Wednesday, October 21, 2015

9.1: Naging Mahalaga Ka Sa'kin: Hakbang

Kailan lang ay natutunan na ayon sa isang pamahiin o paniniwala ng kung sino-sinong matatanda ay hindi mo dapat binibigyan ng sapatos ang mga taong mahal mo dahil dito nila matututunan kung paano lumayo sa iyo. Kung gaano ito katotoo, hindi ko talaga alam.

Ang nakaraang limang taon ay ang nakasanayang pagpapalit ng sapatos. Converse, Vans, New Balance, Converse, at Converse ulit. Isang sapatos bawat taon. Hindi tumatagal dahil laging may baha, may takbuhan, o 'di kaya'y walang sawang paglalakad sa mga konkretong kalye na maaaring nabagtas na ng taong patutungkulan nito ngunit hindi ko kailanman malalaman dahil ako na mismo ang gagawa ng mga pagitang kakailanganin upang hindi na bumalik ang mga sapatos na natututong umalis... mang-iwan.

Noong bata ako, kahit hindi Pasko, binibilhan mo ako ng sapatos. Laging rubber shoes para mas mabilis tumakbo. Sandamakmak na mga Nike, Adidas, at World Balance ang meron ako noon. Velcro pa palagi ang request ko dahil hindi ako marunong magtali ng sapatos. 

Siguro dahil dito, may karapatan akong maniwala sa mga pamahiin ng matatanda. Hindi ba iiwan din naman kita kahit anong mangyari?

Pero ang tanong ko: kailan kita nabigyan ng sapatos para iwan mo ako nang ganoon?

Napakarami mong sapatos. High heels, boots, flats, sandals, ballet shoes, at kung ano-ano pa. Aakalain mong isa sa mga walk-in closet ni Imelda ang lalagyanan mo ng sapatos. Pero ni isa doon walang nanggaling sa'kin. Siguro si Papa ang nagbigay sa'yo kaya mo nagawa ang lahat... pero bakit ako nadamay?

Malaki ang galit ko sa'yo. 

Kung hindi mo man naalala, ako naalala ko 'yung araw na malapit ka na sanang mamatay at dahil sa'kin 'yun.
Natutunan kong humakbang ng lagpas na apat na baitang sa hagdanan natin. Nagkataong pababa ka noon sa paborito mong silver high heels at naapakan mo ang paa ko at muntik ka nang mahulog kung hindi ko ibinigay ang buong lakas ko upang saluhin ka at hindi ka mahulog nang tuluyan sa unang palapag. 

Kung alam ko sigurong iiwan ako ng mga paang iyon, hindi kita sinalo. Hinayaan kong mahulog ka. Mas gugustuhin kong sisihin ang sarili ko na sigurado ako ang may kasalanan kesa ngayon: ako ba talaga ang may kasalanan? Ako ba ang nagbigay ng mga sapatos?

No comments:

Post a Comment