Hindi na tayo parehas ng tirahan kahit nasa isang pamilya tayo. Hindi
ko inakalang mangyayari ‘yun nang ganito kabilis. Akala ko, aabot pa ako ng 25
bago ka lumayo sa bahay. Kung tutuusin, hindi ka malayo dahil tatlumpung
hakbang lang ay nandiyan na ako sa inyo. Ang problema, kahit naman saan ka
pumunta, napakalayo mo pa rin.
Dumidistansya ka gamit ang iyong mga laro. Palagi mong hawak ang iyong
cellphone na minsan ay may nakakabit pang controller. Palagi mong pinagmamalaki
‘yung mga games mo. Ang lalakas ng sounds palagi. Nakikita ko yung inis sa
mukha mo kapag pinapahinaan namin kasi gusto naming matulog sa biyahe o
nakakarindi siyang pakinggan habang kumakain.
Pero ang pinakapaborito mo ay ang iyong computer. 7 fans sa loob. Top shape ang lahat. Pati mouse, Dragonov
o kung anumang brand ‘yun na exclusive lamang para sa mga naglalaro. Noon,
kapag nasa bahay ka, alam ko na agad kasi binubuksan ko pa lang ‘yung pintuan
ay maririnig ko na ‘yung mga LOL characters na nagsisigawan at nagpapatayan.
Mabuburat lang ako agad kasi ‘di mo naman ako pinapagamit.
Ngayong nasa ibang bahay ka na at sinira ko na ‘yung dati mong PC,
ayan nagsasaya ka sa bago mo na daig pa pati ang computer ng daddy natin. Ni
Macbook Pro nga wala tayo e pero ikaw, may gaming PC na daig pa lahat ng
computer sa lahat ng comp shops na nadaanan ko. At lahat yan, sa ngalan ng
paglalaro.
Hindi na nga ako nagulat na kailangan pang maging 7 ang fan sa loob e.
Pa’no e mahigit 8 hours a day mo ginagamit, non-stop. Sasabog siguro ‘yan kung
‘yan yung akin.
Kaso nga, hindi ka nakausap. Lagi ka nang nakaheadset. Wala nang
makalapit sa’yo. Nagagalit ka kapag pinapatigil ka naming maglaro. Hindi fair
sa’yo na pinaghirapan mo ang lahat at pipigilan ka lang namin. Ambilis mo
magalit kapag pinipigilan ka maglaro.
Ang nakakalungkot diyan, hindi ko alam kung anong napapala mo sa
paglalaro kundi sa dangal na wala namang saysay. Nakakapagod na rin kasi ‘yung
puro laro, Kuya. Sana naman tumanda ka kahit onti. Nakakalungkot isipin na
kalahati ng suweldo mo, mapupunta lamang sa LOL RPs na parang wala rin namang
saysay. Binubugbog mo ‘yung computer, mouse, at keyboard para lang sa laro.
Isa pang masaklap, nakita ko na ang stats mo sa LOL games. Ipinakita
sa’kin ni Todd at grabe, walang kakwenta-kwenta. Hindi ko alam kung sumasali ka
talaga sa tournaments dahil nakakapanghinayang na hindi ka naman talaga
magaling pero magtatapang ka sa tournament. Edi nagsayang ka lang ng pera ‘di
ba?
Binitawan mo na rin ang mga pangarap mong magkabanda. Sayang. Mahusay
ka pa naman. Nandoon ako nung EP Launch niyo. Pinalakpakan pa kita.
Isang linggo lang ang nakalipas bago mo sabihing ayaw mo na magbanda
at nagsimula kang maglaro nang maglaro.
At lahat
yan, sa ngalan ng paglalaro.
No comments:
Post a Comment