A History of the World.
Hanggang ngayon nasa akin pa rin. Hanggang ngayon binalik-balikan ko pa rin.
Noong isang buwan lang, binasa ko na naman ‘yung Industrial Revolution upang
maintindihan nang mas maigi si Karl Marx. Nagbasa rin ako sa mga ilang
assassinations na naganap sa kasaysayan upang matulungan ako sa proyekto ko sa
klaseng ito.
Hindi naman talaga sa’yo ito. Hindi rin nanggaling sa’yo. Binili ko
ito para sa Social Studies.
Hindi ko rin ito binili para sa Social Studies class mo. Hindi pa kita
guro noon. Si T. James pa ‘yun.
Kung gayon, bakit ikaw ang itinala ko dito ngayon?
Noong mga panahon ni T. James, wala talaga akong pakialam sa AHOW.
Andami kong palpak sa exams noon dahil hindi ko talaga binabasa nang maigi ang
AHOW. Naalala ko may exams pa akong napunta na ako sa banyo kasama ang notebook
ko upang mandaya.
Pero noong ikaw na nagtuturo nito, iba ang naging pakiramdam. Sa totoo
lang, napakatamad mong guro. Oo, tumayo kang nanay naming sa huling taon naming
sa COLF ngunit sobrang tamad mo talaga. Pinapabasa mo lang kami ng mga kabanata
sa AHOW tapos uulitin mo lang sila sa lessons, mag-aantay-antay ng magrerecite
at tapos na ang trabaho mo. Wala rin akong natutunan.
So bakit naging iba, ‘di ba?
Ang totoo niyan, naiba lang dahil ikaw ‘yung nagtuturo. Nakakakilabot
isipin noon na ang taong nagtuturo sa’ming pahalagahan ang kasaysayan ay ang
taong iniiwan namin sa bawat sandaling lumilipas. Hindi ako magugulat kung
natuto ka nang magbilang ng mga araw bawat bagong taon dahil laging sa’yo
nahuhulog ang mga graduating students. Hindi ko maisip kung gaano kasakit ‘yun
para sa’yo.
Iba ang tinuro mo sa’min pagdating sa kasaysayan. Hindi ko naalala ang
lahat pero naalala kita sa harap ng pisara:
Nakatingin ka sa’ming lahat at inisa-isa mo ang aming mga mata upang
magpaalam. Marahil nagawa mo na iyon dati sa lahat ng mga studyanteng binitawan
mo ngunit iba ang maramdaman namin ito. Kahit pa may bago ka nang hawak at sa
susunod iba na naman, pakiramdam ko pa rin ay espesyal kami, na naiba kami.
At kahit na
hindi mo itinuro nang maayos ang librong ito sa’min, naituro mo sa’kin ang
tunay na halaga ng kasaysayan.
Oo,
mahalagang malaman ang karahasan ni Marcos, ang kabaliwan ni Hitler, ang henyo
ni Marx, at pinagmulan ng ating mga katawan pero ang kasaysayang malapit sa’yo
ay ang pinakaimportanteng kasaysayan dahil ang kasaysayang inaaral, hindi
kailanman napasaiyo pero ang mga alaala mo, sa’yong sa’yo lamang.
Salamat,
gurong Maite.
No comments:
Post a Comment