Paulit-ulit. Paulit-ulit.
Si Sisyphus na siguro ang tunay na kinatawan ng “pag-ulit” sa lahat ng
mga kwento sa mundo.
Minsan ko na siyang nakita sa isang panaginip. Impyernong lumipat sa
mundo pagkatapos ng apokalips. Ginusto ko siyang tulungan ngunit natakot akong
baka matulad lamang ako sa kanya at hindi ako makaalis sa kanyang paghihirap.
Baka ‘yun lang din naman pala ang kanyang hinihintay: ang magliligtas sa kanya
mula sa sariling impyerno. Ano ba naman ‘yung isipin mo ang sariling kapakanan
mo? Kung may ibang kukuha ng pwesto mo sa impyerno kapalit ng langit, bakit
hindi ‘di ba?
Sa kasalukuya’y nagtatrabaho ako sa Malate Literary Folio bilang
Managing Editor at kailanman ay hindi ko ninais ang mga nangyayari ngayon. Ang
akala ko’y kakayanin ko ang paghihirap na dala ng trabahong ito ngunit hindi ko
na kinakaya. Pagod na ang mga kamay ko sa paulit-ulit na pagtulak sa lahat ng
kailangang gawin.
Bawat pagbaba ng bato ay simula ng isang bagong kabanata sa librong
ito at nakakailang kabanata na’y hindi ko pa rin nakikitang nalalapit ang
lagusang lalabasan ko. Marahil ang lagusan na ito’y tatakpan din ng batong
pilit kong iniaakyat. Hindi na natapos ito.
Una, sa mga papeles na kailangang ipasa. Reimbursement, cash advance,
project proposal, etc. Lahat palaging may mali. Inuulit ko lamang ang ginawa ko
sa naunang mga papeles ay biglang magbabago ang isipan nila’t pupunain ang
aking pagkakamali na sa pagkakaalam ko ay tama sa kanila noon. Nagbabago ang kaliwa
kanan ng trabahong ito kung kaya hindi ko maintindihan. Pabalik-balik ako sa
kung saan-saan.
Pangalawa, sa aking mga kasapi na sana’y hindi ito mabasa kailanman o
kung mababasa na ay nasa tamang panahong naitulak ko na pataas ang bato at
hindi na ito bumagsak pababa. Pagod na akong makatrabaho silang lahat.
Pare-parehas lang naman kaming nagbubuhat ng malalaking batong paulit-ulit na
nahuhulog at sa bawat pagbagsak nila’y nararamdaman ko ang sakit na dinaramdam
nila sa kanilang mga kalooban. Hindi na magandang lugar ito para magtrabaho.
Alam ko na agad ito noong nakita ko pa lang na nagdadala kami ng kani-kaniyang
mga bato imbis na magdala ng isang bato sabay-sabay.
At pangatlo at huli, ang hindi matapos-tapos na patakarang hindi
lamang hinuhulog ang nakababatong batong trabaho na ito kundi hinahampas pababa
upang maramdaman ko sa aking pagbagsak ang hagupit na wawasak sa aking
pag-asang malapit nang matapos ito. Napakaraming patakaran ang nagbago simula
nang napalitan ang Director ng Student Media at sana’y wala rin sa kanilang
makabasa nito dahil agad-agad akong patatalsikin sa aking posisyon. Hindi
naiintindihan ng bagong Director ang kultura ng mga grupo kaya napakahirap
makipagsabayan sa mga ibang grupo (yung mga walang pakialam talaga sa kapakanan
nila).
At paulit-ulit ang pagbagsak muli ng bato. Sama-sama ang tatlo sa
iisa, pinahihirapan ako. Hindi ako makagalaw nang mabuti sa aking paligid.
Hindi natatapos ang pagtulak sa batong ito. Hindi natatapos ang hirap na
nadarama ko.
Babagsak lang ulit ang bato.
Paulit-ulit. Paulit-ulit.
No comments:
Post a Comment