Ang karaniwang tao ay may karaniwang ideya kung saan ka natutulog: sa kalyeng napakadumi at ginagapangan ng mga kung ano-ano na katabi ng isang creek na nalunod sa basura. Napapaligiran ka ng mga upos ng sigarilyo, alikabok, mamasa-masang lupa, o minsa'y baka may nakakalat na tae ng aso o pusa na maaaring mamasa-masa rin. Madalas madadaanan ng mga tao, titignan, ngunit hindi lalapitan. Madalas madadaanan ng mga kotse ngunit walang titigil upang tumingin. Kinukumutan ka ng usok, hinuhubaran ng mga matalas na pagtingin.
Pagkatapos ng pagkahaba-habang pagliliwaliw sa kung saan-saang lupalop na kausap ang sarili at nakatingin sa mga bagay na hindi tinitignan ng iba, doon ka lamang hihimlay para sa kanila. Kinaaawaan ka nila pero natatakot sila sa iyo. Baka hindi mo sila maintindihan.
Ang tawag nila sayo'y baliw.
Ibahin mo ako. Sa tingin ko'y dito ka natutulog: sa mundo na hindi mahahawakan ng kahit na sino. Mga imahen ng iyong mga karanasan tulad ng unang beses mong nagmahal nang totoo at hindi ito nabalik, ang pagsama mo sa pamilya mo, o ang araw na nawalay ka sa kanila. Noong bata ka, hindi mo alam na ito ang kahahantungan mo. Maaaring naalala mo ang ngiti mo kapag hahagkan ka ng iyong nanay; ang iyak mo kapag nagagalit sa iyo ang iyong tatay. Walang nakakakita ng mga ito. Ikaw lamang ang may kakayahang makita ang lahat ng ito.
Pagkatapos ng pagkahaba-habang pagliliwaliw sa kung saan-saang lupalop na kausap ang sarili at nakatingin sa mga bagay na hindi tinitignan ng iba, doon ka hihimlay para sa akin. Hindi kita malapitan dahil natatakot ka sa'kin. Ako ang hindi nakakaintindi nang lubos sa'yo.
Ang tawag ko sayo'y malaya.
Ang tawag ko sayo'y malaya.
No comments:
Post a Comment