Madalas noon ay darating na lamang si Kim sa opis na may plastik o di
kaya brown bag na naglalaman ng napakaraming libro.
“Yaman!” asar ko sa kanya.
“Gago, hindi” ang sagot niya sabay ipapakitang sa Book Sale lang niya
binili ang mga iyon.
Naaalala ko palagi kapag kasama ko siya sa Book Sale ay nagkakaroon ng
mga panibagong stacks sa tabi ko dahil gumagawa siya ng mahirap na selection
process.
Ngunit hindi ko makakalimutan kung paano niya inabot ang libro ni Syd Field sa’kin.
Tinanong niya ako kung interesado raw ba ako sa pelikula at siyempre,
sagot ko ay oo. Inabot niya ‘to agad-agad nang walang alinlangan tapos ngumiti
at sabing “Pagbuthin mo a, abangan ko ‘yan.”
Sabi niya gagamitin niya sana pero sa’kin na lang daw dahil naniniwala
siyang mas magagamit ko ‘to.
Noong isang araw lang, nagtanong siya tungkol sa istruktura ng
pelikula at naituro ko sa kanya bilang inaaral namin ito sa klase at
paulit-ulit ko na ring nabasa ang bahaging iyon sa libro ni Syd Field.
Nakita ko sa mukha niyang hindi talaga niya iniintindi. Ang mga tanong
niya pagkatapos ay hindi rin ukol sa istruktura. Pakiramdam ko binabantayan
lang niya ako kung talagang sineseryoso ko ba ang pelikula. Tutal, noong
patnugot ko rin naman siya sa Tula, halos 24/7 kung bantayan niya ako. Hindi
ako magugulat kung kahit ngayon ay sinisigurado pa rin niyang may kinabukasan
ako dahil hindi ko na siya boss ngunit kaibigan ko na rin siya.
Kung ito man ang Syd Field plot structure, lagpas na nga talaga tayo
sa plot point 1 pero mukhang wala pa tayo sa Pinch o sa midpoint man lang.
Marami pa tayong dadaanan. Madadaig pa natin ang paborito nating si Lav Diaz na
noong isang araw lang ay sinabi mong nakakatawang makita ang pwet niya sa Lorna
(Bernardo, 2014).
At araw-araw, ‘pag nababasa ko ang librong ‘to, naalala ko rin ang
sulat na nakalagay doon sa Trainspotting script na iniabot niya sa’kin noon na
nagpaluha sa’kin:
“Alam kong marami kang mararating. Sana ‘wag mo kong kalimutan.”
Hindi pa rin. Patuloy pa rin tayong nagsisimba sa SM cinemas. Patuloy
pa rin tayong nag-aaway tungkol sa iba’t ibang pelikula. Matalik pa rin kitang
kaibigan, Kim. Hanggang sa dulo.
Para sa relihiyong pelikula.
No comments:
Post a Comment