Monday, October 12, 2015

7.6 Wansapanataym: Desaparecidos o Ang Paghahanap sa mga Nandito Lamang

Ang mga nawawala ay minsan nariyan lang. Pisikal man o imahinasyon, sinusuyod lamang nila ang paligid ngunit maaaring hindi nila alam na sila’y hinahanap mo dahil sila mismo’y may hinahanap para sa kanilang sarili.

Kung alam lamang ni Don Fernando na sa kanilang paglalakbay ay babalik silang watak-watak ay hindi na niya sila hinayaang hanapin pa nila ang Ibong Adarna sa kalaliman ng mga kabundukan ng Berbania. Kabaliwan lamang at ang pagiging tuso sa isa’t isa ang kanilang naibalik. Pipiliin siguro ni Don Fernando na mamatay na lamang kesa masaksihan ang kaliwa-kanang trayduran ng magkakapatid.

Unang Anak na Naglakbay
Si Maria Carenina.
Nagtapos ng Education Psychology sa DLSU-M. Nagtatrabaho bilang Manager ng Triple O’s Burger Joint. Ginagampanan din ang papel ng isang ina sa aming tahanan.
Ang karaniwang pamilya ay naghahapunan kapag alasais o alasiyete. Alasnuwebe o alasdiyes na kami naghahapunan dahil nahuhuli siya lagi sa pagbalik sa bahay kung saan magluluto pa siya. Kapag Biyernes at Sabado, hindi na talaga bumabalik kapag gabi. Binibilin na lamang niya sa iba.
Kanina, umalis siya nang alas-ocho nang umaga. Ibinilin niya sa’min na may kanin sa rice cooker at kami na lang ang bahala sa ulam. May kailangan daw siyang asikasuhin. Ang hindi niya alam ay wala naman talaga sa kanyang mga kapatid ang may pakialam kung nandoon siya o hindi. Maglalakbay at maglalakbay pa rin sila papalayo sa tahanan.

Pangalawang Anak na Naglakbay
Si Ricardo Manuel.
Nagtapos din ng Education Psychology sa DLSU-M. Nagtatrabaho bilang call center agent. Pinili niya ang ginhawa kesa sa karera. Hilig din niya ang maglaro. Mas importante pa ito sa kahit anong bagay. Kung hindi trabaho ang bukambibig, laro ang sinasabi. Kahit ano pa ‘yan, mapa-LOL o Hearthstone o Flappy Bird. Basta’t may kakompetensya siyang kompyuter ay ikekwento niya.
Ang karaniwang pamilya ay naghahapunan kapag handa na ang lahat. Lagi namang handa ang mga tao sa bahay pero hindi si Ricardo. Nakatira siya sa kabilang townhome kasama ang aming lola at kailangan pa siyang tawagan upang kumain kasama namin. Kapag naglalaro pa siya, hindi siya titigil dahil baka ma-ban sa server kaya hihintayin pa namin siya. Siya lang ang hinihintay. Minsan din mawawala siya dahil may tournament o may gig sa kung saan.
Kanina, umalis siya nang alas-diyes nang umaga para sa trabaho. Kailanman ay hindi siya nagsabi na may pupuntahan siya sa kung saan pagkatapos ng trabaho. Palagi lang niyang gagawin kung anong gusto niya. Wala naman siyang pakialam e. Marami siyang pera, may mga kaibigan, at hindi niya kailangan talaga ang pamilya niya. Matagal na niyang natanggap na hindi siya ipagmamalaki ng ama. Kaya kung hindi siya uuwi, hindi na niya kailangang sabihin dahil kakain lang din naman ang mga tao kahit wala siya.

Pangatlong Anak na Naglakbay
Ako. Jericho Miguel.
Kasalukuyang kumukuha ng Communication Arts sa DLSU-M. Balak maging manunulat para sa mga pelikula. Para sa pamilya ko, “balak magutom” in short.
Ang karaniwang pamilya ay naghahapunang kumpleto o kung hindi kumpleto, palaging nandoon ang bunso pwera na lang kung matanda na siya. Pwes, matanda na ako. Hindi ako sumasama masyado sa mga hapunan. Naghahapunan ako ‘pag nakauwi na ako sa umaga. Lagi akong gumagawa ng rason para sa sarili upang hindi sila abutan. Kapag naabutan ko naman sila, nagsisinungaling lang din ako. Nakikipagpaligsahan lamang ako kay Ricardo sa kung kaninong kwento ang mas karapat-dapat pakinggan sa hapagkainan kahit na wala naman talagang masyadong may pakialam.
Kanina, umalis ako nang alasnuwebe nang umaga para sa INTOECO class ko. Alam kong gagawa na naman ako ng rason sa gabi dahil hindi ko gusto umuwi. Makikipagkita ba ako kay Aly o papagurin ang sarili sa Malate office hanggang 10:00? A basta. Kung anuman ang matripan ko, gagawin ko ang ritwal kong kapag alasingko nan ang hapon ay magtetext ako sa kanilang lahat na hindi ako sa bahay kakain o sa gabi na ako kakain dahil magtatrabaho ako. Wala naman talaga silang pakialam e. Sanay na silang nawawala ako. Ginagawa na nga nilang biro na bisita lamang daw ako sa bahay na ito.

Sa likod ng lahat ng ito, alam kong nandoon ang ama.

Don Fernando
Si Ricardo Miguel.

Itinaguyod ang pamilya na ngayo’y pinapanood niyang mawasak dahil ang lahat ng tao’y makasarili o di kaya’y hirap sa labas. Siguro, nagsisisi siyang hinayaan niyang gawin ng mga anak ang kanilang gusto; gawin ang sarili nilang mga hinaharap at hindi sila pakialaman. Ngayon, nagbago na ang pamilyang ipinagsama niya. Hindi na ito tulad ng dati.

No comments:

Post a Comment