Mahigit sampung taon na ang nakaraan nang marinig ko ang kwento ng
katulong namin noon na si Ate Helen na siya’y binisita ng mga engkanto sa
kanyang panaginip. Narinig ko lamang ‘yun noong kinekwento niya ito kay Ate
Leonor habang sila’y naglalaba. Lumapit ako para magpaluto ng paborito kong
Lomi noodles ng Lucky Me ngunti mukhang walang gana si Ate Helen magluto at
hindi naman pwedeng iwan ni Ate Leonor ang mga labada. Ayon kay Ate Helen,
isang napakalaking handa ang ihinarap sa kanya ng mga engkanto kung saan
nakaupo ang kanyang mga yumaong kapamilya na gusto siyang isama sa kabilang
buhay. Kapag tumikim daw siya ay alam niyang wala siyang malalasahan dahil ang
mga engkanto lamang ang nakakakain ng handa dito at maaaring tuluyan na siyang
hindi makabalik sa gising na mundo.
Noong gabing ‘yon, napansin kong hindi gaanong kasarap ang sinigang na
niluto niya. Halos walang lasa. Napakatamlay din niya tignan noon na para bang
namomroblema siya sa kanyang panaginip. Marahil malaki ang naging epekto sa
kanya ng pagkakita niya sa kanyang mga yumaong kamag-anak. Sa pagkakaalala ko’y
maagang nawala sa kanya ang ama at ina pati ang isang mas nakakatandang
kapatid.
Naisip ko lang: siguro noong gabing iyon ay iniisip niyang mas mainam
sigurong kumain na lang siya sa hapag noon kahit walang lasa at hindi na
nagising muli. Mas pipiliin niya siguro ang pamilya niya kesa sa kasalukuyang
tahanan noon.
Marahil minalas ako at gising ako nang maharap sa handang ito na
sinasabi sa’kin ni Ate Helen noon.
Tinatablan din pala ako ng matinding sakit pagkatapos ng ilang taong
hindi umaabot ang kahit anong sipon o ubo tungo sa lagnat. Ang sabi nila’y kapag
may sakit, wala kang nalalasahan na nakakadagdag sa kawalan mo ng gana.
Kailanman, hindi ko ‘to napansin ‘pag ako’y may sakit. Mas malakas pa nga yata
ako kumain lalo na kapag umaapoy ako sa lagnat kahit alam kong isusuka ko rin
dahil alam kong pampalakas din ito para sa’kin.
Ngayon ko lang talaga naranasang walang malasahan talaga na ako’y may
sakit. Sayang din ang binayad ng pamilya ko sa Buffet 101 ngayong birthday ng
tita ko. Kagabi kasi, nabuhay na naman ang natural na pagiging pasaway ko.
Kahit alam kong may nagbabadyang sore throat o ubo dahil sa pananakit ng
lalamunan ay itinapat ko pa rin ang electric fan sa sarili habang natutulog at
pagkagising ay nilalagnat na agad ako. Kadalasan nga naman talaga ay sore
throat lang o ubo ang dumarating sa’kin sa mga umaga kapag tinatapat ko sa’kin
ang electric fan ngunit ngayon lang tumalon tungo sa mas malaking problema ang
sitwasyon.
Kumain ako ng tanghalian: binagoongan. Siguro’y hindi ko lang napansin
na nawawala na ang panlasa ko dahil napakaraming rekados ang lutong binagoongan
ng kapatid ko.
Pagdating ng gabi, ang hatol ng lagnat ay dumating sa’kin. Walang lasa
ang sushi o sashimi. Naramdaman ko lang lansa ng mga ito. Wala ring lasa ang
iba’t ibang luto ng beef, pork, at manok. Ang lala rin na kahit ang mga spicy
Korean dishes tulad ng spicy octopus at kimchi ay walang lasa ngunit
nararamdaman ko ang hagod ng mala-apoy na anghang na dala nila. Napakasaklap
ding kumain ng malamig na ice cream nang hindi ka pwede dahil may sakit ka at
nalalasahan mo lamang ay ang lamig kesa ang tamis na dala nito.
Kahit na nararamdaman ko ang busog ko, pakiramdam ko’y naputulan ako
ng dila kanina. Wala akong masabi. Ngayon lang ako nabusog sa WALA.
No comments:
Post a Comment