Saturday, October 31, 2015

10.4 Magkakasalubong Tayo: Ang Boss at Ang Nag-iisang Empleyado o Kung Paano Naging Ulul Lalo ang Isang Ulul

Kayo ang boss ko… ulul talaga ‘yun…” –Sabi ng lalaking kasabay kong naglalakad sa EDSA noong APEC

Kung ako ang boss niya, si Noynoy na siguro ang pinaka-walang kwentang empleyado sa kasaysayan ng Pilipinas!
Ano ba namang klaseng pagseserbisyo ‘to sa bansa natin? May mga paparating lang na forangers, pucha, ginoyo na tayo. Pinagsasara ‘yung mga kalsada, e hindi naman lahat dadaan doon. Kung dadaan man, isang beses lang. So ano’ng gusto niyang iparating? Tinatago ba niya ‘yung mabigat na trapiko dito araw-araw? EDSA ba naman, isara mo. Akala mo kung sino’ng higante ang darating e.

Mentalidad talaga ng mga Pinoy. Papogi points masyado e. Okay nang nagsisinungaling basta hindi pogi. Ano ba naman ‘yung ipakita mo talaga kung ano ‘yung tunay na kalagayan ng bansa kesa itago mo nga e araw-araw nga hindi mo magawang ayusin e! Napakahusay talaga nitong abnoy nating presidente ano?

At bakit kailangang dito pa sa NAIA magsibabaan ang mga kumag e may Clark naman? A, kasi para Ninoy Aquino airport? ‘Yung pinagmamalaki mong airport, may skandalo ngayon tas diyan mo ipapababa ang mga opisyal. Nakakahiya. Ang yabang-yabang. Ayaw ipababa sa may Diosdado.
At teka teka, bakit kailangang sa Maynila pa gawin ‘to?! E noon naman sa Subic ito ginawa. Hindi tayo naabala. Puso ‘to ng bansa e! Metro nga e. Kapital. Tapos dito mo gagawin. Bakit, pinagmamalaki mo ba ‘tong MM? Gago, maghulusdili kang ulol ka!

At itatago mo pa talaga ‘yung mahihirap a. Para ano? Para ‘di nila malaman na sa bansang hawak mo, napakaraming nagugutom at naghihirap. Wala ka talagang kwenta. Subo mo mga tite nila, ulul kang buknoy ka gago!


Friday, October 30, 2015

10.3 Magkakasalubong Tayo: Gasul Lite


Kung bakit kailangang ang lalaki ang binansagang “mas malakas” kesa sa mga babae, kailanman, ‘di ko na siguro malalaman. Kaya ito, ako nagbubuhat ng Gasul kesa sa misis o ‘yung anak ko ang gumagawa. Nagjejeep na nga lang ako kahit malapit lang bahay namin dito e. Nakakapagod naman kasi, punyeta. ‘Di na ako nagugulat bakit may pagkamahal ang pagpapadeliver nitong ganito. Ambigat-bigat!

Tang’na, ang inet-inet pa! Wala talagang tigil ang impyerno dito sa kalye! Siguro ‘pag tumagas lang kahit onti dito sa Gasul, sasabog ‘yung buong kalye. Maalinsangan, grabe! Parang kalan ni Satanas!

Tapos ano? Ako magluluto pag-uwi? Maiinitan pa rin ako? Punyemas. Hindi ko rin maintindihan ‘yung mga patakaran sa’min e. Ako nagbubuhat ng Gasul. Ako bibili sa labas kung may kailangang bilhin. Ako pa rin magluluto? E kung babae-lalaki lang ang usapan, hindi ba dapat si Misis ang nagluluto? Pero kung siya naman nagluto para sa’min baka pati buhok niya makain ko o baka naman sunog na sunog kasi sigurado habang nagluluto ‘yun nanonood na naman ‘yun ng Marimar o ano. Haynako, mga babae talaga. Hindi ko maintindihan!

Pak da rules.

Thursday, October 29, 2015

10.2 Magkakasalubong Tayo: Usigin ang Sisig

Masarap nga pala ang Sisig. ‘Yung last time na nakatikim ako nito, mga limang taon na rin ang nakaraan siguro. Sabi kasi ni Doc, bawal daw ‘to sa mga 60 and above. Nakakahigh-blood daw. Pwes, I’m waiting. Hindi pa rin sumasakit ang batok ko. Kakaiba. Baka healthy sisig ‘to.

Hindi na rin naman kasi ako babata kahit hindi ako kumain nito ‘di ba? I mean, dati iniiwasan ko ang alak, ang yosi, ang shabu, at kung ano-ano pa kasi laging sinasabi ng nanay ko masama pero ngayong ako na ang nanay, parang hindi ko maintindihan kung saan niya nakukuha ‘yong mga gano’n. Oo, kung tutuusin hindi sila makakatulong sa kalagayan ko lalo na’t sakitin ako pero masarap sila e. Ano ba naman ‘yung tumikim ka paminsan-minsan ‘di ba? Hindi rin naman masamang magMarijuana every once a week. What I mean to say is, hindi na rin naman talaga ako babata kahit ano pang kulam ang gawin mo sa’kin. Move forward lang nang move forward. So anong masama kung mag-Sisig ako twice or thrice a week tapos lalabas ako para magYosi? O di kaya pulutan ko dinuguan habang nakikipag-inuman sa mg aka-MahJong ko?

Samantalahin ko na ‘tong pagkatanda ko. Noong bata ako, andaming bawal. Bawal ganyan, bawal ganito. Pwes, no’ng dumating ako sa panahong pwede na, ikamamatay ko na. Dapat hindi ako nakinig sa kanila. Dapat tinuloy ko lang ang mga gusto kong gawin. Dapat naging bad girl ako kasi maging dead woman.


Wednesday, October 28, 2015

10.1 Magkakasalubong Tayo: Ang Sozyalite

I’m just sitting here in Bizu and I don’t actually know what I want to do. I’m just texting. I haven’t actually ordered which is not so bad naman. It’s cold outside din. ‘Di pa obvious that I haven’t even bothered to buy anything. But it looks okay naman. Sana no one’s judging me. I mean, the traffic’s killing my buddies so what else am I to do, diba? If I walk outside, mapapawisan ako. Sayang naman ‘yung polo ko. I don’t have an extra shirt.
So I’ll just sit here. No harm in doing so naman e, right? Although I still don’t know why we have to meet in Greenbelt pa. Are they gonna go shopping kaya? It’s so unusual of them. Unless we’re eating something fancy. All the more do I think na I made the right decision of not eating here in Bizu. I mean, it’s kinda expensive here as well. And knowing Joe, he’d want to spend on something. He just finished an event last Sunday and for sure, he’s overflowing with cash. Maybe we’ll have drinks too, I don’t know. But I find Greenbelt boring talaga. No place to hangout to be honest. If meron man, it’s those civilian seats where bored and pa-sosyal people sit but in reality they have no money to buy in restos. Well, I can’t judge them. I have money pero yes, making tipid is nice. Spending for what you need and not just want is nice.

I wonder what time they’ll be here.

Tuesday, October 27, 2015

9.7 Naging Mahalaga Ka Sa'Kin: Through the Storms (Daw)

Hindi angkop ang “Naging” sa pamagat nito. Past tense na kasi. E hanggang ngayon mahalaga ka pa rin naman sa’kin. At sa tingin ko, kahit ano pang mangyari, hindi na magbabago ‘yun.
Hindi ko makakalimutang ibinigay mo ‘to sa’kin. Kaya ko lang naman itatala ito bilang sa’yo dahil pakiramdam ko mas magagamit mo talaga ‘to kesa sa’kin pero pinili mong ibigay sa’kin.
Pasko noon. Minsan nakikita ko ang pasko bilang paligsahan. Nagpapagandahan ng mga regalong ibibigay at makukuha ang bawat isa.
Pero ikaw simple ka lang. Noong inabot mo pa, normal lang ‘yun. Ngunit sa lahat ng natanggap ko noong Paskong ‘yon, ‘dun ako pinakamasaya. Siguro psychological kasi ikaw nag-abot pero ma-bias naman talaga ako e so bakit ko pa ipagkakaila.

Ang Storm Trooper bookmark na galing sa iyo ay nagamit ko lang ng ilang buwan. Sobrang dami ko rin kasing nabiling libro n’un sa mga ang pao ko. Ang kakapal pa. Pagkatapos n’un binawalan mo na akong bumili nang bumili nang libro kasi gumagawa na ako ng library na pagkalaki-laki pero hindi ko pa nga nababasa ang ¼ nito. Kaya ayun, tumigil din akong magbasa. Naiwan ang storm trooper sa isang sulok. Andoon pa rin siya, naghihintay na may gumamit sa kanya.
NagKindle na kasi ako kaya hindi ko na rin siya nagagamit. Mas madali kasi e. Hindi na ako bibili ng libro. Wala nang gastos. Bibili na lang ako kapag Filipiniana. At nagpapaalam din ako sa’yo bago ako bumili.
Aminado naman akong hindi ko na nababasa lahat ng binibili ko. Siguro iniingatan ko rin kasi sila. Parang ikaw, iniingatan ko. Chos.
Pero sa tuwing nadadaanan ko ang bookmark na ito, napapaisip din akong magbasa uli. Hindi ko nga lang siya nagagamit pero nagsisilbi siyang paalala.

Alam kong sinusuportahan mo ako sa lahat ng ginagawa ko. Ang mga maliliit na bagay na galing sa’yo ay napakalaki na agad.
Sa bagay, hindi ka rin naman katangkaran pero ‘yung mga ginagawa mo para sa’kin, sobrang lalaki na agad.

Wala ako masabi dahil “Naging” ang pagkahalaga dapat. Hindi ko alam pa’no ko kakalapin ang nararamdaman ko. Sabihin na lang nating, masaya ako sa’yo hanggang ngayon at nagpapasalamat akong patuloy kang tumutulong sa’kin.


Monday, October 26, 2015

9.6 Naging Mahalaga Ka Sa'Kin: Taena

Hindi ka siguro matutuwa na sa dinami-rami nang gamit na ibinalandra mo noon sa harap ko at ipinapagmayabang sa Facebook ngayon, ang pipiliin kong “gamit” na naalala kita ay tae.
Oo, ‘yung taeng lumalabas sa pwet at mabaho.
At ‘wag mong pagkakamalang ito ang naaalala ko dahil may galit pa rin ako sa’yo. Ibahin mo ‘ko. Kasalanan mo lang talaga kung bakit kita naaalala sa tae.

Hindi na rin naman tayo nag-uusap. Siguro ito ang rason kung bakit sa lahat pa ng pwede kong maalala tungkol sa’yo ay tae pa rin ang naiisip ko kahit na matagal nang lumipas ang mga pangyayari sa’yo na may kinauukulang tae.
Bata pa kasi tayo nun kaya siguro naiintindihan ng lahat pero kinukutya ka na namin noon. Tawag namin sa’yo dati “abnormal” at alam mo ‘yun. Galing tayo sa COLF kaya ayoko maging gago pagdating sa mga special children pero hindi ka naman kasi ganoon e. May ADD ka sa pagkakaalala ko ngunit hindi ka special child. Nakakapag-isip ka naman at ngayon nga may negosyo ka pang sarili mo sa may Morato. Pero medyo abnormal nga naman talaga na kapag natatae ka ay lumalabas lang bigla ito. Siguro, sakit ‘yun. Hindi naman sinabi sa’min ni Mama kahit kailan kung may kundisyon ka ba. Hindi mo rin naman sinubukang ipaliwanag sa’min. Hinayaan mo lang kaming asarin ka at pagtawanan ka sa tuwing matatae ka bigla. Siguro naniniwala ka ring hindi normal ‘yun.

Naalala ko noon, nagdaDance-Dance revo kami ni Ate Caren at Kuya Don nang tawagin ka ni Mama na nasa taas pa. Nagmadali kang umakyat at maya-maya, paglingon ko sa hagdan ay may tae na. ‘Di ko alam bakit ako lumapit. Siguro dahil bata ako at curious lang. Hindi mo naman matatanggal ‘yun sa bata e.
Hahawakan ko sana nang biglang tapikin ni Kuya Don ang kamay ko. Alam na niya kung ano ‘yun. Tinawag niya si Ate Helen na pinunasan itong diring-diri. Sa totoo lang, hindi ko maalala kung punas o dampot ang ginawa. Naalala ko kasi, ang laki din nun. Hindi ko maintindihan pa’no ‘yun “lumusot” nang hindi mo nararamdaman habang paakyat ka. Doon ko rin naalalang unang nagsimula ang pang-asar ko sa’yo na tae ka. Mismong ikaw ang tae.

Ayoko nang alalahanin ang mga ilan pang pangyayari na natae ka bigla. Nandidiri na rin kasi ako.
Pero ang tanong, bakit kita nilagay dito? E hindi ka naman talaga mahalaga sa’kin.

Siguro dahil dugo sa dugo lang ‘to. Kapatid kita e. Kailangang mahalaga ka sa’kin pero kung tutuusin wala ka lang. Hindi kita papansinin kung nadaanan sa kung saan at hindi kita lilingunin kahit alam kong nandiyan ka.

Sunday, October 25, 2015

9.5 Naging Mahalaga Ka Sa'Kin: Comp Shot


Hindi na tayo parehas ng tirahan kahit nasa isang pamilya tayo. Hindi ko inakalang mangyayari ‘yun nang ganito kabilis. Akala ko, aabot pa ako ng 25 bago ka lumayo sa bahay. Kung tutuusin, hindi ka malayo dahil tatlumpung hakbang lang ay nandiyan na ako sa inyo. Ang problema, kahit naman saan ka pumunta, napakalayo mo pa rin.
Dumidistansya ka gamit ang iyong mga laro. Palagi mong hawak ang iyong cellphone na minsan ay may nakakabit pang controller. Palagi mong pinagmamalaki ‘yung mga games mo. Ang lalakas ng sounds palagi. Nakikita ko yung inis sa mukha mo kapag pinapahinaan namin kasi gusto naming matulog sa biyahe o nakakarindi siyang pakinggan habang kumakain.

Pero ang pinakapaborito mo ay ang iyong computer. 7 fans sa loob. Top shape ang lahat. Pati mouse, Dragonov o kung anumang brand ‘yun na exclusive lamang para sa mga naglalaro. Noon, kapag nasa bahay ka, alam ko na agad kasi binubuksan ko pa lang ‘yung pintuan ay maririnig ko na ‘yung mga LOL characters na nagsisigawan at nagpapatayan. Mabuburat lang ako agad kasi ‘di mo naman ako pinapagamit.

Ngayong nasa ibang bahay ka na at sinira ko na ‘yung dati mong PC, ayan nagsasaya ka sa bago mo na daig pa pati ang computer ng daddy natin. Ni Macbook Pro nga wala tayo e pero ikaw, may gaming PC na daig pa lahat ng computer sa lahat ng comp shops na nadaanan ko. At lahat yan, sa ngalan ng paglalaro.

Hindi na nga ako nagulat na kailangan pang maging 7 ang fan sa loob e. Pa’no e mahigit 8 hours a day mo ginagamit, non-stop. Sasabog siguro ‘yan kung ‘yan yung akin.

Kaso nga, hindi ka nakausap. Lagi ka nang nakaheadset. Wala nang makalapit sa’yo. Nagagalit ka kapag pinapatigil ka naming maglaro. Hindi fair sa’yo na pinaghirapan mo ang lahat at pipigilan ka lang namin. Ambilis mo magalit kapag pinipigilan ka maglaro.
Ang nakakalungkot diyan, hindi ko alam kung anong napapala mo sa paglalaro kundi sa dangal na wala namang saysay. Nakakapagod na rin kasi ‘yung puro laro, Kuya. Sana naman tumanda ka kahit onti. Nakakalungkot isipin na kalahati ng suweldo mo, mapupunta lamang sa LOL RPs na parang wala rin namang saysay. Binubugbog mo ‘yung computer, mouse, at keyboard para lang sa laro.
Isa pang masaklap, nakita ko na ang stats mo sa LOL games. Ipinakita sa’kin ni Todd at grabe, walang kakwenta-kwenta. Hindi ko alam kung sumasali ka talaga sa tournaments dahil nakakapanghinayang na hindi ka naman talaga magaling pero magtatapang ka sa tournament. Edi nagsayang ka lang ng pera ‘di ba?

Binitawan mo na rin ang mga pangarap mong magkabanda. Sayang. Mahusay ka pa naman. Nandoon ako nung EP Launch niyo. Pinalakpakan pa kita.
Isang linggo lang ang nakalipas bago mo sabihing ayaw mo na magbanda at nagsimula kang maglaro nang maglaro.

At lahat yan, sa ngalan ng paglalaro.


Saturday, October 24, 2015

9.4 Naging Mahalaga Ka Sa'Kin: Ka-Saysay-An

A History of the World. Hanggang ngayon nasa akin pa rin. Hanggang ngayon binalik-balikan ko pa rin. Noong isang buwan lang, binasa ko na naman ‘yung Industrial Revolution upang maintindihan nang mas maigi si Karl Marx. Nagbasa rin ako sa mga ilang assassinations na naganap sa kasaysayan upang matulungan ako sa proyekto ko sa klaseng ito.

Hindi naman talaga sa’yo ito. Hindi rin nanggaling sa’yo. Binili ko ito para sa Social Studies.
Hindi ko rin ito binili para sa Social Studies class mo. Hindi pa kita guro noon. Si T. James pa ‘yun.

Kung gayon, bakit ikaw ang itinala ko dito ngayon?

Noong mga panahon ni T. James, wala talaga akong pakialam sa AHOW. Andami kong palpak sa exams noon dahil hindi ko talaga binabasa nang maigi ang AHOW. Naalala ko may exams pa akong napunta na ako sa banyo kasama ang notebook ko upang mandaya.
Pero noong ikaw na nagtuturo nito, iba ang naging pakiramdam. Sa totoo lang, napakatamad mong guro. Oo, tumayo kang nanay naming sa huling taon naming sa COLF ngunit sobrang tamad mo talaga. Pinapabasa mo lang kami ng mga kabanata sa AHOW tapos uulitin mo lang sila sa lessons, mag-aantay-antay ng magrerecite at tapos na ang trabaho mo. Wala rin akong natutunan.
So bakit naging iba, ‘di ba?
Ang totoo niyan, naiba lang dahil ikaw ‘yung nagtuturo. Nakakakilabot isipin noon na ang taong nagtuturo sa’ming pahalagahan ang kasaysayan ay ang taong iniiwan namin sa bawat sandaling lumilipas. Hindi ako magugulat kung natuto ka nang magbilang ng mga araw bawat bagong taon dahil laging sa’yo nahuhulog ang mga graduating students. Hindi ko maisip kung gaano kasakit ‘yun para sa’yo.

Iba ang tinuro mo sa’min pagdating sa kasaysayan. Hindi ko naalala ang lahat pero naalala kita sa harap ng pisara:
Nakatingin ka sa’ming lahat at inisa-isa mo ang aming mga mata upang magpaalam. Marahil nagawa mo na iyon dati sa lahat ng mga studyanteng binitawan mo ngunit iba ang maramdaman namin ito. Kahit pa may bago ka nang hawak at sa susunod iba na naman, pakiramdam ko pa rin ay espesyal kami, na naiba kami.

At kahit na hindi mo itinuro nang maayos ang librong ito sa’min, naituro mo sa’kin ang tunay na halaga ng kasaysayan.
Oo, mahalagang malaman ang karahasan ni Marcos, ang kabaliwan ni Hitler, ang henyo ni Marx, at pinagmulan ng ating mga katawan pero ang kasaysayang malapit sa’yo ay ang pinakaimportanteng kasaysayan dahil ang kasaysayang inaaral, hindi kailanman napasaiyo pero ang mga alaala mo, sa’yong sa’yo lamang.


Salamat, gurong Maite.

Friday, October 23, 2015

9.3: Naging Mahalaga Ka Sa’kin: Plot Point 1

Madalas noon ay darating na lamang si Kim sa opis na may plastik o di kaya brown bag na naglalaman ng napakaraming libro.

“Yaman!” asar ko sa kanya.
“Gago, hindi” ang sagot niya sabay ipapakitang sa Book Sale lang niya binili ang mga iyon.
Naaalala ko palagi kapag kasama ko siya sa Book Sale ay nagkakaroon ng mga panibagong stacks sa tabi ko dahil gumagawa siya ng mahirap na selection process.

Ngunit hindi ko makakalimutan kung paano niya inabot ang libro ni Syd Field sa’kin.
Tinanong niya ako kung interesado raw ba ako sa pelikula at siyempre, sagot ko ay oo. Inabot niya ‘to agad-agad nang walang alinlangan tapos ngumiti at sabing “Pagbuthin mo a, abangan ko ‘yan.”
Sabi niya gagamitin niya sana pero sa’kin na lang daw dahil naniniwala siyang mas magagamit ko ‘to.

Noong isang araw lang, nagtanong siya tungkol sa istruktura ng pelikula at naituro ko sa kanya bilang inaaral namin ito sa klase at paulit-ulit ko na ring nabasa ang bahaging iyon sa libro ni Syd Field.
Nakita ko sa mukha niyang hindi talaga niya iniintindi. Ang mga tanong niya pagkatapos ay hindi rin ukol sa istruktura. Pakiramdam ko binabantayan lang niya ako kung talagang sineseryoso ko ba ang pelikula. Tutal, noong patnugot ko rin naman siya sa Tula, halos 24/7 kung bantayan niya ako. Hindi ako magugulat kung kahit ngayon ay sinisigurado pa rin niyang may kinabukasan ako dahil hindi ko na siya boss ngunit kaibigan ko na rin siya.
Kung ito man ang Syd Field plot structure, lagpas na nga talaga tayo sa plot point 1 pero mukhang wala pa tayo sa Pinch o sa midpoint man lang. Marami pa tayong dadaanan. Madadaig pa natin ang paborito nating si Lav Diaz na noong isang araw lang ay sinabi mong nakakatawang makita ang pwet niya sa Lorna (Bernardo, 2014).

At araw-araw, ‘pag nababasa ko ang librong ‘to, naalala ko rin ang sulat na nakalagay doon sa Trainspotting script na iniabot niya sa’kin noon na nagpaluha sa’kin:
“Alam kong marami kang mararating. Sana ‘wag mo kong kalimutan.”

Hindi pa rin. Patuloy pa rin tayong nagsisimba sa SM cinemas. Patuloy pa rin tayong nag-aaway tungkol sa iba’t ibang pelikula. Matalik pa rin kitang kaibigan, Kim. Hanggang sa dulo.


Para sa relihiyong pelikula.

Thursday, October 22, 2015

9.2 Naging Mahalaga Ka Sa'kin: Lambot-Lambotan

Kung ano ang akin noon, sa'yo rin noon.
Noon 'yon.

Ang mga "tula" ko, para sa 'yo.
Ang mga nakatala sa talaan ko, para sa 'yo.
Ang katiting na allowance ko, para sa 'yo.
Oras, para sa 'yo.
Lahat noon.


Ikaw ang unang babaeng isinayaw ko nang takot na takot na baka kapag bumitaw ako'y hindi na maulit 'yon. At kung iisipin, hindi na tayo nagkaroon ng oras na makapagsayaw muli. Umikot na lang tayo sa isa't isa.

Ni hindi nga naging tayo e, 'di ba?

Ngunit bakit tuwing maalala kita, galit na galit ako kapag naalala ko 'yung stuffed toy mo na galing sa'kin kaya sasabihin ko'ng stuffed toy ko. Nawala ang karapatan mong angkinin ito noong nagpasiya kang hindi ako sapat.

Mababaw ngunit ano bang magagawa ko? Umiikot lang din naman sa kababawan ang naging samahan natin 'di ba? Wala namang katuturan ang lahat ng iyon. Ang kakaunting pera ko, nawala lang. Ngayon, iniisip ko pa rin: saan kaya mahuhulog 'yung mga perang iginastos ko noon kung hindi kita nakilala. Marahil mas maginhawa ang buhay ko ngayon. Baka nakabili ako ng camera noon tas nagsisimula na ako.

Pero sa lahat talaga, 'yung stuffed toy ang concern ko. 
Noong binigay ko 'yun sa'yo, nag-thank you ka sabay tinago mo sa aparador mo kasi bawal malaman ng magulang mo na may manliligaw ka.
Nakakainis na baka hindi siya makahinga doon sa loob. Nakakainis na inipit mo siya doon. May karapatan din siyang lumabas, huminga-hinga. Inaakap-akap mo ba siya kahit minsan man lang? Nakakasalamuha ba niya yung ibang mga stuffed toy mo?

Pero, sige. Hindi naman totoo 'yun e. Imposible.
Parang tayo. Parang ikaw. Imposible. Pagkakamali.

Wednesday, October 21, 2015

9.1: Naging Mahalaga Ka Sa'kin: Hakbang

Kailan lang ay natutunan na ayon sa isang pamahiin o paniniwala ng kung sino-sinong matatanda ay hindi mo dapat binibigyan ng sapatos ang mga taong mahal mo dahil dito nila matututunan kung paano lumayo sa iyo. Kung gaano ito katotoo, hindi ko talaga alam.

Ang nakaraang limang taon ay ang nakasanayang pagpapalit ng sapatos. Converse, Vans, New Balance, Converse, at Converse ulit. Isang sapatos bawat taon. Hindi tumatagal dahil laging may baha, may takbuhan, o 'di kaya'y walang sawang paglalakad sa mga konkretong kalye na maaaring nabagtas na ng taong patutungkulan nito ngunit hindi ko kailanman malalaman dahil ako na mismo ang gagawa ng mga pagitang kakailanganin upang hindi na bumalik ang mga sapatos na natututong umalis... mang-iwan.

Noong bata ako, kahit hindi Pasko, binibilhan mo ako ng sapatos. Laging rubber shoes para mas mabilis tumakbo. Sandamakmak na mga Nike, Adidas, at World Balance ang meron ako noon. Velcro pa palagi ang request ko dahil hindi ako marunong magtali ng sapatos. 

Siguro dahil dito, may karapatan akong maniwala sa mga pamahiin ng matatanda. Hindi ba iiwan din naman kita kahit anong mangyari?

Pero ang tanong ko: kailan kita nabigyan ng sapatos para iwan mo ako nang ganoon?

Napakarami mong sapatos. High heels, boots, flats, sandals, ballet shoes, at kung ano-ano pa. Aakalain mong isa sa mga walk-in closet ni Imelda ang lalagyanan mo ng sapatos. Pero ni isa doon walang nanggaling sa'kin. Siguro si Papa ang nagbigay sa'yo kaya mo nagawa ang lahat... pero bakit ako nadamay?

Malaki ang galit ko sa'yo. 

Kung hindi mo man naalala, ako naalala ko 'yung araw na malapit ka na sanang mamatay at dahil sa'kin 'yun.
Natutunan kong humakbang ng lagpas na apat na baitang sa hagdanan natin. Nagkataong pababa ka noon sa paborito mong silver high heels at naapakan mo ang paa ko at muntik ka nang mahulog kung hindi ko ibinigay ang buong lakas ko upang saluhin ka at hindi ka mahulog nang tuluyan sa unang palapag. 

Kung alam ko sigurong iiwan ako ng mga paang iyon, hindi kita sinalo. Hinayaan kong mahulog ka. Mas gugustuhin kong sisihin ang sarili ko na sigurado ako ang may kasalanan kesa ngayon: ako ba talaga ang may kasalanan? Ako ba ang nagbigay ng mga sapatos?

Tuesday, October 20, 2015

8.7 Minuti-Hey: Lumad, Trapik, Sours, Kritikal, at Teleserye

  • Karamihan sa mga Lumad ngayong nananatili dito ay biktima ng mga karahasan ng pamahalaang ayaw aminin ang kanilang mga katarantaduhan. Ni hindi man lang naglalabas ng statement ang pamahalaan. Takot na takot talaga sila.
    Ngayon lang ako talagang tumingin nang diretso sa mata ng isang tao at nakita ang lalim ng balon ng kanyang buhay. Si Bai Aida na aking kinuhanan ng panayam ay diretso lang ang tingin sa'kin. Kadalasa'y hindi ko kayang tumingin nang diretso sa mata ng aking mga kausap ngunit iba si Bai Aida. Nahila ako ng kanyang mga matang dilat na dilat. Marahil napakarami na nilang nakitang karahasan, kasalanan, at kawalan.
    Kahit noong nakita ko na lang siya sa kampuhan pagkatapos ng panayam, ganoon pa rin ang tingin niya sa'kin. Ang ngiti niya'y may bahid ng pagdurusa. Nadarama ko ang sugat ng pighati sa paggalaw ng kanyang mga labi.
  • Napakabigat ng trapik palagi sa Makati. Umalis ako ng 5:30 kasi 7:30 pa 'yung pelikulang panonoorin ko. Kung hindi pa siguro ako bumaba sa may Paseo at naglakad papuntang Glorietta, hindi na siguro ako umabot sa pelikulang papanoorin ko.
  • Ang Icebreakers SOUR na lalagyanan sa opis namin ay hindi Icebreakers ang laman. Ilang linggo ko nang tinititigan ang SOUR na ito at ngayon ko lang talaga pinagtangkaang kunan at nakita kong puro mga 25c at 10c ang laman. Sa bagay, ilang linggo na rin 'yun nandun. Kung may kukuha man at uubos na ito, nangyari na.
  • Hindi gender-sensitive si Emil Urao gumawa ng film reviews. Pati pagka-bigot niya napapasok na kadalasan sa usapin ng pelikula. Walang kwentang "critic" talaga. Opinionated lang pero mismong ang proseso ay hindi pinapansin. Punyeta.
  • Galit daw ang kaibigan kong si Stephen sa'kin dahil sa 'di malamang rason. Siguro akala niya'y magician ako para hulaan ko kung ano ang rason ng kanyang galit. Ayoko na rin siguro alamin. Kadalasan naman ganoon 'yun e. Ayoko lang ng drama. 

Monday, October 19, 2015

8.6 Minuti-Hey: TRED, jOver, Lav, Paskong Pasko, at Manic Manika

  • May respeto sa mga atheist ang dakilang TRED teacher ko. "Daw". Naging isyu na 'yun dati dahil lang hindi ko ginagawa nang maayos 'yung sign of the cross kaya ako ang napag-tripan na ipagdasal. Ngayon, dahil nagdala ako ng The Gospel According to St. Matthew (1964) ni Pasolini kasama ng iba pang mga Jesus films/movies, bigla niyang sinabi ito:
    "Atheist daw itong kaklase niyo pero andami niyang mga pelikula ni Jesus. I think he's a secret admirer."
    Hanep sa respeto. Kailangan talagang sabihin 'yun e. 
    Ito ang isa sa mga isang milyong rason kung bakit ayoko sa TRED classes.

  • Hindi dahil indie, malalim na agad. May mga bobo pa rin gumawa ng pelikula. Kung makakaharap ko ulit si Ralston Jover, kakailanganin kong igapos ang sarili para pigilan ang sariling sakalin ang gago. 
    Pakiramdam ko nag-eenjoy na siya sa mga "marginalized" stories niya. Malapit daw ang puso niya sa kanila? Ulol niya. Ni hindi man lang maayos ang pagkakaportray niya sa mga taong naghihirap. Walang hiya.
  • Maraming nagpapanggap na gusto nila si Lav Diaz dahil "cool" daw siya pero hindi nila iniintdi ang konsepto AT ang proseso na mahalagang-mahalaga.
    Karamihan naman sa mga detractors ni Lav ay ganoon din: walang pag-intindi sa proseso at konteksto. Kesyo minsan masyado nang mahaba ang pelikula ay hindi na nila ito gusto.

    Babalik ako kay Andy Warhol at ang "unwatchability" ng kanyang mga pelikula. May purpose pa rin.
    Hindi ganito si Lav. May laman talaga ngunit kinokumonika niya ito sa paraang hindi kinakaya ng lahat.
  • Malapit na ang Pasko ngunit wala pa rin akong pera. Hindi naman siguro pwedeng magpa-advance ng mga tig-P1500 o P2000 mula sa mga kamag-anak na 'di talaga ako gaanong kilala kaya pera na lang ang binibigay. 'Di ko pa rin alam ano ang pwede kong ibigay sa kanila.
  • Ang make-up ay may purpose na magpaganda. Ampangit-pangit naman ng mga nagmamake-up. Mukha silang mga manekin at manika. 

Sunday, October 18, 2015

8.5 Minuti-Hey: APEC, AdMusic, Diamonroe, Malate Film Branch, Dylan Row, at Guilty Pleasure

  • Sa mga araw pala ng APEC, wala kaming pasok. Hindi ko talaga alam 'to sa totoo lang. Parang hindi pa naman ako naabutan ng APEC kahit kailan pero lahat ng mga kabarkada ko alam na alam na may ganito... pero hindi ko alam kung dahil lang sa magkakaroon sila ng rason gumala o ano. Sa totoo lang, ayokong sumama sa kahit na sino sa mga araw na walang pasok. Gusto kong magkulong sa kwarto, tapusin ang mga pelikulang matagal ko nang gustong tapusin: Ebolusyon ng Pamilyang Pilipino, The Warriors, o kung ano-ano pa. Madami pang nasa line-up e.
  • Kailangan mo bayaran ang Spotify para mawala ang mga nakakainis na advertisements. Unconsciously akong hindi nakikinig ng Spotify siguro dahil may ganito. Ayoko talaga ng mga sumisingit sa musika. Ayoko na ngang nakikinig masyado sa musika e. Unless soundtrack.
  • Ang apelyido ni Pia ay Diamante.
    Pia Diamante.
    Pero hindi ba nakakatawa na walang may gustong sumama sa kanya? Sabi kasi ni Marilyn Monroe "Diamonds Are A Girl's Best Friend". Boy o girl, walang gustong kumaibigan kay Pia. Mukhang disbarred si Marilyn Monroe.
  • Mukhang dumadami ang interesado sa sining ng pelikula ngayon sa Malate. Dati, kami lang ni Dandan at Bee-One (gusto ko sana isama si Remil kaso nasusupotan ako sa kanya, opinionated lang kasi at walang aral sa proseso masyado). Ngayon nadadagdagan na naman.
    Pagpasok ni Andrea, nagbabasa siya ng Film Structure in the 90s at nasa kabanata siyang pinag-aaralan ang ilang mga estilong ginamit sa pagkekwento ng The Silence of the Lambs (na ayaw ko dahil napakaflatline na pelikula nito).
    Si Erika Granada rin na nanggaling sa klase ni Sir Ayer dati ay mahilig sa pelikula. Nabasa na rin niya ang Gone Girl screenplay. Magkakasundo kami nito. Hindi ko lang alam kung interesado ba siya pelikulang Pinoy kasi puro American canon ang naririnig kong type niya.
  • Ang "Desolation Row" ng My Chemical Romance na madidinig sa Watchmen (2009) ay cover lang ng kanta ni Bob Dylan na "Desolation Row".
    Si Bob Dylan din ay may kantang ninakaw ng Inside Llewyn Davis (2013) para maillustrate ang napakalaking difference ng folk noon sa ipinasok na "pop" folk ni Dylan. Ang husay talaga ng pelikula na 'yon. Siksik na ito. Siguro'y kailangan ko na rin pag-isipan ang iba pang mga pelikula ng Coens dahil kailanman ay talagang 'di ako masyadong nabibighani sa kanila dahil hindi pa ako sanay sa hindi gaanong blatant na pagpapatawa noong napanood ko ang mga pelikula nila kung kaya paborito ko sa kanila ay ang Big Lebowski (1998).
  • Mito ang ideya ng "guilty pleasure". Kung may gusto ka, hindi ka dapat naguiguilty pwera na lang kung wala kang paninidigan. Siyempre may rason kung bakit mo nagugustuhan. Personal ito, 70%-85% of the time. Dapat lang alam mong depensahan ang sarili mo. Hindi ka dapat matakot.

Saturday, October 17, 2015

8.4 Minuti-Hey: Long Distance, Flynn, Winnie De Puta, Kabwayan, BreLeuze, at Maicling Pelicula

  • Nasa Osaka si Kim Tom. Andami kong tanong sa kanya na hindi ukol sa kanyang bakasyon. Nakalimutan ko 'yung samu't saring Facebook posts niya nung mga inaatupag niya doon.

    Nasa NYC (na naman) si Sir Ting. Minsan hindi ko na alam kung nagbabakasyon lang ba siya doon kasi trip niya o nagtatrabaho siya. Baka dinidistribute niya uli ang Heneral Luna? O baka nandun na siya sa distribution 5 of 8 films sa QCinema. Walang pahinga talaga 'yun. Ang lakas lang talagang tao.

    Parehas ko silang natext. Si Kim Tom, nakalimutan ko'ng andun. Si Sir Ting, walang pasabi (pero okay lang dahil dati noong nagsabi siya na aalis siya awkward lang). Ayun, ang laki ng bawas sa load ko.
  • May mga patterns si Gillian Flynn sa mga kwento niya. Midya, empowered feminine, mentally fucked up, at may pusa. Sa tatlong pag-ulit ko sa screenplay ng Gone Girl, nadiskubre kong ang pusa sa Gone Girl ay representation ng babae o pussy dahil hindi ito inaalagaan nang maayos ni Nick Dunne. Isa lang ito sa mga sanlibong rason kung bakit paboritong screenplay ko ang Gone Girl.
  • Babae raw si Winnie The Pooh. Hindi na ako nakinig sa usapan ni Nonie at Steph pagkatapos ko marinig 'yun. Parang batong bahay na pinasabog ng mga Hapon ang kabataan ko sa nadinig ko.
  • Napatingin ako sa ibinidang retrato ko sa Kabwayan na 'to at ngayon ko lang uli naalala bakit Persona (1966) ni Ingmar Bergman ang pinili ko: ang imaheng ito na may batang sinusubukang hawakan ang hindi konkretong imahen ng isang babae (mother figure). Hindi ko naman ipagkakailang may mommy issues ako diba? At tsaka napakahusay naman talaga ng Persona e 'di ba?
  • Iba ang depinisyon ni Bresson sa cinematography. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin makuha ang buong depinisyon niya. Mahirap intindihin ang "Notes on Cinematography" niya. Katumbas ng isa o dalawang "note" dito ang isang talata ng Cinema 1: Movement ni Deleueze. Ang sakit sa ulo.
  • Hindi ko naririnig o nakikita ang mga tao sa kaharap na tricycle na sinasakyan ko pero maaari ko silang gawan ng kwento. Dito naipanganak ang "faceless crime" na konsepto ko. Gusto kong gumawa ng maikling pelikula tungkol sa mga kriminal ngunit hindi ko ipapakita ang kanilang mga mukha. Audio experiment ito as much as visual experiment. Pag-aaralan ko ang iba't ibang conflict ng optics at acoustic upang makagawa ng sinister na maikling pelikula.

Friday, October 16, 2015

8.3 Minuti-Hey: Pop Bobo, Haikkai, Tarkovsky, Paws, TraBaho, at Mabahong Kamatayan

  • Mambo No. 5 ang pamagat ng "AlitaBita Monica on my side" na palagi kong nadidinig sa radyo. Kung hindi ko pa uli narinig sa Aldub, hindi ko siya hahanapin. Tatlong beses kong narinig ngayong araw: jeep, opis, at sa Aldub mismo (na mga tatlo hanggang apat na beses din ata pinatugtog).
    Buong araw ko 'to naririnig sa utak ko at inuulit-ulit ko sa sarili ko: bakit tinatangkilik ang isang kantang tungkol sa isang malibog na mama na tingin sa mga babae ay Goldilocks cake na hiwa lang ang kinukuha (dalawang level 'to gumagana)? Kasabay ba ito ng "Super Freak" na kanta?
  • Ang porma ng Haiku ay gumagamit ng parehong panuntunan sa Montage ni Eisenstein (na idolo ko sa oras na 'to) pero sa ibang pagkakataon ay hindi pa rin nahahagilap ng mga haiku o kahit ng tanka ang panlasa ko sa tula. Kadalasa'y nakukulangan ako sa imahen pwera na lang kung kay Basho.
  • Kapag pinagtabi mo ang Sculpting in Time sa Film Form ni Eisenstein, mababali utak mo. Isasantabi ko muna si Andrei dahil mahirap ipagtabi ang conflicting idea. One-way street lang ang utak ko sa pagbabasa.
  • Pilay ang aso ko sa kanang paa sa likod. Hindi kapansin-pansin kasi mabilis siya tumakbo kapag nagbabato ako ng tinapay o kapag naglalakad-lakad ako... ngayon ko lang napansin noong paakyat kaming dalawa at parang mas mabagal siya. Nakita kong naiiwan ang kanang paa niya na tila ayaw niya masyadong paapakin sa mga baitang. Mukhang mapapagastos na naman kami dito.
  • Hindi ako mag-isa na galit sa boss ko. Punyeta. Putangina. Pero hindi ko alam kung masaya ako doon. Nakakagalit naman talaga ang boss ko e.
  • "May binaril sa creek."
    Hindi ko alam kung paano ko iintindihin 'to. Nasa creek 'yung lalaki noong binaril siya? Bakit siya nandoon?
    Sabihin nating kriminal siya at tumatakas sa mga kaaway. Kung si Michael Phelps siya edi may 70% na tsansa siyang makatakas. Nawala na ba talaga 'yung sense sa kanya kaya napatalon siya doon.
    Sabihin naman nating andun lang siya. Ano ba naman?! Bakit siya binaril?!

Thursday, October 15, 2015

8.2 Minuti-Hey: Karaoke, Verne, Kalidad, Reptilia, BroadComm, at Marcosia

  • Hindi lang sa My Way namamatay ang mga tao sa karaoke. Nabasa ko lang sa internet na may naheart attack sa Karaoke pagkatapos ng ilang taong pagkakalulong sa bisyo. Grabe. Ano kaya sa mga bisyo ko ang kailangan ko nang tanggalin, ‘no?
  • Sa mga libro pala ni Jules Verne ay marami siyang predictions na nagawa sa pamamagitan lamang ng pakikipag-usap o pagkuha ng panayam ng kung sino-sinong scientist. Kung gusto ko rin gumawa ng innovations sa pelikula, malamang kailangan kong makausap si James Cameron. Pero pa’no kung concept-wise ang gusto kong innovations? Hanggang kay John Torres at Raya Martin na lang ba ako pwede lumapit o may iba pa bang kayang higtan ang kumbensyonal na pagkekwento ng bansa natin ngayon?
  • Ang tanga ng plot ng 4 Sisters and a Wedding pero enjoyable siya. Parang Love 3D ni Gaspar Noe. Siguro para magka-pera, gagawa rin ako ng katangahan pagtanda ko. I mean, marami namang mahuhusay na gumagawa ng katangahan, ‘di ba? Si Chito Rono nga, gumawa ng Etiquette for Mistress e, ‘di ba? Aantayin ko na lang maging tanga ‘tong si Erik Matti.
  • Ang mga mata ng T-Rex Dinosaur ay pinalilibutan ng mga buto (nakalimutan ko ang sinabi ng scientist sa NatGeo kung ano ang tawag dito) na binibigyan ito ng kapangyarihan upang magbago ng pokus ang paningin. Masyado ata tayong maliit na mga nilalang upang magkaroon ng ganitong kakayahan. Sa ating pagtanda, lumalabo nang lumalabo ang ating paningin. Dati napakalinaw pa ng paningin ko noong ako’y bata. Lagi ko pang sinasabi na mahilig ako sa carrots kaya lalo pang lumilinaw ang paningin ko. Bakit ang T-Rex hindi kailangan ng carrots para magkaroon ng HD vision?
  • Broadcast Communications sa U.P. si Jason Paul Laxamana at ngayon ay araw-araw may bago siyang screenplay. Nakakainspire talaga. Kapag nakikita ko ang mga post niya ay tumutungo rin ako sa folder ko ng mga scripts at sinusubukang palawakin pa ang pag-intindi ko sa kanila upang may maisulat na ako. Ayun, hanggang 1:00AM nagsusulat ako ng kung ano-ano para sa screenplay kong Patak ng Puso na hango sa mga gawa ni Apichatpong Weerasethakul at Apocalypse Now ni Coppola. Balang-araw magiging katulad din ako ni Laxamana.
  • Misteryo pa rin daw sa mga tao kung ano nga ba talaga ang kinahantungan ng diktador na si Adolf Hitler pagkatapos ng giyera samantalang dito ay lantaran lang ang katawan ng punyetang diktador na si Ferdinand Marcos.
    Nagsusulat kasi ako ng bagong piyesa ukol sa Martial Law. Baka pwede ko silang ihalintulad? Tutal, parehas nilang kailangan ng emasculation bilang lalaking-lalaki ang turi nila sa kanilang mga sarili at lalong-lalo na’t parehas silang nagsulat ng librong pinagtitikulan lamang nila ang kanilang sarili. Hanep din silang dalawa. Kulang na lang, malaman nating tito ng tito ni Marcos ang bayag ni Hitler.

Wednesday, October 14, 2015

8.1 Minuti-Hey: Balazs, Tubig, Crossing, UP Dik, at Eisenstein

  • Naghahanap si Bela Balazs ng libro na maglalaman ng “Gesturology” na maaaring pumuksa sa mga nasimulan ng diksyonaryo. Marahil ito rin ang hinahanap ko sa gitna ng mga salita, dada, at halakhakan ay naghahanap ako ng katahimikang magpapakita sa’kin na may ibig ring iparating ang ngiti ng aking minamahal na si Alyssa, ang pagngisi ng mga katrabaho ko sa aking mga sinusulat, at ang panlalaki ng mga mata ng aking ama kapag may naikekwento akong hindi maganda. May sinasabi ang lahat ng ito ngunit dahil nasanay ako sa mga salita, palagi kong nadidinig ang “Mahal Kita”, “Ayos na ‘to”, at “Ano ba naman ‘yan!”. Naghahanap pa rin akong ng katahimikang mag-iingay.
  • Hindi gumagana ang water fountain sa 5th floor ng Connon SPS at napakahina naman ng sa 2nd Floor ng Miguel. Bunga na rin siguro ng katamaran at katangahang pinagsanib puwersa ay dito lang sa mga water fountain na ito ako umiinom. Kung walang tubig dito, hindi ako iinom. Kinagabiha’y pakiramdam ko’y humihingi na ng saklolo ang aking dila dahil naubusan na ako ng laway sa kakasalita buong araw.
  • Paiba-iba ang presyo ng bus mula Tramo hanggang Crossing. Kapag non-airconditioned, minsan 14, 15, o 16. Kapag Airconditioned, 20. Hindi ko maintindihan sa’n talaga ako dapat sumakay para makamura. Hindi tuloy sakto ang pambayad ko sa jeep papuntang Kalentong.
  • Sabi dati ni Claire Danes na ayaw niya sa Pilipinas dahil napakaraming ipis dito. Totoo nga naman. Ipislandia ang tawiran sa Crossing tungo sa Starmall. Pakiramdam ko’y ‘pag nakikita ko ang mga ipis na parang may reunion bawat gabi doon ay gumagapang sila sa likod ko.
  • Lalang:
    -Supil o pagsupil
    -Pagpapainit sa pamamagitan ng pagbilad sa araw o padarang sa apoy.

    Lalang (ibang kahulugan)
    -Likha
    -Daya
    -Kapangyarihan
    -Bantulot o pagbantulot
    -Pagtuturo sa pamamagitan ng halimbawa

    Nagamit ko ito bilang pamagat ng isang piyesa para sa WRIFILM na ang tema ay Decision. Ang    pang-apat (Bantulot) ang importante bilang desisyon nga ang tema. Nagdesisyon ang lalaking tauhan kung pakakasalan niya ang isa pang lalaki sa isang arranged marriage.
  • Mas maganda ang Strike (1925) kesa sa Battleship Potemkin (1925). Sariling opinyon ko ito na nauwi sa pakikipagbangayan kay Epoy. Sa Potemkin din ay mas mahusay ang Drama on the Deck sequence kesa sa Odessa Steps sequence. Baka buong mundo makipagbangayan sa’kin dahil dito.
  • Golden Section ang ginamit na film structure sa Battleship Potemkin ayon kay Eisenstein sa "Problems of Film Direction" at buong araw ay nababagabag ako sa Men and Maggots na hindi ko naramdaman gaano ang pagkakahati. Hindi ko mahanap ang caesurae. 

Tuesday, October 13, 2015

7.7 Wansapanataym: SineMito

Ayon kay Andre Bazin, ang mga naghatid daw ng mga innovations sa larangan ng pelikula ay pinangunahan na ng pag-iisip ng kanilang mga gagawin bago pa nila gawin.
Ang Myth of Total Cinema ang isa sa mga pinakapaborito kong kabanata sa What is Cinema? ni Bazin dahil nagbibigay ito ng pag-asa sa mga taong tulad ko na mahilig sa pelikula at nangangarap na makagawa ng sariling pelikula na maaaring lumiligid lang sa utak natin ang mga innovations kuno.

Kakasabi lang sa’kin ng kaibigan ko na kung naghahanap ako ng mga innovative sa larangan ng pelikula ngayon, kakaunti na lamang ito. Para sa kanya, isa dito si Peter Greenaway dahil palaging kakaiba ang kwento niya at lalong palaging kakaiba ang pag-ataki niya sa mga ito. 
Sa sinabi niyang ito, pinagnilayan ko ang mga para sa’kin ay innovative nga naman. Noong panahon niya, si Mike De Leon ang innovative. Sa konsepto ng pagsalamin sa rehime ni Ferdinand, si Brocka. Patay na nga ngunit si Ishmael naman ay innovative din sa pagdadala ng technique ng drama tulad ng ginawa ni Eisenstein noong panahon niya.
Kung sa labas ng bansa ang usapan, masasama ko diyan sina Gaspar Noe, Terrence Malick, at si Apichatpong Weerasethakul. Kung buhay lamang si Andrei Tarkovsky nasa itaas siya ng listahan.
Sa bansa naman natin, andito si Lav Diaz, John Torres, Raya Martin, at Khavn Dela Cruz.

Buong araw, pinag-isipan ko: pa’no ba ako magiging innovative o makabago sa panahong ito? Pa’no ba ako makikilala bilang si Jericho Aguado at hindi katulad ni ganito o parang ganyan ang istilo. Nakakainggit sila John Torres dahil may lagda na sila sa paggawa ng pelikula. Ako wala. Pero patas lang dahil wala pa akong nagagawa. “Pero ano ba ang gusto kong gawin?” tanong ko sa sarili. Karaniwan, may kinalaman sa kasaysayan. E mahilig na sa pagbali ng kasaysayan si Raya Martin… ano pang bago dun ‘di ba?

Ang sagot sa tanong ko: mito rin. Ako lang ang nagiimbento. Na maaaring naiiba nga ako sa kanila. Na maaaring iba rin ang husay ko. Hindi ko malalaman hangga't wala pa ako doon.

Monday, October 12, 2015

7.6 Wansapanataym: Desaparecidos o Ang Paghahanap sa mga Nandito Lamang

Ang mga nawawala ay minsan nariyan lang. Pisikal man o imahinasyon, sinusuyod lamang nila ang paligid ngunit maaaring hindi nila alam na sila’y hinahanap mo dahil sila mismo’y may hinahanap para sa kanilang sarili.

Kung alam lamang ni Don Fernando na sa kanilang paglalakbay ay babalik silang watak-watak ay hindi na niya sila hinayaang hanapin pa nila ang Ibong Adarna sa kalaliman ng mga kabundukan ng Berbania. Kabaliwan lamang at ang pagiging tuso sa isa’t isa ang kanilang naibalik. Pipiliin siguro ni Don Fernando na mamatay na lamang kesa masaksihan ang kaliwa-kanang trayduran ng magkakapatid.

Unang Anak na Naglakbay
Si Maria Carenina.
Nagtapos ng Education Psychology sa DLSU-M. Nagtatrabaho bilang Manager ng Triple O’s Burger Joint. Ginagampanan din ang papel ng isang ina sa aming tahanan.
Ang karaniwang pamilya ay naghahapunan kapag alasais o alasiyete. Alasnuwebe o alasdiyes na kami naghahapunan dahil nahuhuli siya lagi sa pagbalik sa bahay kung saan magluluto pa siya. Kapag Biyernes at Sabado, hindi na talaga bumabalik kapag gabi. Binibilin na lamang niya sa iba.
Kanina, umalis siya nang alas-ocho nang umaga. Ibinilin niya sa’min na may kanin sa rice cooker at kami na lang ang bahala sa ulam. May kailangan daw siyang asikasuhin. Ang hindi niya alam ay wala naman talaga sa kanyang mga kapatid ang may pakialam kung nandoon siya o hindi. Maglalakbay at maglalakbay pa rin sila papalayo sa tahanan.

Pangalawang Anak na Naglakbay
Si Ricardo Manuel.
Nagtapos din ng Education Psychology sa DLSU-M. Nagtatrabaho bilang call center agent. Pinili niya ang ginhawa kesa sa karera. Hilig din niya ang maglaro. Mas importante pa ito sa kahit anong bagay. Kung hindi trabaho ang bukambibig, laro ang sinasabi. Kahit ano pa ‘yan, mapa-LOL o Hearthstone o Flappy Bird. Basta’t may kakompetensya siyang kompyuter ay ikekwento niya.
Ang karaniwang pamilya ay naghahapunan kapag handa na ang lahat. Lagi namang handa ang mga tao sa bahay pero hindi si Ricardo. Nakatira siya sa kabilang townhome kasama ang aming lola at kailangan pa siyang tawagan upang kumain kasama namin. Kapag naglalaro pa siya, hindi siya titigil dahil baka ma-ban sa server kaya hihintayin pa namin siya. Siya lang ang hinihintay. Minsan din mawawala siya dahil may tournament o may gig sa kung saan.
Kanina, umalis siya nang alas-diyes nang umaga para sa trabaho. Kailanman ay hindi siya nagsabi na may pupuntahan siya sa kung saan pagkatapos ng trabaho. Palagi lang niyang gagawin kung anong gusto niya. Wala naman siyang pakialam e. Marami siyang pera, may mga kaibigan, at hindi niya kailangan talaga ang pamilya niya. Matagal na niyang natanggap na hindi siya ipagmamalaki ng ama. Kaya kung hindi siya uuwi, hindi na niya kailangang sabihin dahil kakain lang din naman ang mga tao kahit wala siya.

Pangatlong Anak na Naglakbay
Ako. Jericho Miguel.
Kasalukuyang kumukuha ng Communication Arts sa DLSU-M. Balak maging manunulat para sa mga pelikula. Para sa pamilya ko, “balak magutom” in short.
Ang karaniwang pamilya ay naghahapunang kumpleto o kung hindi kumpleto, palaging nandoon ang bunso pwera na lang kung matanda na siya. Pwes, matanda na ako. Hindi ako sumasama masyado sa mga hapunan. Naghahapunan ako ‘pag nakauwi na ako sa umaga. Lagi akong gumagawa ng rason para sa sarili upang hindi sila abutan. Kapag naabutan ko naman sila, nagsisinungaling lang din ako. Nakikipagpaligsahan lamang ako kay Ricardo sa kung kaninong kwento ang mas karapat-dapat pakinggan sa hapagkainan kahit na wala naman talagang masyadong may pakialam.
Kanina, umalis ako nang alasnuwebe nang umaga para sa INTOECO class ko. Alam kong gagawa na naman ako ng rason sa gabi dahil hindi ko gusto umuwi. Makikipagkita ba ako kay Aly o papagurin ang sarili sa Malate office hanggang 10:00? A basta. Kung anuman ang matripan ko, gagawin ko ang ritwal kong kapag alasingko nan ang hapon ay magtetext ako sa kanilang lahat na hindi ako sa bahay kakain o sa gabi na ako kakain dahil magtatrabaho ako. Wala naman talaga silang pakialam e. Sanay na silang nawawala ako. Ginagawa na nga nilang biro na bisita lamang daw ako sa bahay na ito.

Sa likod ng lahat ng ito, alam kong nandoon ang ama.

Don Fernando
Si Ricardo Miguel.

Itinaguyod ang pamilya na ngayo’y pinapanood niyang mawasak dahil ang lahat ng tao’y makasarili o di kaya’y hirap sa labas. Siguro, nagsisisi siyang hinayaan niyang gawin ng mga anak ang kanilang gusto; gawin ang sarili nilang mga hinaharap at hindi sila pakialaman. Ngayon, nagbago na ang pamilyang ipinagsama niya. Hindi na ito tulad ng dati.

Sunday, October 11, 2015

7.5 Wansapanataym: Batongbuhay

Paulit-ulit. Paulit-ulit.

Si Sisyphus na siguro ang tunay na kinatawan ng “pag-ulit” sa lahat ng mga kwento sa mundo.
Minsan ko na siyang nakita sa isang panaginip. Impyernong lumipat sa mundo pagkatapos ng apokalips. Ginusto ko siyang tulungan ngunit natakot akong baka matulad lamang ako sa kanya at hindi ako makaalis sa kanyang paghihirap. Baka ‘yun lang din naman pala ang kanyang hinihintay: ang magliligtas sa kanya mula sa sariling impyerno. Ano ba naman ‘yung isipin mo ang sariling kapakanan mo? Kung may ibang kukuha ng pwesto mo sa impyerno kapalit ng langit, bakit hindi ‘di ba?

Sa kasalukuya’y nagtatrabaho ako sa Malate Literary Folio bilang Managing Editor at kailanman ay hindi ko ninais ang mga nangyayari ngayon. Ang akala ko’y kakayanin ko ang paghihirap na dala ng trabahong ito ngunit hindi ko na kinakaya. Pagod na ang mga kamay ko sa paulit-ulit na pagtulak sa lahat ng kailangang gawin.

Bawat pagbaba ng bato ay simula ng isang bagong kabanata sa librong ito at nakakailang kabanata na’y hindi ko pa rin nakikitang nalalapit ang lagusang lalabasan ko. Marahil ang lagusan na ito’y tatakpan din ng batong pilit kong iniaakyat. Hindi na natapos ito.

Una, sa mga papeles na kailangang ipasa. Reimbursement, cash advance, project proposal, etc. Lahat palaging may mali. Inuulit ko lamang ang ginawa ko sa naunang mga papeles ay biglang magbabago ang isipan nila’t pupunain ang aking pagkakamali na sa pagkakaalam ko ay tama sa kanila noon. Nagbabago ang kaliwa kanan ng trabahong ito kung kaya hindi ko maintindihan. Pabalik-balik ako sa kung saan-saan.

Pangalawa, sa aking mga kasapi na sana’y hindi ito mabasa kailanman o kung mababasa na ay nasa tamang panahong naitulak ko na pataas ang bato at hindi na ito bumagsak pababa. Pagod na akong makatrabaho silang lahat. Pare-parehas lang naman kaming nagbubuhat ng malalaking batong paulit-ulit na nahuhulog at sa bawat pagbagsak nila’y nararamdaman ko ang sakit na dinaramdam nila sa kanilang mga kalooban. Hindi na magandang lugar ito para magtrabaho. Alam ko na agad ito noong nakita ko pa lang na nagdadala kami ng kani-kaniyang mga bato imbis na magdala ng isang bato sabay-sabay.

At pangatlo at huli, ang hindi matapos-tapos na patakarang hindi lamang hinuhulog ang nakababatong batong trabaho na ito kundi hinahampas pababa upang maramdaman ko sa aking pagbagsak ang hagupit na wawasak sa aking pag-asang malapit nang matapos ito. Napakaraming patakaran ang nagbago simula nang napalitan ang Director ng Student Media at sana’y wala rin sa kanilang makabasa nito dahil agad-agad akong patatalsikin sa aking posisyon. Hindi naiintindihan ng bagong Director ang kultura ng mga grupo kaya napakahirap makipagsabayan sa mga ibang grupo (yung mga walang pakialam talaga sa kapakanan nila).

At paulit-ulit ang pagbagsak muli ng bato. Sama-sama ang tatlo sa iisa, pinahihirapan ako. Hindi ako makagalaw nang mabuti sa aking paligid. Hindi natatapos ang pagtulak sa batong ito. Hindi natatapos ang hirap na nadarama ko.

Babagsak lang ulit ang bato.
Paulit-ulit. Paulit-ulit.


Saturday, October 10, 2015

7.4 Wansapanataym: Ang Pagbagsak

Pinangunahan ni Icarus ang panahon kung kaya siguro siya ipinabagsak ng araw sa kasagsagan ng kanyang kahusayan. Sina Michio Kaku, Albert Einstein, Leonardo Da Vinci at iba pang mga manunulat na sinusubukang pangunahan ang kasaysayan ay ipinanatili ang kanilang mga imahinasyon sa papel, sulat o dibuho. Ibahin mo si Icarus. Hindi siya nakapaghintay. Alam niyang kailangan ang kanyang mga pakpak na itatama ng Wright Bros. at ni Lenormand sa kanilang mga likha.

Isang dumaraang palaisipan na walang sagot: sa pagliyab at pagbagsak sa lupa ng ambisyosong si Icarus, may pumulot ba ng bangkay ng kanyang gawa? Sa piyesa ni Bruegel na pinag-isipan din ni W.H. Auden, lumutang kaya papunta sa dalampasigan ng Gresya ang mga pakpak na maaaring nailigtas pa ng hangin o di kaya ng payapang tubig mula sa tuluyang pagiging abo?

Ilang beses nang nanakaw ang mga ideya ko sa’kin nang hindi ko man lang nalalaman. Siguro’y minalas ako at ipinanganak ng 1995, taong masyado nang matagal upang makasama sa mga taong hindi pa nalalason ang isipan ng ika-21st na siglo. Kung noong 1950s ako ipinanganak, hindi ko sasayangin ang mga pagkakataong makagawa at makapagpakita ng bago. Ngayon, napakarami na masyadong nag-iisip na makagawa at makapagpakita ng bago na posibleng manakaw nila ang iyong mga ideya nang hindi nila nalalaman na sa’yo pala ito o ‘di mo man lang nalaman na matagal na nilang naisip ito at mas kaya nilang hawakan ito at itapon nang mas mahusay tungo sa gitna ng mundo.

Hindi pa nga lumilipad ay nanakaw na sa’kin ang ideya. Natupok na agad kahit na naghahanda pa lang ang mga pakpak na iangat ang may-ari nito. Hindi na matuptopan ang apoy na lumalamon dito.

Nalaman ko lang kanina na ang isa sa mga kaibigan ko ay gagawa ng isang omnibus film kasama ang kanyang mga kabarkada sa UP. Sesentro raw ang pelikula sa aksyon na nakabase sa mga prinsipyo at istilo ng Japanese action films. Ang problema, ang konsepto niya ay ang isa sa mga konseptong binubuhay ko pa lamang. Oo, kumpleto na siya sa utak ko ngunti hindi ko pa alam pa’no siya sisimulan. At ngayon may iba nang gagawa sa kanya.

Ang konsepto: isang babaeng assassin (mahilig talaga ako sa mga assassin) na nagmula sa outer space ay nagkamaling bumagsak sa Pilipinas imbis na sa Amerika kung saan dapat papatayin niya si Obama at ngayon ay hinahanap niya ang daan tungo doon.

Matagal ko nang iniisip ito. May karugtong pa ito na magiging malapit siya sa isang egoy sa Angeles. Action-comedy sana ang balak ko, ‘yung tipo ng comedy na hindi katawa-tawa kundi talagang nakakatawa. Ang pinagkaiba lang namin, action talaga ang gagawin ng kaibigan ko at walang egoy sa Angeles.

At biruin mo, sa omnibus ay 8 minutes lang kukunin na oras ng konseptong ito. Hindi ko masabi sa kanyang “Punyeta ka, sasayangin mo ‘yung konsepto sa ganoon e gusto ko sanang gawing feature film ‘yan, gago ka” kaso ayun… mauunahan ako.

Palpak ang pakpak.

Ilan pa kaya ang mawawala sa’kin? Ilan ang matutupok bago ko pa sila paliparin? Ilan kaya ang talagang mapapalipad ko (at sa mga mapapalipad kong ‘yon ay ilang pakpak ng iba ang aking matutupok)? Pupulutin na lang ba talaga ang aking mga pakpak at gagamitin ng iba?


Friday, October 9, 2015

7.3 Wansapanataym: Mahika(in)

Mahigit sampung taon na ang nakaraan nang marinig ko ang kwento ng katulong namin noon na si Ate Helen na siya’y binisita ng mga engkanto sa kanyang panaginip. Narinig ko lamang ‘yun noong kinekwento niya ito kay Ate Leonor habang sila’y naglalaba. Lumapit ako para magpaluto ng paborito kong Lomi noodles ng Lucky Me ngunti mukhang walang gana si Ate Helen magluto at hindi naman pwedeng iwan ni Ate Leonor ang mga labada. Ayon kay Ate Helen, isang napakalaking handa ang ihinarap sa kanya ng mga engkanto kung saan nakaupo ang kanyang mga yumaong kapamilya na gusto siyang isama sa kabilang buhay. Kapag tumikim daw siya ay alam niyang wala siyang malalasahan dahil ang mga engkanto lamang ang nakakakain ng handa dito at maaaring tuluyan na siyang hindi makabalik sa gising na mundo.
Noong gabing ‘yon, napansin kong hindi gaanong kasarap ang sinigang na niluto niya. Halos walang lasa. Napakatamlay din niya tignan noon na para bang namomroblema siya sa kanyang panaginip. Marahil malaki ang naging epekto sa kanya ng pagkakita niya sa kanyang mga yumaong kamag-anak. Sa pagkakaalala ko’y maagang nawala sa kanya ang ama at ina pati ang isang mas nakakatandang kapatid.
Naisip ko lang: siguro noong gabing iyon ay iniisip niyang mas mainam sigurong kumain na lang siya sa hapag noon kahit walang lasa at hindi na nagising muli. Mas pipiliin niya siguro ang pamilya niya kesa sa kasalukuyang tahanan noon.

Marahil minalas ako at gising ako nang maharap sa handang ito na sinasabi sa’kin ni Ate Helen noon.

Tinatablan din pala ako ng matinding sakit pagkatapos ng ilang taong hindi umaabot ang kahit anong sipon o ubo tungo sa lagnat. Ang sabi nila’y kapag may sakit, wala kang nalalasahan na nakakadagdag sa kawalan mo ng gana. Kailanman, hindi ko ‘to napansin ‘pag ako’y may sakit. Mas malakas pa nga yata ako kumain lalo na kapag umaapoy ako sa lagnat kahit alam kong isusuka ko rin dahil alam kong pampalakas din ito para sa’kin.
Ngayon ko lang talaga naranasang walang malasahan talaga na ako’y may sakit. Sayang din ang binayad ng pamilya ko sa Buffet 101 ngayong birthday ng tita ko. Kagabi kasi, nabuhay na naman ang natural na pagiging pasaway ko. Kahit alam kong may nagbabadyang sore throat o ubo dahil sa pananakit ng lalamunan ay itinapat ko pa rin ang electric fan sa sarili habang natutulog at pagkagising ay nilalagnat na agad ako. Kadalasan nga naman talaga ay sore throat lang o ubo ang dumarating sa’kin sa mga umaga kapag tinatapat ko sa’kin ang electric fan ngunit ngayon lang tumalon tungo sa mas malaking problema ang sitwasyon.
Kumain ako ng tanghalian: binagoongan. Siguro’y hindi ko lang napansin na nawawala na ang panlasa ko dahil napakaraming rekados ang lutong binagoongan ng kapatid ko.

Pagdating ng gabi, ang hatol ng lagnat ay dumating sa’kin. Walang lasa ang sushi o sashimi. Naramdaman ko lang lansa ng mga ito. Wala ring lasa ang iba’t ibang luto ng beef, pork, at manok. Ang lala rin na kahit ang mga spicy Korean dishes tulad ng spicy octopus at kimchi ay walang lasa ngunit nararamdaman ko ang hagod ng mala-apoy na anghang na dala nila. Napakasaklap ding kumain ng malamig na ice cream nang hindi ka pwede dahil may sakit ka at nalalasahan mo lamang ay ang lamig kesa ang tamis na dala nito.


Kahit na nararamdaman ko ang busog ko, pakiramdam ko’y naputulan ako ng dila kanina. Wala akong masabi. Ngayon lang ako nabusog sa WALA. 

Thursday, October 8, 2015

7.2 Wansapanataym: Ang Bagong Mundo ng mga Isla

Dito tayo nananahan ngayon: mga pira-pirasong lupa na minsa’y magkakadikit na parang mga mukha sa isang napakasikip na lugar. Ang mga haplos, daplis, at halik ay hindi sinasadya at kadalasa’y kinasusuklaman na dahil nauulit-ulit kahit wala sila sa ating kagustuhan kung kaya’t kinailangang maghiwalay o mapag-isa.

Pangaea. Mito o katotohanan. Buhay na namatay. Isang lugar na natutong kumawala sa sarili. Dito nagbunga ang lahat mula sa simpleng ‘di pagsang-ayon hanggang sa mga giyera. Dito nagbunga ang pakikipagsapalaran. Dito nagbunga ang hindi pagkakaintindihan ng isa’t isa.

Ang paniniwala ng aming ama: ang tahanan ang siyang nakakapag-isa sa ating lahat. Ang pag-uwi ay isang gawaing dapat makasanayan. Pagpapakita lamang ito ng respeto sa mga taong sinisigurado ang ginahawa sa buhay mo. Dapat laging iisa gumalaw ang mga tao sa tahanan.
Noong bata ako’y natutupad pa ito. Ngunit ngayon, umuuwi akong nakapatay na ang mga ilaw. Ang pintuan ng bawat kwarto ay sarado at hindi mo nakikitang sumisilip ang liwanag na maaaring kanina pang wala. Maski ang aso nami’y hindi na nagbabantay. Ang tanging gumagapang at humihinga na lamang dito nang normal ay ang mga alabok at agiw. At nararamdaman kong nalulunod lamang ang lahat sa karagatang ito na wala nang saysay.

At ano pa ba ang maidadagdag ko kung magigising ako sa isang umagang napakatahimik na tila walang tao sa kahit saang sulok ng tahanan natin? Ni insekto’y hindi interesadong dumikit sa atin. Marahil ganito ang naramdaman ng mga sinaunang tao: isang napakalakas na katahimikang binubulabog ang kalooban. Marahil kaya karamihan sa kanila ay tuluyang nabaliw.
Lumulutang ang isla ko salungat ng mga isla niyong salungat din sa isa’t isa. Hindi na tayo o kayo nagkakabungguan o nagkakadikitan. Ama at anak, kapatid at kapatid, wala nang kahit anong pagsasama kahit man lang sa pagpilit nito. Siguro nga’y ang mga bagay na napaghiwalay mo na ay hindi mo na maipagsasamang muli tulad ng ama at inang matagal nang hindi nag-uusap. Marahil doon nagsimula ang bagong mundo na ito na wala na rin gaanong pinatutunguhan kundi ang pinakamalayong lugar kung saan pwedeng lumutang.

Patuloy lamang tayong lulutang-lutang: mga islang naghihintay lamang ng oras ng pagtatagpo.

Naghihintay sa wala.

Marahil maiikot na natin ang bilog na mundong ito bago natin masabing: Wala akong narating. 

Wednesday, October 7, 2015

7.1 Wansapanataym: KaPatid

Cain at Abel.
Si Cain na unang ipinanganak na tao sa kasaysayan ng mundo.
Si Abel naman na unang namatay. Siya ring unang pinatay.
Nagbunga sa pagkakaiba. Nagbunga sa inggit.

At tayong dalawa? Hindi ba’t hinahabol tayo ng ating mga kasaysayan kung kaya tayo ganito: dalawang alitaptap na sinusubukang paliwanagin ang buong kawalan ng tahanang ito? Tanging Siya lamang ang magpapasiya sino sa atin ang tatagal sa tahimik na pakikipagsapalarang ito.

Ikaw na hindi tinahak ang tunay mo sanang propesyon bilang isang guro ng sikolohiya upang kumita sa call center dahil pinili mo ang ginhawa kesa sa karera.
Ako na nagpupursiging mag-aral at pumasok sa isang propesyong alam mo at alam kong walang pera at hindi ako giginhawa kailanman.

Kanino nga ba Siya tatabi sa dulo ng lahat? Sa anak na mas makakatulong sa bahay o sa anak na alam kung ano ang gusto niyang maging? Kailangan ba talagang tumabi siya sa kahit na sino?

Tuwing hapunan nangyayari ang “pag-aalay” kuno: uupo tayong dalawa at magpapaligsahan sa pamamagitan ng pagkekwento.
“May caller ako kaninang Muslim, sabi niya…” at tuloy-tuloy ka lamang hanggang sa mapangiti mo Siya. Minsan ay nagiimbento ka na lang din nang mga detalye lalo na kapag napapatingin na Siya sa kanyang telepono o kapag wala na talagang nakikinig kahit ako. Hinahanap mo ang detalyeng magpapabaling sa ‘min, magpapatawa, at makakakuha ng buong atensyon namin ngunit ‘wag mong sasabihin sa’kin na katotohanan ang lahat ng sinasabi mo dahil ako man ay marunong magsinungaling.
Ginagawa ko rin ito.
“Kanina, tinawag ako ng propesor ko tapos ang sagot ko…” ang panglaban ko naman sa ’yo. Lagi Siyang masayang nakakarinig ng mga ganitong kwento dahil alam Niyang natututo pa lamang ako pero pagtagal alam kong hindi na rin Siya makikinig sa ‘kin o maaaring hindi na rin talaga ako makapagkwento sa Kanya pagdating ng panahon. Minsan, kumakatha ako ng panibagong kwento may masabi lamang sa kanya.

Sa gitna ng lahat, nakikinig lamang Siya. Ngingiti paminsan; hindi pinapaalam ang tunay na nararamdaman. Pagkatapos ay iiwan na Niya tayo nang hindi man lang pinapaalam sa atin kung sino ba talaga ang Kanyang minamahal nang tunay.

Ang ating mga alay na kwento, tila mga tira-tirang abo mula sa apoy na ating ipinalaki.

Darating man ang araw na mapupuno ka sa’kin, sana’y hindi mo ito tapusin.

Tuesday, October 6, 2015

6.7 Abante Tonite, Now Na: Eskwelahan ng mga Sirena

Welcome sa Sirena Waters High! Ako po ang inyong principal slash head teacher slash official mascot, Palikpikpik! I am a proud promdi! I used to make waves in the beaches of Gen San! Yes, galing po ako sa bayan ni Pacman!

We want to invite you to join now. As in now. Ngayon na! Once in a lifetime chance. Girl, boy, bakla, tomboy, transwoman, transman, isda! 
Learn the following things in here:
1. Pa'no gamitin nang maayos ang fish lips (sa alam mo na at sa alam mo na rin, gurl)
2. Pa'no i-flap nang maayos ang buntot (at kung kanino mo dapat i-flap 'to)
3. Pa'no hindi malunok ang ocean water habang nagsiswimming

Experience the following:
1. Swimming
2. Water
3. Corals
4. And more swimming!

Kaya ano pa hinihintay niyo, friends and fishes?
Come, be part of our world!

Monday, October 5, 2015

6.6 Abante Tonite, Now Na: Kris, mahirap hanapan ng magiging BF

O. M. G. OMG talaga. You guys just have to make an issue out of everything, ano? Like, as in every single specific thing. Ano baaa! This is just—this is just—ano e... uhhh... grabe! See? Rendered speechless na agad ako. Look what you did o.

Well, first of all, sino ba ako diba? I'm the QUEEN of ALL MEDIA. All yan a. And I'm gonna need someone na pwedeng maging KING din ng media. Hahahaha! Hindi naman pwede si Boy, diba? I mean, contrary to his name, no king in that, 'no! And you know I've learned my lessons na. Past na past na. I've taken a shot na at-- OMG what are you talking about? Oh em, hindi kaya! No, I was not making a reference to ano... sino bang tinutukoy mo, aber? Oh no. NO. Noooo. Ano ba? Maka-issue 'to!

Darla! 
Alam mo, because I love you and treat you the best, why don't you find me a BF na lang? Para naman magka-sole purpose ka diba? Diba? Oo. Yes, I say "Oo" na for you. 
Oh and please, yung mga mababait na daddy 'no.

Oh em gee.

Sunday, October 4, 2015

6.5 Abante Tonite, Now Na: Technician Nakuryente, Dedbol

*wiiiizzzzz* Urgh. Ugh. Ahh— *wiiiizzz* *wizshuuuwwzzww* Hirap— *wizz* kumita, mga repapips! *wizz* Bigat!

Wala na? Wow. Okay. Ayos. Tsong, tol, pare... ang saklap ng buhay! Alam mo, last month lang, pare, LAST MONTH: nagtitingin lang kami ni misis ng microwave. Nasa LG kami nun e. TV pa nga sana ang gusto ko, e. E kaso, mas importante ang microwave. So ayan, kaliwa kanan, taas baba, pinuno ko skedyul ko. Nung umuwi nga ako minsan, kumatok pa ako sa bahay ko... BAHAY KO YUN A. Para akong mokong. Kumatok ako sa bahay ko... akala ko kliyente yung pinuntahan ko. Ganun na! Baliw na ata ako nun e.

Tas ngayon, akalain mo? Wow lang. Grand exit ko na nga, microwave pa nakadale sa'kin! Wow pare, tol. Saklap. Yung akala mo, mamamatay ka sa kama mo nang payapa tas may *wiiizzshhhzz* Aruy! Anak ng— ba't meron pa?! Akala ko tapos na tas *wizuzwzuwzuwiiiiishzzzz* agh pakshet!!

Hassle, pare. Hassle. Hirap kumita ng pera. Hirap. P're.
*Wizhwiwiwiwishzzwishzzz*

Saturday, October 3, 2015

6.4 Abante Tonite, Now Na: Parak, nanadyak ng sidecar boy

Teka, teka... bago niyo isiping baka "Hindi naman siguro mananadyak kung walang rason" o "Siguro may katarantaduhan yung sidecar boy na yan" aba'y puta atras-atras din sa kabobohan, 'no? 

Mga gago ba kayo? Hindi ko alam kung seryoso kayo e. Palibhasa ang alam niyo kasi ay magpainit ng mga upuan gamit 'yang mga malalaki niyong pwet. Mga tarantado kayo! 

Puta, ako lang ba talaga ang nakabunggo na ng buwaya? Oo, bwaya, tol. Hindi pulis; hindi parak. Putanginang BUWAYA! Pasuot-suot pa ng uniporme, hindi naman matago yung mga kaliskis nila. Teka, tama ba? Kaliskis? Isda ba yung ano... bwaya? A puta... basta, gago... ayun! 'Tong gagong 'to isdang buwaya, putangina hanep sa lansa e!

Gusto niyo talaga ano nangyari? E puta, lumagpas lang ako ng onti dun sa drinowing nilang linya tas nagstop. Huhulihin daw yung nasa yellow box kapag nagred lights. E puta, inatras ko naman! Nak ng walastik 'tong gagong buwaya na 'to, mas mabilis pa sa isnatcher kung makapwesto sa pagkakataon. Nyeta, sungit ng mukha ni kuya buwaya! Tinuro ba naman ako o! E siyempre ako, pa-good citizen good citizen pa, nagpakabait ako. 'Yun pala, tangena susundutin lang pala pwet ko. Pucha, humihingi ba naman ng 100?! Gagamitin ata pang-isaw o ano. Sarap suntukin sa bituka ang gago. E pa'no naman ako, diba?
Una, hindi pa ako nagmemeryenda. Pucha naman, mas madami pa akong ginagawa kesa dun sa gagong 'yun? Siya paposing-posing lang sa upuan niya, tabachoy ang walastik... kunwari tagapagtanggol ng... ewan ba... mga chix o kung ano. Tangena ako buong araw padyak nang padyak puta. 
Pangalawa, putangina... kakaltasan pa ako ng kapwa pinoy ko? Para lang masaksakan niya ng kung ano tiyan niya? Ano ba naman? E pa'no ako diba? 'Di ko pa nga nababayaran kuryente namin e. Baka putulan na kami sa makalawa. Tapos may tsatsansing lang sa'kin. Hindi puta. Bawal, gago.

Walang hiya. Kung may pera lang ako puta kinasuhan ko 'tong kumag na 'to e. 

Friday, October 2, 2015

6.3 Abante Tonite, Now Na: PH History OK Tanggalin Sa High School – Aquino

Well, I wouldn't know why my son would allow such a thing. It's utterly preposterous and unbecoming of someone who is tasked to serve the country. As of now, I do not know his rationale as well as his intentions for removing Philippine History from the curriculum but for now, I believe this is just madness. I didn't think I could be rendered even more motionless by anything until I heard of this.

As the famous novelist Aldous Huxley had said "That men do not learn very much from the lessons of history is the most important of all the lessons of history." History in itself is a lesson in which we human beings have to learn from, especially the Filipinos.
If history is not available to the young ones, who knows if the unavailability of sufficient information is causing the shaping of the next Marcos or maybe even preventing the next Jose Rizal of Andres Bonifacio. Who knows if the lack of sight in the background will lead to the destruction of education in itself? I am highly disappointed of my son and I'm afraid to say it is not only in this aspect.

This must be stopped. He cannot aid such a thing. If I could leave this current state of mine just to push him away from this damn cause, I will.

Thursday, October 1, 2015

6.2 Abante Tonite, Now Na: Humihingi ng Sex: Security Officer ng NAIA, Arestado

Sabi ko sa sarili ko, hindi ako maghihirap dito sa Pinas. Hindi pwede. Hindi ako matutulad kay Jenny na kinailangan nang gumala sa gabi nang mawalan ng trabaho sa umaga. Hindi ko ata kaya yun, ‘no! Si Candy nga, hinihila daw ng asawa ‘pag lasing para magToro. Putangina lalong hindi ko kaya at hindi ko gagawin yun ever! May dignidad ata ‘to ‘no. Prinepreserba ko iyon dahil sabi ng nanay ko, dapat karespe-respeto ako. Laban lang nang laban. Si Tiya Ana, mamasang na minamata ang lahat kaya kami nalayo sa kanya. Hindi ko hahayang maging malapit ako sa mga walang dignidad at naninira ng dignidad ng iba.

Kung makakarating ako sa Singapore, andaming opportunities doon. Okay nang nahirapan ako nang sandali habang naghihintay ako ng chance ko, basta’t makahinga na ako nang maginhawa pagdating ko doon. Kailangan pa kasi maghulog ng pera pero sige, kebs lang. Hindi naman basta-basta lang ang lahat diba? Kakagat na ako kesa dito kung ano-anong kagaguhan pa makakaharap ko.

Pero nakalimutan kong nasa Pilipinas pa rin ako. Hindi pa rin ako nakakaalis sa putanginang bansa na 'to. Leche.

Walang hiya. Kinapa ng gago ang butas kong bulsa. Mamaya, ibang butas na ang sinusubukan niyang kapain. Hinayupak na gago. Tangina wala talagang sistema sa putanginang bansa na 'to. LECHE. LECHE! Lahat ng tao dito naghihilaan. Binebenta ang isa't isa. Lahat ng tao dito PUTA.

PUTA.