Sunday, September 13, 2015

3.5 Tainga: On The Road

400 pesos para sa apat na taong desperadong makauwi  na mula sa kalokohang hindi napag-isipan. Tagaytay Art Beat, 250 pesos ang isang tiket. 82 ang bus papunta kung galing Pasay. Mas mababa kung galing Alabang. Ang pagkain, kekwentahin mo kapag nandun ka na.

12:45AM at naisipan namin ng tatlo kong kasamang oras na para umuwi. Karamihan sa mga umaaligid noon sa'min ay magpapalipas ng oras sa Tagaytay hanggang pumasada uli ang mga bus.

Ang tanging daan palabas sa oras na iyon: traysikel. Ang singil: 400. Ang problema: mawawala ang perang tinipid na sana pangkain namin pagbalik sa Maynila. Tig-100 na lang daw kami. Bahala na.

Dumaan sa isang napakadilim na short cut ang traysikel driver. Maaaring nagmamadali na rin siya. Ayaw niyang magtagal sa iisang batch ng pasahero. Madidinig na sana ang kalikasan. Maaaring may koro ng mga kuliglig sa kahabaan ng daan na ito. Maaaring maririnig mo ang kumpas ng mga nagpapanggap na mga kamay na mga sanga, sumasabay sa saliw ng malamig na hangin.

Ngunit hindi namin mahanap ang kalikasan sa daan. Pinapatay ito ng makina ng mabilis na traysikel. Tila isang makinang inuugoy kami sa aming antok gamit ang hindi matapos-tapos nitong ingay. Hindi kami magkarinigan sa ibabaw ng lakas ng makina kaya walang saysay ang mag-usap. Halos nakabibingi ito. Nakatingin na lang kami sa kani-kaniyang kawalan, gusto nang matulog kahit delikado.

Paggising ko'y nasa Dasma na kami. Epektibo ang ugoy ng ingay. Hindi tulad noong bata ako na kahit tunog lamang ng TV na nakabukas sa mahinang volume ay hindi ko kayang tulugan. Ngayon lang ako nakatulog sa ilalim ng matinding ingay.

Hindi na kami nakakain pagbalik. Gusto na naming magpahinga. Gusto na namin ng katahimikan.

No comments:

Post a Comment