Sa Pasay-Rotonda. Minsan lang ako mapadpad dito. Madalas kung wala talagang ibang paraan upang makauwi. 3:30AM na ngayon. Nanggaling ako sa inuman ngunit hindi naman uminom. Pagod na pagod lang talaga kaya gustong mahiga sa kung saan dito, kahit pa madumi. Madalang ang pagdaan ng mga bus sa ganitong oras. Puro jeep lang na napakaingay ng mga makina ang madadatnan mo.
Dumaan ang isang traysikel driver at inaya akong sumakay. Traysikel, boss?
Gusto kong sabihin: Sige, pakihatid na lang ako sa amin sa San Juan. Sa F. Manalo lang ako. Kung ayos lang sa'yo, bakit hindi? Kita rin yun, di ba? Malamang sa tingin mo nahihibang na ako pero kanina ko pa gusto umuwi e. Malamang kanina mo pa gusto magsakay diyan nang kumita ka naman.
Traysikel, boss?
Pakiramdam ko tumalon na ang video tape ng gabi ko tungo sa katapusan. Palagi kong naririnig ito sa F. Manalo. Sa may 7-11, nakahilera dun ang mga traysikel drayber na kapag umaga't hapon ay hindi mo makikita ngunit kapag madaling araw ay gutom na gutom para makakuha lamang ng pasahero. Tuwing maglalakad ako sa F. Manalo, susutsutan nila ako at aalukin: "Traysikel, boss?" o minsa'y "Traysikel, boy?" Hindi ko alam bakit hindi pa sila sanay na dinadaanan ko lang sila at hinihindian.
Sa alok ng kuya sa Pasay-Rotonda ay pakiramdam ko kahit sandali ay bumilis din ang gabi. Maaaring nakauwi na ako. Ngunit kailangan ko pa ring harapin ang tunay na paglalakbay. Hindi pwedeng madaliin ang mga bagay na hindi mo pa nasisimulan.
No comments:
Post a Comment