Thursday, October 22, 2015

9.2 Naging Mahalaga Ka Sa'kin: Lambot-Lambotan

Kung ano ang akin noon, sa'yo rin noon.
Noon 'yon.

Ang mga "tula" ko, para sa 'yo.
Ang mga nakatala sa talaan ko, para sa 'yo.
Ang katiting na allowance ko, para sa 'yo.
Oras, para sa 'yo.
Lahat noon.


Ikaw ang unang babaeng isinayaw ko nang takot na takot na baka kapag bumitaw ako'y hindi na maulit 'yon. At kung iisipin, hindi na tayo nagkaroon ng oras na makapagsayaw muli. Umikot na lang tayo sa isa't isa.

Ni hindi nga naging tayo e, 'di ba?

Ngunit bakit tuwing maalala kita, galit na galit ako kapag naalala ko 'yung stuffed toy mo na galing sa'kin kaya sasabihin ko'ng stuffed toy ko. Nawala ang karapatan mong angkinin ito noong nagpasiya kang hindi ako sapat.

Mababaw ngunit ano bang magagawa ko? Umiikot lang din naman sa kababawan ang naging samahan natin 'di ba? Wala namang katuturan ang lahat ng iyon. Ang kakaunting pera ko, nawala lang. Ngayon, iniisip ko pa rin: saan kaya mahuhulog 'yung mga perang iginastos ko noon kung hindi kita nakilala. Marahil mas maginhawa ang buhay ko ngayon. Baka nakabili ako ng camera noon tas nagsisimula na ako.

Pero sa lahat talaga, 'yung stuffed toy ang concern ko. 
Noong binigay ko 'yun sa'yo, nag-thank you ka sabay tinago mo sa aparador mo kasi bawal malaman ng magulang mo na may manliligaw ka.
Nakakainis na baka hindi siya makahinga doon sa loob. Nakakainis na inipit mo siya doon. May karapatan din siyang lumabas, huminga-hinga. Inaakap-akap mo ba siya kahit minsan man lang? Nakakasalamuha ba niya yung ibang mga stuffed toy mo?

Pero, sige. Hindi naman totoo 'yun e. Imposible.
Parang tayo. Parang ikaw. Imposible. Pagkakamali.

No comments:

Post a Comment