Pinangunahan ni Icarus ang panahon kung kaya siguro
siya ipinabagsak ng araw sa kasagsagan ng kanyang kahusayan. Sina Michio Kaku,
Albert Einstein, Leonardo Da Vinci at iba pang mga manunulat na sinusubukang
pangunahan ang kasaysayan ay ipinanatili ang kanilang mga imahinasyon sa papel,
sulat o dibuho. Ibahin mo si Icarus. Hindi siya nakapaghintay. Alam niyang
kailangan ang kanyang mga pakpak na itatama ng Wright Bros. at ni Lenormand sa
kanilang mga likha.
Isang dumaraang palaisipan na walang sagot: sa pagliyab
at pagbagsak sa lupa ng ambisyosong si Icarus, may pumulot ba ng bangkay ng
kanyang gawa? Sa piyesa ni Bruegel na pinag-isipan din ni W.H. Auden, lumutang
kaya papunta sa dalampasigan ng Gresya ang mga pakpak na maaaring nailigtas pa
ng hangin o di kaya ng payapang tubig mula sa tuluyang pagiging abo?
Ilang beses nang nanakaw ang mga ideya ko sa’kin nang
hindi ko man lang nalalaman. Siguro’y minalas ako at ipinanganak ng 1995, taong
masyado nang matagal upang makasama sa mga taong hindi pa nalalason ang isipan
ng ika-21st na siglo. Kung noong 1950s ako ipinanganak, hindi ko
sasayangin ang mga pagkakataong makagawa at makapagpakita ng bago. Ngayon,
napakarami na masyadong nag-iisip na makagawa at makapagpakita ng bago na
posibleng manakaw nila ang iyong mga ideya nang hindi nila nalalaman na sa’yo
pala ito o ‘di mo man lang nalaman na matagal na nilang naisip ito at mas kaya
nilang hawakan ito at itapon nang mas mahusay tungo sa gitna ng mundo.
Hindi pa nga lumilipad ay nanakaw na sa’kin ang
ideya. Natupok na agad kahit na naghahanda pa lang ang mga pakpak na iangat ang
may-ari nito. Hindi na matuptopan ang apoy na lumalamon dito.
Nalaman ko lang kanina na ang isa sa mga kaibigan ko
ay gagawa ng isang omnibus film kasama ang kanyang mga kabarkada sa UP.
Sesentro raw ang pelikula sa aksyon na nakabase sa mga prinsipyo at istilo ng
Japanese action films. Ang problema, ang konsepto niya ay ang isa sa mga
konseptong binubuhay ko pa lamang. Oo, kumpleto na siya sa utak ko ngunti hindi
ko pa alam pa’no siya sisimulan. At ngayon may iba nang gagawa sa kanya.
Ang konsepto: isang babaeng assassin (mahilig talaga
ako sa mga assassin) na nagmula sa outer
space ay nagkamaling bumagsak sa Pilipinas imbis na sa Amerika kung saan dapat
papatayin niya si Obama at ngayon ay hinahanap niya ang daan tungo doon.
Matagal ko nang iniisip ito. May karugtong pa ito na
magiging malapit siya sa isang egoy sa Angeles. Action-comedy sana ang balak
ko, ‘yung tipo ng comedy na hindi katawa-tawa kundi talagang nakakatawa. Ang
pinagkaiba lang namin, action talaga ang gagawin ng kaibigan ko at walang egoy
sa Angeles.
At biruin mo, sa omnibus ay 8 minutes lang kukunin na
oras ng konseptong ito. Hindi ko masabi sa kanyang “Punyeta ka, sasayangin mo
‘yung konsepto sa ganoon e gusto ko sanang gawing feature film ‘yan, gago ka”
kaso ayun… mauunahan ako.
Palpak ang pakpak.
Ilan pa kaya ang mawawala sa’kin? Ilan ang matutupok bago ko pa sila
paliparin? Ilan kaya ang talagang mapapalipad ko (at sa mga mapapalipad kong
‘yon ay ilang pakpak ng iba ang aking matutupok)? Pupulutin na lang ba talaga
ang aking mga pakpak at gagamitin ng iba?
No comments:
Post a Comment