Sa sakayan ng bus na pumapagitan sa Trinoma at North Edsa, nagbalik ang isang amoy na ilang taon ding hindi bumisita sa'kin.
Madalang akong makakita ng nagbebenta ng sampaguita sa kalye. Hindi ko alam kung madalang lang akong lumingon mula sa mga pinagbabasa ko 'pag ako'y nasa loob ng kung anumang sasakyan kaya hindi ako laging nakakakita. Lumapit sa'kin ang bata, inaalok ang sampaguita. Sa gitna ng naghalong amoy ng makapal na itim na usok mula sa mga sasakyan sa Edsa at sigarilyo ng kung sino-sinong naghihintay sa sakayan, naamoy ko ang halimuyak ng iilang sampaguita na hawak ng bata na nagpaalala sa'kin sa burol ng aking lolo Peter o mas kilala namin bilang Daddy Pete dahil ayaw niyang tawagin siyang lolo.
Hindi ko alam kung may sampaguita ba talaga noong libing ni Daddy Pete o isang bulaklak na kamag-anak ng sampaguita ang nakahalo sa kung ano-anong bulaklak na katabi ng kanyang kabaong. Hindi ko talaga pinapansin ang amoy ng mga bulaklak noon dahil ano nga ba naman ang pakialam ko bilang walong taong gulang pa lang ako noon.
Ang tunay na nagpaalala sa'kin sa halimuyak nito ay ang pinaghinalaan kong pagbabalik ni Daddy Pete sa mundo mga ilang buwan pagkatapos ng kanyang burol. May pagsasalong nagaganap sa amin noon at sa hindi malamang rason ay naamoy ko ang amoy ng bulaklak. Noon lang talaga kumabit sa'kin ang samyong ito dahil akala ko'y nagmumulto siya upang makisama sa salo-salong iyon. Nagtago ako noon sa likod ng mesa at minalas na natabig ko ang isang plato ng tsitsirya. Napagalitan ako noon. Sa pagkakaalala ko, sinabi kong ang rason kung bakit ako maligalig noon ay nagmumulto si Daddy Pete at sinigawan ako ng tatay ko dahil magsisinungaling na nga lang daw ako, gagamit pa ako ng patay.
Ngayong naamoy ko ulit, maaari kayang ginagabayan ako ni Daddy Pete tuwing ako'y nasa labas? Ngayon ko lang napansin ang samyo ng sampaguita ngunit alam kong marami pang ganito sa mga kalye ng Metro Manila. Gusto kong maniwalang nagsisilbi pa rin siyang gabay na hindi ko nakikita.
No comments:
Post a Comment