Ang Myth of Total Cinema ang isa sa mga pinakapaborito kong kabanata sa What is Cinema? ni Bazin dahil nagbibigay ito ng pag-asa sa mga taong tulad ko na mahilig sa pelikula at nangangarap na makagawa ng sariling pelikula na maaaring lumiligid lang sa utak natin ang mga innovations kuno.
Kakasabi lang sa’kin ng kaibigan ko na kung naghahanap ako ng mga innovative sa larangan ng pelikula ngayon, kakaunti na lamang ito. Para sa kanya, isa dito si Peter Greenaway dahil palaging kakaiba ang kwento niya at lalong palaging kakaiba ang pag-ataki niya sa mga ito.
Sa sinabi niyang ito, pinagnilayan ko ang mga para sa’kin ay innovative nga naman. Noong panahon niya, si Mike De Leon ang innovative. Sa konsepto ng pagsalamin sa rehime ni Ferdinand, si Brocka. Patay na nga ngunit si Ishmael naman ay innovative din sa pagdadala ng technique ng drama tulad ng ginawa ni Eisenstein noong panahon niya.
Kung sa labas ng bansa ang usapan, masasama ko diyan sina Gaspar Noe, Terrence Malick, at si Apichatpong Weerasethakul. Kung buhay lamang si Andrei Tarkovsky nasa itaas siya ng listahan.
Sa bansa naman natin, andito si Lav Diaz, John Torres, Raya Martin, at Khavn Dela Cruz.
Buong araw, pinag-isipan ko: pa’no ba ako magiging innovative o makabago sa panahong ito? Pa’no ba ako makikilala bilang si Jericho Aguado at hindi katulad ni ganito o parang ganyan ang istilo. Nakakainggit sila John Torres dahil may lagda na sila sa paggawa ng pelikula. Ako wala. Pero patas lang dahil wala pa akong nagagawa. “Pero ano ba ang gusto kong gawin?” tanong ko sa sarili. Karaniwan, may kinalaman sa kasaysayan. E mahilig na sa pagbali ng kasaysayan si Raya Martin… ano pang bago dun ‘di ba?
Ang sagot sa tanong ko: mito rin. Ako lang ang nagiimbento. Na maaaring naiiba nga ako sa kanila. Na maaaring iba rin ang husay ko. Hindi ko malalaman hangga't wala pa ako doon.
No comments:
Post a Comment