lahat, nakikinig lamang Siya. Ngingiti paminsan; hindi
pinapaalam ang tunay na nararamdaman. Pagkatapos ay iiwan na Niya tayo nang
hindi man lang pinapaalam sa atin kung sino ba talaga ang Kanyang minamahal
nang tunay.
Ang ating mga alay na kwento, tila mga tira-tirang abo mula sa apoy na
ating ipinalaki.
Darating man ang araw na mapupuno ka sa’kin, sana’y hindi mo ito
tapusin.
No comments:
Post a Comment