Wednesday, September 30, 2015

6.1 Abante Tonite, Now Na: Military patrol base sa Albay, rinatrat ng NPA

POSIBLENG nagmula sa rebeldeng New People’s Army (NPA) ang naganap na panghaharass sa isang military patrol base sa Albay.” -Johnny Arasga, REMATE

Sisisihin na naman nila kami nito. Sigurado. Kasing-sigurado nila.

Kapag may namatay o nanakit, sa amin ang kasalanan. Kapag sa amin may pinatay, kasalanan pa rin namin dahil sa kung sino kami. Ambush, Karahasan, Pinatay o Patay… iilan lang ‘yan sa mga salita o gawaing palaging iniuugnay nila sa amin. Sa amin napupunta ang pagbintang kapag inataki ang mga sundalong Pilipino. Sa amin napupunta ang bintang kapag may pinatay at walang maituro.

Insurgents daw ang tawag nila samin. Mga kalaban daw kami ng bayang ipinaglalaban namin. Pati ang mga pagpatay na isinasagawa ng gobyerno ay samin ipinapataw. Ang mga Lumad na pinagpapatay ay samin na ibinibintang ng iba. Ang mga Lumad na pinagpapatay din daw ay kasamahan namin kaya sila pinagtutugis. Hindi ko maintindihan kung ano talaga ang paratang samin.

Kung aatakihin man namin ang militar ay may matatag kaming rason na maibibigay para gawin ito. Kung gagawing basehan ang kanilang patuloy na pagpataw ng kasalaman samin at pagpatay sa mga tao naming ay matagal na naming inataki ang bawat military base na makita namin ngunit hindi sukdulang karahasan ang aming tatahakin na daan tungo sa pagpapalaya sa bansa. Nawa’y magising ang mga militar mula sa kapangyarihan ng gobyernong itinali sila sa kani-kanilang mga leeg na parang mga aso. Hindi man sila umanib sa amin ay sana hindi sila maging mga aso sa ngalan ng pera at dangal na may bahid ng katuwalian.

Patuloy lamang kaming magpapalakas. Sinisigurado ko sa inyong kapag kami’y lumakas, kami ay lalong mapagbibintangan ngunit hindi makakamit ang kalayaan kung wala kang mga baitang na tatapakan. Kailangang pagsikapan ito.

Tuesday, September 29, 2015

5.7 Virginia Creeper: Syota

Tagpuan: Mang Inasal, Ayala MRT Station, mga 3:30 ng hapon

Mga Tauhan:
LALAKI, 20, kayumanggi, parang F4 ang buhok
SYOTA, 20, medyo maputi

LALAKI: Alam mo pa’no pumunta Salcedo from here?
SYOTA: [Ngumuya muna nang sandali.] E-jeep.
LALAKI: May isa pa e. Parang---
SYOTA: [Nakangiti.] --Taxi?
LALAKI: Gagi hahaha… but seriously, may nabanggit si PB e.
SYOTA: Baka yun yung sa Legaspi? Maglalakad pa ata dun e.
LALAKI: A--…ata? [Mag-iisip] E-Jeep na lang noh? [Mapapangiti parehas]
SYOTA: Oo haha katamad.

Patlang. Kumakain na ang dalawa. Minsa’y natutulala ang LALAKI sa labas kung saan maraming tao ang dumadaan. Mapapatingin si SYOTA sa kanya. Magkakangitian sila.

LALAKI: Sa’n ka ‘pag nagpagupit ako?
SYOTA: Magtitingin-tingin na lang ako..
LALAKI: [Nakangiti ulit, parang nang-aasar.] Shopping?
SYOTA: Ehhh bakit ba?
LALAKI: Wala joke laaang. Hahaha.
SYOTA: Sa ano na lang muna ako H&M.
LALAKI: Hatid mo pa ako dun?
SYOTA: [Parang nagpapacute gamit ang pagpapout ng lips.] Oo namuuhn.


Kumain na sila ulit. 

TELON

Monday, September 28, 2015

5.6 Virginia Creeper: Backstab

Tagpuan: Sev's Cafe, isang mesa, bandang 7:30PM

Mga Tauhan:
POGI, mga 25-30 siguro, parang Robert Downey Jr. ang balbas, matangos ang ilong
GIRLALOO, Mga 25-30 rin siguro, maikli ang buhok, mukhang may halong Indian

Hawak ni GIRLALOO ang phone niya habang kausap siya ni POGI na umiinom sa kanyang fruit shake.. May mga chili poppers sa mesa. Si GIRLALOO ay tubig lang ang iniinom. Hindi natin alam ano talaga ang pinag-uusapan nila bago ito.

POGI: I don't see it's importance though na parang everything must be told to him na parang 'di niya kaya mag-isip for himself, you know? [Tatango si GIRLALOO.] Dibaaa?
GIRLALOO: Spoonfed.
POGI: Yeah, exactly! Grabe mapapagod ka rin e, right?
GIRLALOO: Uh-huh.
POGI: But when Jun says it to him, ang dali lang naman niyang ano... uhh... mapasunod or mapa-oo.
GIRALOO: Yeah... like yung one time, diba, na  Jun told him to [tatango ang POGI, alam na niya siguro.] leave his phone at his desk, ginagawa na niya.
POGI: Oo oo! Ambilis lang e 'no. [Magsasnap.]
GIRLALOO: [Overlap sa "Ambilis"] Right?
POGI: But anyway, I guess kailangan lang din niyang iremind nang iremind? Coz there are people like that.
GIRLALOO: Yeah na I think takot sila to do things on their own kasi baka mamaya it's a misstep?
POGI: Maybe not Rog/Roj pero I think underlying na na he doesn't wanna disappoint others. It's just nakakapagod. Parang "Helloooo" paulit-ulit tayo.
GIRLALOO: [Tatango.] Yeaaah.

Kumain ng chili poppers si GIRLY. Iba na ang pag-uusapan nila (na hindi ko na sinundan).

Sunday, September 27, 2015

5.5 Virginia Creeper: Ang Kabanata ng Rakenrol

Tagpuan: Cubao X, sa labas ng isang record store, bandang 11:00PM

Mga Tauhan:
SEMI-KAL, semi-kal (siyempre), kitang-kita ang mga ugat sa kamay
BIGOTILYO, semi-kal rin siya pero mas makapal ang bigote, medyo payatot, may tato ng Alibata at mga lubid sa kanang braso
2 KABARKADA

Kasama ni SEMI-KAL at BIGOTILYO ang kanilang 2 KABARKADA sa labas ng isang record store. Nagyoyosi silang lahat. Tumutugtog ang kanta na "Take the Power Back" ng Rage Against the Machine mula sa Iphone na dala nila na malakas ang volume. Ang 2 KABARKADA ay iba ang pinag-uusapan sa tabi.

Pasingit-singit sila ng hitit kaliwa kanan.

BIGOTILYO: Olats tayo diyan, dre. Armado 'yang mga yan e.
SEMI-KAL: Pero ano masasabi mo sa ganon?
BIGOTILYO: Hindi na kasi uso 'yung ano e... alam mo yung talagang rakrakan? [Tatango si SEMI-KAL at matatawa. Alam niya.] Armadong-armado sila ngayon p're e. Bagong subculture na sila, kumbaga. Mae-efface na tayo.
SEMI-KAL: E meron pa rin naman tayong mga audience a?
BIGOTILYO: Wala e.
SEMI-KAL: [Natatawa.] Wala ka ba tiwala?
BIGOTILYO: Wala p're. It's all about Facebook. Social media. Sa twitter.
SEMI-KAL: Kanila yun e noh?
BIGOTILYO: Kanilang kanila, dre! Pucha, you look at the walls of your friends, ang pinopost nila Saguijo at Route. And speaking of, Route a. [Ineemphasise pa lalo gamit ang mga kamay na parang nanggugulat.] Route!
SEMI-KAL: Pati dito mehn! Yung Fresh Filter, dre. Sobrang big deal nun dito.
BIGOTILYO: O, diba? Pumasok sila sa sistema, shinape nila nang shinape.
SEMI-KAL: Sa tingin mo ba pasok din ang factor ng kwarta? [Parang 'di gets ni BIGOTILYO.] As in, mas may coverage sila kasi ayun nga, mapera sila e.
BIGOTILYO: Ehhh 'di naman din siguro yun e. Sige, mga burgis-burgisan sila. Pero, dre, you look at it and see na yung audience din kasi nila mas nakakarelate. E sa'tin? Sa'tin sumasakit ulo nila. [Magtatawanan.] Diba? Hindi sila sumasaya pagkatapos.
SEMI-KAL: Walang bliss, ano?
BIGOTILYO: [Nag-iinit na.] Oo!! Tangina! Gusto kasi nila, enjoy-enjoy! Pangiti-ngiti tas pipikit na ganito o [Pipikit-pikit na parang abnormal] tas kakaway-kaway sa hangin [kumakaway ang mga kamay sa hangin.]! Yun na yun!
SEMI-KAL: Uy grabe may mga gano'n din naman tayo?
BIGOTILYO: Sa'n banda?

Tapos na sila magyosi. Papasok sila. Naguusap pa rin sila. Sa huling tingin, bahagyang natatawa uli si SEMI-KAL. (Hindi pa tapos ang usapan kaso 'di ko na sinundan)

(Iniisip ko rin talaga kung magkaibigan ba talaga sila kasi kung oo matagal na nilang napagusapan 'to)

TELON

Saturday, September 26, 2015

5.4 Virginia Creeper: Paghahanap ng Libro

Tagpuan: Power Books, Greenbelt, bandang 6:00PM

Mga Tauhan:
ATE 1, mga 25 na siguro, naka-orange na dami, hanggang balikat ang buhok
ATE 2, naka-faded na yellow na damit, mukhang mas matanda nang onti kay ATE 1, kulot at mahaba ang buhok

Nagtitingin ang dalawa sa section na maraming PSICOM at WATTPAD na libro. 

ATE 1: Lakas kaya ulan, sis?
ATE 2: Ewan.

Nagtitingin pa rin. Nakayukad na si ATE 1 para tignan ang mga nasa baba.

ATE 1: [May nakita bigla.] Ito kaya?

Titignan ni ATE 2. Kukunin niya ito at babasahin ang laman. Tas titignan niya ang likod siguro para tignan kung magkano ito. Habang ginagawa niya ito, tinitignan ni ATE 1 ang iba pang libro.

ATE 2: Tabi mo lang muna. Tignan natin.
ATE 1: Sige.
ATE 2: Gusto ko yung Gold e. [Patlang.] 'Pag may nakita kang bagong Tamako Sia ayun sige.
ATE 1: Wala pa ata, neng. Gold meron.
ATE 2: Wala pa ba?

Walang sagot. Nagtitingin ulit. May mga onti silang binubulong-bulong na hindi ko naintindihan.

ATE 2: Ito na lang akin. [May ipapakita kay ATE 1.]
ATE 1: Ayyyy pwede. Meron pa ba? [Titingin.] Parang gusto ko rin...
ATE 2: Wala naman yung sinasabi nila na yung sa... Roommates?
ATE 1: Roommates oo.

Lalayo sila. Hihina ang usapan nila habang papalayo. Bibilhin na ata nila yung hawak nila.

TELON

Friday, September 25, 2015

5.3 Virginia Creeper: Jaguars

Tagpuan: World Bank Building, 23rd floor, hintayan, 6:15PM

Mga Tauhan
Day Shift Sekyu, Matangkad, may eyebags
Night Shift Sekyu, Mataba, semi-kal

Kakarating lang ng NS SEKYU. Nakatingin sa phone niya ang DS (kanina narinig ko nanonood ata siya ng AlDub dahil narinig ko yung 'Naniniwala na ako sa Forever' na kanta o baka nanonood siya ng video nun). Lilingunin niya ang NS Sekyu.

DS SEKYU: Oy.

Tatango lang ang NS SEKYU. Ilalapag niya ang kanyang bag sa likod ng reception area. Lalakad siya papalapit sa'kin...

NS SEKYU: Ano 'to bago? [...at kukunin ang dyaryo sa mesita sa harap ko.] September 5? [Tatawa.]
DS SEKYU: Kinuha ni miss Julie yung isa kanina.

Patlang.

DS SEKYU: May pipikapin si Richard mamaya. Pasignan mo na lang 'to [may mga ipapakitang mga papel] tas alam na niya rin 'to [may mga papel ulit].
NS SEKYU: Ok. Andyan pa ba si Grace?
DS SEKYU: Bumaba.
NS SEKYU: Si Marj?
DS SEKYU: Wala na.
NS SEKYU: Patawagan ko sana si Maam Eba e.
DS SEKYU: Sa 22nd.

Lumabas si NS at pumunta saglit sa banyo. Tas pagkatapos ay bumababa siya sa 22nd floor gamit ang fire exit. Nakatingin pa rin si Kuya DS sa kanyang phone.

TELON

Thursday, September 24, 2015

5.2 Virginia Creeper: Usapang Bucket

Tagpuan: Toys R Us (4th Floor) sa Robinsons Magnolia, bandang 2:30 ng hapon

Mga Tauhan:
KUYA SPIKY, 25 yrs. old, nakaToys R Us Uniform na blue, pa-spike ang porma ng buhok na naka-gel, medyo mataba
KUYA GOATEE, 30 yrs. old, nakaToys R us Uniform na blue rin, crew cut ang gupit at may goatee sa baba, medyo mataba at halos kamukha ni Richard Somes
KUYA EKSTRA, 25 yrs. old,  nakaToys R us Uniform na blue rin, parang Papa P ang gupit
BATA, 10-12 yrs. old, maputi

Tumutugtog ang "I Dont Wanna Grow Up, I'm A Toys R Us Kid" sa background habang nag-uusap si KUYA SPIKY na nakatayo sa seksyon ng mga pambabaeng dolls at si KUYA GOATEE na nakatayo naman sa section ng mga foam weapons na pang-Halloween at Jurassic World toys. Parang kanina pa nagsimula ang usapan.

KUYA GOATEE: Mangkukulam yun!
KUYA SPIKY: [Sandaling patlang.] Tapos biglang mandadakma! [Tatawa nang malakas at sabay pipigilan ang sarili.]
KUYA GOATEE: [Pinipigil din ang tawa.] Aguuuy parekoy!
KUYA SPIKY: Si Vinchy Ven (ito talaga yung narinig kong pangalan, medyo kakaiba) na lang kulang o!
KUYA GOATEE: [Kakamot sa leeg habang nakangiti.] Aguy na aguy yun!
KUYA SPIKY: Sakit nun, dong!
KUYA GOATEE: Pakagat mo leeg mo.
KUYA SPIKY: [Tatawa kasabay ni GOATEE.] Edi nge!
KUYA GOATEE: [Natatawa.] Edi nge! Haha!

May nakatayo sa isang section sa likod na titingin sa kanila at matatawa. Kanina pa ata siya nakikinig. Ito si KUYA EKSTRA ngunit hindi siya makikisali muna.

KUYA SPIKY: Ano'ng atin bukas?
KUYA GOATEE: Wala ka?
KUYA SPIKY: 'De ano ka ba haha! Sa gabi!
KUYA GOATEE: Gimik-gimik ba? [Natatawa sa sinasabi sa 'di malamang rason.] Gimik-gimik pa more!
KUYA SPIKY: Pa more pa more!
KUYA GOATEE: Sabihin mo si Rodel, akin unang bucket! Si K--
KUYA EKSTRA: [Eepal.] Huy ang kukulit niyo! [Pabiro.] Bawal 'yang ganyan dito!
KUYA  GOATEE: Weeehhhh hahaha!
KUYA SPIKY: Jepoy (inaassume kong ito si Kuya Ekstra dahil nakatingin siya sa kanya nung sinabi niya ito) pa more!
KUYA EKSTRA: Bucket, bucket kayo diyan! Ano yun?
KUYA SPIKY: Yung ano... [Hihinaan ang boses. Kakanta...] Bucket ngayon ka laaaang, dumating sa buhay ko!

Magtatawanan ang tatlo. May BATA na dadaan sa mga foam swords at paglalaruan ang scythe ni Kamatayan at ang isang duguang malaking espada. Babantayan siya ni KUYA GOATEE. Mawawala ang tawanan ng tatlo. Babalik sila sa pagbabantay pero nakangiti pa rin silang lahat. Si KUYA SPIKY ay halos 'di makapagpigil. Tawang-tawa siguro siya sa sarili niyang kalokohan.

TELON

Wednesday, September 23, 2015

5.1 Virginia Creeper: Love Team

Tagpuan: Dyipni. Umaga. Mga 9:00-9:10AM

Mga Tauhan:
TIRINTAS, Babae, 12-15 yrs. old, nakauniporme ng paaralang PUP San Juan, nakabraid ang buhok
BRACES, Babae, 12-15 yrs. old, nakauniporme din, may blue na braces, naninilaw ang ngipin
KATABI, 30 yrs. old, kaswal na kasuotan, mukhang madaling mabwiset
MGA PASHERO

Nakaupo si TIRINTAS at BRACES sa dulo ng jeep, malapit sa pintuan. Malaki ang mga schoolbag nila na nakapatong sa mga hita nila. Ang bawat salita nila ay may kasamang sayaw ng mga kamay at kung ano-anong kaartehan na ekspresyon sa mukha. Kanina pa nagsimula ang usapan nila ngunit ngayon lang talagang lalakas.

TIRIINTAS: Alam ba nila? Parang uhh--
BRACES: Ewan nga e! Baka? E... kasi naman, e! Noh?
TIRINTAS: Tas si Dani/Danny (hindi sigurado kung alin ang tamang baybay) grabe lang, behz, walang tago-tago e?
BRACES: [Bukang-buka ang bibig, kitang-kita ang ngipin at braces] Ay oo gurl!!! Oo! Oh em lang talaga! Grabe a, pa-mature mature na sila!
TIRINTAS: Oo nga e! Grabe lang. Naalala mo si Emma at si Ken?
BRACES: Yeees! Hay nako, king and queen na 'yun! Summer na summer, ano? Mainit nga talaga hahaha!
TIRINTAS: [Tatawa rin.] Grabe oo!!! [Tatalsik ang laway pero 'di mapapansin ni BRACES.]
BRACES: Tapos ako, may nalalaman pa akong pagkulong-kulong sa kwarto ko. Sana pala nag-tutorials na ako sa Dance. Omg lang tas Teacher Dave pa!
TIRINTAS: [Malaki ang ngiti, mukhang nangungutya.] MHHHM!! Dance talaga, behz? Sino bang--
BRACES: [Eepal.] Ano baaaa??! [Halatang hindi totoo.] Gusto ko kaya magdance, ano.

Magtatawanan ang dalawang magkaibigan. Alam ni TIRINTAS na kagaguhan lang ang sinabi ni BRACES. Sisimulang pakiramdaman ni TIRINTAS ang kanyang phone sa front pocket ng bag. May nagtext ata.

TIRINTAS: Gaga ‘to baka mamaya kung sino pang kembutan mo e!
BRACES: Sino kaya yung “Dine” sa JaDine ko?
TIRINTAS: Ano raaaw??? [Mapapansing mali ang sinabi ni BRACES at tatawa silang sabay.] Hala siya, yung "Dine" ang hanap! Hahaha! Gurl a, gee... napapaghalataan.

Magpapaluan silang dalawa habang tawang-tawa. Mapapatingin sa kanila ang KATABI na may inaatupag sa smart phone niya. Mukhang naiinis na siya sa dalawa.

TIRINTAS: Gaga 'to! Ano beeer ('di ko naintindihan 'to)???
BRACES: Na-Jadine ako!! Gahd!
TIRINTAS: I-Jadine mo ako... ayyyy!
BRACES: I-Dawn Zulueta pa more!
TIRINTAS: I-Danny at Romy pa more!
BRACES: Yuck! 
TIRINTAS: Yucky talaga!
BRACES: Ang crazy nga lang. Hirap maging loveless.
TIRINTAS; 'De 'de aral muna 'no! Loveless loveless ka diyan andami mong arte!
BRACES: Kesa patay-patayan!
TIRINTAS: Kwento mo sa pagong na alaga ni James Reid!
BRACES: Ano raaaw?? 

Sabay na tatawa ang dalawa. Mapapatingin si BRACES sa daan. Tila napansin niyang malapit na silang bumaba. Nagtatapikan sila bigla, siguro hindi alam kung sino ang sisigaw ng “para”. Baka nagaasaran lang din sila. Hindi tayo sigurado.

BRACES: Para ho!

Hindi maririnig ng jeepney driver. Tutulungan sila ng iba pang MGA PASAHERO. Titigil ang jeep. Nakangiti pa rin si Tirintas sa katanghan ni Braces. Bababa sila at sabay tatawa ulit habang naglalakad.
     
TELON                                           

Tuesday, September 22, 2015

4.7 Stalker (Ang Pagbabalik): Ang Burgis at ang mga Maligno

Malamang ay sa gabi, nakahilera ang iba't ibang mala-burloloy na mga bracelets sa kanang kamay mo mula sa (kulay) pilak hanggang sa (kulay) ginto. Nakalagay ito sa tukador mong halos punong-puno na ng mga make-up na ginagamit niya sa kanyang mukha araw-araw. Lagpas lima ang baryasyon ng mga lipstick, eyeliner, blush-on, at kung ano-ano pa. Ang tukador ay may salamin na nakaharap sa iyong paboritong Queen Size bed para kapag ika'y nagising, ang sarili mo ang una mong makikita.

Ang relos sa iyong kanang kamay ay nakalagay sa drawer sa tabi mo kung saan may nightlight na pwede mong buksan kahit kailan. Baka kasi natatakot ka sa ilalim ng kama mo. Pagkalaki-laki ba naman ng Queen Size bed, posibleng may isang siyudad na ng mga maligno ang namahay sa diyan sa sampung taong tinagal mo dito. Hindi mo tuloy palaging maenjoy ang napakalambot na kutson at ang limang unan (dalawa mahaba, dalawa normal, at isang hotdog type) na lagi mong ipinapalibot sa sarili mo. Baka hindi ka makita ng mga maligno kapag sila'y lumabas sa ilalim ng kama mo at naisipang maglibot sa mas malalaking lugar ng iyong bahay.

Sa bandang sulok ay matatagpuan ang aircon mo na maaaring hindi nararanasan ng dalawang atsay na kasama mo. Maaaring sa electric fan (na siguro'y dalawa o tatlo sa kwarto nila) sila nagpapalamig ng kwarto at wala namang masama dito. Kung sakali, ipagpalagay na lang nating maaaring may aircon din sila sa baba at ang hindi nila nararanasan ay ang iba pang karangyaang ipinaparada mo sa iyong kwarto kung saan ikaw lang naman at ang mga atsay mo ang makakita pwera na lang kung papasukin mo ang iyong mga One Night Stand. Ngunit hindi nawawala sa isipan mo nag posibilidad na binabantayan ka nga ng mga maligno at nakikita nila lahat ng ibinabalandra mo at lalo lang silang nahuhumaling.

Malapit sa aircon ay may safe kung saan nakatago ang lagpas 2.5 million mong naipon sa ilang taong pagtatrabaho mo sa kung saan (o maaaring pamana ito ng mga singburgis mong magulang). Hindi mo alam kung ito ba ang pakay ng mgacmaligno sa ilalim. Baka hindi lang din sila maligno. Baka tunay na tao na sila.

Monday, September 21, 2015

4.6 Stalker (Ang Pagbabalik): Dura-Dura

Siguro'y lumulutang na ang ulo mo sa tuwing matutulog ka.

Kanina, nadatnan kita sa harap ng Barangay Maytunas Police station. Hindi ka mukhang hinuli pero mukha kang nanggaling sa gulo. Wala kang damit, gusot-gusot ang shorts, at nakatsinelas kang green. Parang init na init ka rin dahil malalaki na ang mga butil ng pawis na namumuo sa iyong dibdib at braso. Ngunit ang hindi ko malilimutan ay kung pa'no ka nakikipaglaro sa'yong kakosa: dinuduraan mo siya habang mabilis naman niyang iniiwasan ang mga mala-kanyon mong tira na halatang inipon mo pa sa bibig mo bago mo itira.

Sa pagtulog mo, sigurado'y nasanay na ang bibig mo sa pag-ipon ng laway. Malamang ay may mga wet spots na sa puti mong kama na bukod sa nanlilimahid na ang itsura (marami-rami ito dahil siguradong paikot-ikot ang ulo mo), napakabaho pa. Nasa paahan mo na ang unan mo dahil ayaw mo silang mabasa. Sanay ka na sa sarili mong gawain.

Marahil ay nakabukas din ang pintuan ng banyo na kailangan ng mga sampung hakbang bago makarating para pag nagising ka sa gabi'y dudura ka na lang papunta sa lababong nakikita mula sa iyong higaan at ishoshoot mo ito.

Sunday, September 20, 2015

4.5 Stalker (Ang Pagbabalik): All-Pink

Wala nang mas piPink pa sa kasuotan ng Ateng ito kanina. 

Hot pink kung tatawagin ang napakatingkad at napakatapang na pink. Ito ang kanyang blusa. 
Ang kanyang pantalon ay stripes: isang light pink, isang normal na pink, at isang puting linya ang tumatakbo mula bukong-bukong hanggang baywang. 
Ang sapatos ay pink din. 
Headband ay orange. 
Loko lang. Oo. Pink din ang headband ni Ate.
Kulang na lang pink din ang buhok niya.

KWARTO NI ATE PINK 
Ang kama ay pink. Hello Kitty ang disenyo. Wala naman talaga siyang pakialam kay Hello Kitty. Basta pink, ayun na.
Ang mga pader ay may wallpaper kung saan nagkalat ang iba't ibang shades of pink. Mala-50 shades of pink ang peg ng pader. Pinagkagastusan niya ito pagkatapos ng tatlong taong pagtatrabaho sa kung saan man kasama na ang mga OT na pinaghirapan. Ngayon hindi na siya nagoOT. Mas gusto niya nang umuwi sa kanyang pink na kwarto.
May retrato niya sa pink desk na katabi ng kama. Nakapink siya sa retrato. Mas bata pa siya nang mga dalawang taon. Noon pa man mahilig na siya sa pink. Ang frame, pink. Gold dati pero pinintihan niya. May tumbler din siya dito na pink ang kulay.
Ang tuwalya, mga damit, sapatos, bra, panty.... pink. Lahat pink. Tila alak ang pink sa kwartong ito. Nakakalasing ito sa sandaling masilayan mo ito. 
Ang pintuan na hadlang sa kanyang overall style sa kwarto ay brown. Nangingitim ang ibang mga parte nito. Kinaiinisan niya ito dahil hindi naman niya alam kung pa'no ito gagawing pink. Wala siyang budget para sa
1. Pambili ng pink na pintuan
2. Kumuha ng magpipinta nito
Pinagtitiisan niya ang pintuang ito sa bawat pasok niya. Ayaw niyang nakikita ito. Kung minsa'y pumipikit siya pag papasok sa kwarto, kinakapa na lamang ang doorknob na silver. Kapag magigising siya sa umaga, iiwas agad ang mata niya dito. Gusto niyang tumingin sa wallpaper niya. 

Hindi siya pwedeng basta-bastang mag-OT o kung anuman para gawing pink ang pintuan. Nakikirenta lang siya sa kwartong ito. 'Pag bumalik na ang tunay na may-ari, lahat ng disenyo'y kailangan niyang tanggalin. Baka maburat lang siya sa pagtanggal sa pintuan kung gawin niya itong pink.

Saturday, September 19, 2015

4.4 Stalker (Ang Pagbabalik): Tumpak Topak

Ang karaniwang tao ay may karaniwang ideya kung saan ka natutulog: sa kalyeng napakadumi at ginagapangan ng mga kung ano-ano na katabi ng isang creek na nalunod sa basura. Napapaligiran ka ng mga upos ng sigarilyo, alikabok, mamasa-masang lupa, o minsa'y baka may nakakalat na tae ng aso o pusa na maaaring mamasa-masa rin. Madalas madadaanan ng mga tao, titignan, ngunit hindi lalapitan. Madalas madadaanan ng mga kotse ngunit walang titigil upang tumingin. Kinukumutan ka ng usok, hinuhubaran ng mga matalas na pagtingin.
Pagkatapos ng pagkahaba-habang pagliliwaliw sa kung saan-saang lupalop na kausap ang sarili at nakatingin sa mga bagay na hindi tinitignan ng iba, doon ka lamang hihimlay para sa kanila. Kinaaawaan ka nila pero natatakot sila sa iyo. Baka hindi mo sila maintindihan.

Ang tawag nila sayo'y baliw.

Ibahin mo ako. Sa tingin ko'y dito ka natutulog: sa mundo na hindi mahahawakan ng kahit na sino. Mga imahen ng iyong mga karanasan tulad ng unang beses mong nagmahal nang totoo at hindi ito nabalik, ang pagsama mo sa pamilya mo, o ang araw na nawalay ka sa kanila. Noong bata ka, hindi mo alam na ito ang kahahantungan mo. Maaaring naalala mo ang ngiti mo kapag hahagkan ka ng iyong nanay; ang iyak mo kapag nagagalit sa iyo ang iyong tatay. Walang nakakakita ng mga ito. Ikaw lamang ang may kakayahang makita ang lahat ng ito. 
Pagkatapos ng pagkahaba-habang pagliliwaliw sa kung saan-saang lupalop na kausap ang sarili at nakatingin sa mga bagay na hindi tinitignan ng iba, doon ka hihimlay para sa akin. Hindi kita malapitan dahil natatakot ka sa'kin. Ako ang hindi nakakaintindi nang lubos sa'yo.

Ang tawag ko sayo'y malaya.

Friday, September 18, 2015

4.3 Stalker (Ang Pagbabalik): Otaku

Pag-uwi niya mula sa Cosplay Convention, didiretso na siya agad sa kanyang kwarto.

Ang pintuan papasok ay may sign na "Do Not Disturb" at ang ilalim nito'y may Hapones na salin ng mga salita. Sa pintuan sa likod, si CardCaptor Sakura na mukhang sticker.

Poster ng Naruto sa pader na katabi ng kama. Poster ng Bleach sa tabi nito. Poster ng Fate Stay Night sa tabi nito na pumalit sa dating poster na Gurren Lagann na napunit dahil nanaginip siyang nagkamehameha si Goku at tumalsik siya hanggang sa mapasabit siya sa dulo ng talampas at maaaring mahulog sa bangin kaso ang nasabitan niya ay ang ulo ng Gurenn Lagann mecha. Sa tabi nito, may espasyo pa sana para sa isa pang poster pero baka
a. Wala nang pera para magpaprint o bumili ng poster.
b. Wala pang nabibili o natitipuhan na poster dahil metikoloso siya sa kung anong makikita bago matulog.
c. Natatakot siyang managinip uli ng kung ano-anong pagsabit kaya wala na lang dito.
Ang ibang parte ng kwarto ay wala nang poster dahil papagalitan siya ng tatay niya kapag masyadong marami.

May shelf malapit sa kama. Apat ang mga hilera. Sa dalawang ibabang hilera ay mga kung ano-anong Manga comics. Sa dalawang itaas ay mga kung ano-anong laruan mula sa Fairy Tail!, Hajime No Ippo, Slam Dunk, Vampire Academy, at kung saan-saan pa.

Kulang na lang, ilagay niya si Spike at ang buong Cowboy Bebop sa disenyo ng kama niya.

Thursday, September 17, 2015

4.2 Stalker (Ang Pagbabalik): Si Tatang na Dalawa ang Tulugan

Kaninang umaga'y tila ambulansya ang isang delivery tricycle (yung open ang sakayan ng pasahero) habang binubusinahan nito ang lahat ng kotseng humaharang dito. Kapag liningon, isa lamang ang tatatak sa utak: sa dalawang pasahero, ang isa'y matandang lalaking nag-aagaw buhay na. Nakakababa ang kanyang ulo at inuubo-ubo siya. Sa bawat ubo'y umaangat ang kanyang mga balikat. Sa ibabaw ng mga busina'y naririnig ko ang basag na tunog ng kanyang baga.

Unang Tulugan: Ang Nakasanayan
Sanay akong matulog sa aking kama na halos walong taon nang nasa'kin. Mas maliit ito sa mga dating kama ko na pinaubaya ko na sa mga anak ko dahil dito sila kakasya kasama ang mga anak at asawa nila. Green ang kulay nito. Isa lang ang unan ko. May mesa sa tabi na minsa'y pinaglalagyan ko ng baso ng tubig para may mainom ako 'pag gabi.
Kadalasan din ay hindi kaaya-aya ang amoy dito. Parang lupa kapag katatapos lang ng ulan. Hindi ko na kasi kayang linisin ang aking kwarto at hindi ko naman ito mapagawa sa mga anak ko kasi may kani-kanyang trabaho na sila. Nangingitim na ang mga kahoy na nakapaligid sa'kin. Napakainit din dahil maliit lang ang electric fan. Nasa mga anak ko na ang mas malalaking electric fan.

Pangalawang Tulugan: Ngayong Gabi Lang Sana
Malambot ang puting kama. Pati na rin ang mga unan. Ang kumot ko'y gusot-gusot, tila kagagamit pa lang nang nauna sa'kin. Hindi na siguro sila nagkaroon ng panahon na linisin pang mabuti ito. May nakasaksak sa aking kamay na dextros. 
Malamig kahit papa'no. May aircon kasi. 
Ngayong gabi na lang sana ako dito. 
Kung mamamatay din, walang anuman. Basta't hindi na ako magtagal dito.

Wednesday, September 16, 2015

4.1 Stalker (Ang Pagbabalik): Mister Diuresis

Profile ni Mr. D
Mr. Diuresis lamang ang tawag sa kanya. Walang first name. 
Mr. D ang nickname niya.
Tagalako ng mga DVD na tulad ng Iron Man 4: Bruce Wayne Strikes Back at the Empire at Avengers 2: Dawn of Justice. 
Maitim. May bigote. Balbon ang binti. Payatot.
Naka-red na cap. Walang espesyal na disenyo ang kasuotan. Pulang tsinelas. 

Saan niyo po ba siya nakita?
Nakita ko si Mr. Diuresis sa Q. Ave habang nakaupo ako sa tabi-tabi.

Bakit siya ang napili niyong paksa?
Dahil sa gitna ng daan-daang tao, siya lang ang walang pinatunguhan noong oras na 'yon bukod sa akin. Kami lang dalawa ang nanatili sa tabi-tabi nang mas matagal sa limang minuto.

Ano ho bang ginagawa niya doon?
Marahil nagpapahinga. Marahil kanina pa siya naglalako. At sa kanyang pagpapahinga, natunghayan ko ang kanyang pag-ihi sa pader. Hindi lang isang beses kundi dalawa. Ang pangalawa ay sumunod pagkatapos niya magzipper muli at biglang mapansing "Shet, hindi pa pala ako solb" at binuksan uli ang zipper para umihi. Pagkatapos nun, ang tayo niya parang hindi na mapakali. Pakiramdam ko kahit onti ay naiihi pa rin siya pero hindi niya alam kung saan pa pupunta para lang umihi. Namarkahan na rin lang naman niya ang pader, 'di ba?

Sa tingin niyo ho ba, saan natutulog itong si Mr. Juresis?
Diuresis. With a D. Sa tingin ko hindi gaanong kalaki ang kwarto ni Mr. Diuresis. Ang kama'y hindi rin gaanong kalambot. Isa lang ang unan. Maaaring nakasalansan ang kanyang mga DVD na ibebenta bukas sa ilalim ng kama. May dalawang bintana. Hindi na siya nageelectric fan. Hinahayaan lang niya ang hanging umikot sa kanyang kwarto.
Pero ang pinaka-importante sa lahat ay katabi niya ang banyo. Singlaki rin siguro ng banyo ang kanyang kwarto. Maaari siyang matulog dito kung kinakailangan para hindi na siya susugod-sugod pa kapag tinamaan ng kiliti sa t*** at biglaang nagising. 

Yun lang ho ba?
Maaaring mapanghi rin sa kwarto. Malapit siya sa banyo e. Hindi ako nakasisigurado kung magaling bang umasinta 'tong si Mr. D. Baka hanggang kama'y amoy na amoy ang sangsang ng ihi.

Ang judging niyo naman ho.

Tuesday, September 15, 2015

3.7 Tainga: Wasiwas

Parang mga pakpak ng anghel ang mga ipinapagpag na tarpaulin dito sa may BF malapit sa tahanan ng aking kaibigan. Sumunod ang nakabibinging katahimakan na hudyat ng paglalakbay ng mga alabok at agiw sa iba't ibang direksyon. Hindi ko alam saan gagamitin ang mga tarp na ito.

Ito rin ang naging hudyat ng paglalakbay ng aking alaala tungo sa isang bagay na matagal ko nang hindi naaalala.

Sa aming maliit na paaralan noon sa New Manila, tinitipid kami ng mga nasa itaas sa sistema kung kaya ang pasilidad ay nasa pinakamababang kalagayan (ang hindi nila tinitipid ay ang kani-kanilang mga dream houses na nagkalat na sa kung saan-saang probinsya). Kaming mga mahihilig maglaro ng football at basketball ay kailangang magtiis sa open court na napakaliit at iisa lamang kung kaya nagkakaroon ng mga mini-riot tuwing hindi magkasundo ang mga tao kung sino ang may karapatang maglaro sa court. Ngunit ang mas masaklap pa sa mga mini-riots ay ang mga hindi matapos-tapos na ulan. Kesyo bagyo o ambon, nabubulabog kaming mga gustong maglaro. Natitigilan kami hindi lang sa pagkakataong makipagmini-riot sa mga hindi namin kaklase pero pati na rin sa aming recreational needs.
Ang solusyon ng mga kukurap-korupt sa taas ay palagyan ng tarpaulin na takip ang open court nang hindi mabulabog hindi lang ang aming paglalaro tuwing break pero pati na rin ang mga P.E. classes na kadalasan ay 80% jogging lang naman dahil tamad ang mga guro. Biruin mo, may dream house sila pero simpleng court namin na kailangan din sa aming pag-aaral, tarpaulin ang solusyon. At ang mga walang hiyang 'to, naisipan pang ilagay na disenyo ang school name at logo. Nagmukha tuloy disenyo lang ito para sa mga dadaang ibon, helicopter o eroplano. Baka call-for-help. SOS namin. Kailangan ng tulong ng mga studyante dahil nginguya na ng mga kumag sa itaas ang aming pera pero tarp lang ng school ang pamprotekta nila sa'min sa ulan. Pluribus Anus.
Alalang-alala ko kung paano kami tuwang-tuwang sinisipa ang mga bola papunta sa punyetang tarpaulin sa taas. Kadalasan pa'y natitipon dito ang tubig-ulan kung kaya't pag hinangin, goodbye OOTD sa kung sinumang nasa ilalim ng tarp.
Pero ang pinakamasaya ay ang nasaksihan kong pagbagsak ng isa sa mga tarp isang araw habang naglalaro kami. Pumiglas ang kabilang parte na nakasabit lamang sa isang mahabang pole at pababa nitong winalis ang mga nagbabasketbol sa kabilang court. Rinig na rinig ko sa kabilang court ang tunog ng tarp na parang mga pakpak ng anghel sa judgment day bago nito tinumba ang isang naglalaro habang napatakbo naman ang iilan.

Kung saan man gagamitin ito ng mamang nagpapagpag dito sa BF, hindi sana makasagabal ang tarp sa kahit na anuman. Tignan niyo ang mga pulitiko, ang daming tarp. Ang sarap sipaan ng bola. Ang sarap pabagsakin.

Monday, September 14, 2015

3.6 Tainga: Granada X

May mga bagay na naririnig ng bawat indibidwal na maaaring sila lamang ang binabagabag. Maaaring ipamahagi ang pakiramdam, kung paano siguro ito lumitaw ngunit hindi sa mismong oras na kanilang nararamdaman ito ay hindi nila maipapamahagi ang kabuuuan nito dahil mag-isa nila itong pinagdadaanan.

Habang nakaupo ako sa mesita sa labas ng Duke's Coffee, umalingawngaw ang 'di kanais-nais na tunog: ang Sound Grenade kung tatawagin ngayon. Isang pag-iyak na tulad ng banshee na naghahasik ng lagim ngunit hindi ito unti-unting naglalaho kapag nanghina o napagod na ang banshee sa kanyang giyagis na nagsabog. Hindi ko alam kung ano ang tawag dito ng mga doktor o eksperto sa tunog ngunit kapatid ito ng tinatawag na "Shell Shock" kapag nahampas o may nagsabog na malakas na tunog at walang marinig ang iyong tenga kundi ang isang napakahabang pagring na tila flatline sa ospital. Ito ang kamatayan ng tunog. Ang Sound Grenade nga lang na nararanasan ko ngayon ay buhat ng pagpupuyat dahil sa ginawang aralin kagabi na tumulay hanggang kaninang umaga hanggang sa hindi na nagkapanahong mahiga at makapagpahinga kahit kaunti. 

Ngunit bakit nga ba Sound Grenade ang alam kong tawag dito? Bundos lamang ito ng makabagong teknolohiya noong 2nd year hayskul ako. Ang kaibigan kong si Geo o kilala bilang Pat dahil siya'y patpatin noon (ngayon ay mukhang kumakain na) ay nagdadala ng Itouch sa pamantasan kahit na labag ito sa mga regulasyong ibinigay sa amin ng mga guro. 

RULE #1: No gadgets allowed inside the school premises. Gadgets seen held or in possession of a student shall be confiscated and will only be returned once said student completes a corresponding 10 hour school service. 

Kung hindi nga ba naman matapang si Patpat, araw-araw niyang dala ang Itouch dahil hindi niya matiis ang patong-patong na oras sa dyipning naipit sa trapik nang walang ingay ni Lil Wayne at musika ng Foo Fighters. 
At sa tapang ng kumag na 'to, nagawa niyang bulabugin ang class gamit ang iisang app sa Itouch niya na walang kahit anong silbi: Sound Grenade. Kapag pinindot mo ito, agad na magsisimula ang nakabibinging flatline effect sound na sa sobrang lakas ng tunog ay maaaring higit pa sa isang metro ang sakop. Patay-sara ang kanyang istilo upang hindi siya mahuli at ang akala ng guro ay may problema lang sa covered court kung saan may isinasagawang preparasyon para sa darating na Dance Festival doon. Ngiting-ngiti ang gago habang nakikisabay sa pagtatakip ng tenga ng mga tao.

Ngayong kolehiyo, hindi ko na nakikita si Geo Patpat kahit saan. Pero naririnig ko pa rin ang ngiti ng kumag na 'to kapag fumaflatline ang tainga ko.

Sunday, September 13, 2015

3.5 Tainga: On The Road

400 pesos para sa apat na taong desperadong makauwi  na mula sa kalokohang hindi napag-isipan. Tagaytay Art Beat, 250 pesos ang isang tiket. 82 ang bus papunta kung galing Pasay. Mas mababa kung galing Alabang. Ang pagkain, kekwentahin mo kapag nandun ka na.

12:45AM at naisipan namin ng tatlo kong kasamang oras na para umuwi. Karamihan sa mga umaaligid noon sa'min ay magpapalipas ng oras sa Tagaytay hanggang pumasada uli ang mga bus.

Ang tanging daan palabas sa oras na iyon: traysikel. Ang singil: 400. Ang problema: mawawala ang perang tinipid na sana pangkain namin pagbalik sa Maynila. Tig-100 na lang daw kami. Bahala na.

Dumaan sa isang napakadilim na short cut ang traysikel driver. Maaaring nagmamadali na rin siya. Ayaw niyang magtagal sa iisang batch ng pasahero. Madidinig na sana ang kalikasan. Maaaring may koro ng mga kuliglig sa kahabaan ng daan na ito. Maaaring maririnig mo ang kumpas ng mga nagpapanggap na mga kamay na mga sanga, sumasabay sa saliw ng malamig na hangin.

Ngunit hindi namin mahanap ang kalikasan sa daan. Pinapatay ito ng makina ng mabilis na traysikel. Tila isang makinang inuugoy kami sa aming antok gamit ang hindi matapos-tapos nitong ingay. Hindi kami magkarinigan sa ibabaw ng lakas ng makina kaya walang saysay ang mag-usap. Halos nakabibingi ito. Nakatingin na lang kami sa kani-kaniyang kawalan, gusto nang matulog kahit delikado.

Paggising ko'y nasa Dasma na kami. Epektibo ang ugoy ng ingay. Hindi tulad noong bata ako na kahit tunog lamang ng TV na nakabukas sa mahinang volume ay hindi ko kayang tulugan. Ngayon lang ako nakatulog sa ilalim ng matinding ingay.

Hindi na kami nakakain pagbalik. Gusto na naming magpahinga. Gusto na namin ng katahimikan.

Saturday, September 12, 2015

3.4 Tainga: Sutsot, Udlot at ang Kwentong Naibalot sa Talulot

Paglagpas ng tulay ngayong gabi, isa lamang ang maririnig: sutsot sa kadiliman. Aaninagin mo ang karimlan at walang makikita. Hindi mo sila mahahanap. Tinatawag ka nila ngunit hindi nila gustong makita mo sila. Marahil sila'y nahihiya na sa paanyaya nila'y ika'y tumanggi na nang marinig mo pa lang ang kanilang tawag. Kilala mo na rin sila. Hindi na bago ang imahen nila. Inilarawan na sila ng kung sino-sino, sa kung ano-ano at saan-saan. Kalapati, Magdalena, Puta. Naihain na ni Jose Lacaba ang mga ungol nila. Nailatag na ni Erik Matti ang hugis ng kanilang mga puso. Binigyang buhay na ng boses ni Rico Blanco ang magkakamukhang kwento nila habang tinatakpan ng dilim ang kanilang mga mukha.

Hindi ko rin alam kung mga babae ba sila dahil minsan nang natawag ng kasing-kasarian. Ito ang idinidagdag ni Del Mundo sa aklat ni Reyes kung saan simula't sapul ay ang Ligaya ay ibinebenta, sinisira, at sa kahulihan ay mawawala.

Nanlisik muna ang aking mga mata. Alam kong maaaring pinagkakatuwaan lang din nila ako. Napatigil ako sa daan. Tanging ihip ng hangin ang bumuntot sa sutsot na ito. Maaaring nanggaling pa ang ihip na ito mula sa hipan na inudlot ng kanyang dilang humarang sa gitnang ngipin. Hindi man niya ako nahagkan, nahalikan, o napagkakitaan ay naabot niya ako kahit man lang sa kathang-isip na maaaring sa akin lang at hindi mapapasakanya. Wala siguro siyang pakialam o 'di man lang niya napapansin na naramdaman ko ang hangin na maaaring sa kanya pa nanggaling. Itatago ko na lamang ito sa pusong walang alam kung hindi kumawala at mawalan.

Friday, September 11, 2015

3.3 Tainga: Last Order sa Hard Hat

Hard Hat Restobar & Grill. Kainom ang pinunta kahit inaantok at medyo busog na. Minsan lang naman din ayain ng mga kabarkada ko noong high school. Isa sa mga pagkakataong siguraduhing hindi pa kami nagkakalimutan.

Sa kabilang table, nakaupo ang mga babansagan ko ngayong mga kumag dahil hindi ako makapaniwalang may mga tao pa ring ganito. Limang tao. Limang kumag. Hindi ko mapagtuonan ng pansin ang kinekwento ng kaibigan kong si Pabs tungkol sa pagpapalabas sa kanya ng isang propesor (TECHWRIT ata o isa sa mga majors niya sa Music Production) dahil sa ingay ng mga kumag na 'yon. Pakiramdam ko nilalakasan nila ang volume ng mga boses nila dahil gusto nilang malaman ng lahat ang mga hinaing nila ukol sa kani-kanilang mga buhay.

Apat ang lalaki. Ang isang kasama nila ay babaeng Goth-gothan. Live broadcast sa Hard Hat ang mga hinaing ng mga kumag. Lahat sila conyo. Ang isang lalaki (narinig kong tinawag siyang Willy ng isa pero maaaring mali ako) ay nagrereklamo tungkol sa pulubing humawak sa bintana ng kotse niya kanina habang trapik sa may Mckinley. Diring-diri ang mga kaibigan niya. Kinukumpara pa nila ang mga pulubi ngayon sa mga pulubi dati. Dati raw ang mga pulubi ay magalang naman kaya "masarap" bigyan ng pera pero ngayon mga bastos na raw silang lahat kaya maiinis ka na lang kesa ganahang magbigay (putangina lang). Kung ano-ano pang mga opinyon nila tungkol sa mga mahihirap ang nagsilabasan hanggang sa masundan ito ng usapan tungkol sa kanilang mga trabaho dahil sa comment ng isang lalaki na baka raw maging pulubi sila sa hinaharap kung hindi sila mag-ayos sa trabaho. Ang mga kumag na 'to, sigurado akong mga may kaya. Ang problema nila ay hindi nila mapagkasya ang mga P18,000 and above na sweldo nila sa kanilang pangaraw-araw na buhay dahil kailangan pa raw nila ng mas mataas na sweldo para naman makagimik bawat linggo (putangina lang part 2). Sabi rin nung babaeng Goth-gothan, naiinis siya na hindi siya makabili ng make-up at pang-ayos sa buhok na tatagal ng isang buwan dahil sa baba ng sweldo (putangina talaga e).

Naalala ko ang pinakakasuklam-suklam na dulang nabasa ko, ang Last Order sa Penguin ni Chris Martinez na kahit pa nagkamit ng kung ano-anong awards at tinawag na ng ilan bilang isa sa mga pinakamahusay na dula sa ating bansa ay hindi pa rin ako aatras. Bukod sa hindi na nga mahusay ang pagkakasulat, ang bababaw pa ng mga usapan ng mga tauhan. Kesyo tumatanda na raw sila dahil 30 na sila at magpapaface-lift o kung ano-ano pang pagbabago sa mukha ang gagawin nila kung may 1 million pesos sila. Meron ding mahigit limang pahina na hinuhusgahan nila ang mga "jologs" kahit na ang identipikasyon ng mga ito ay tipong mga normal na tao lamang. Napakaburgis ng tingin nila sa mundo. At nang magsara na ang telon, parang may nakarinig ng dasal ko noong sandaling nag ala-Kristiyano uli ako para lang may bisa ang dasal kong pabilisin na ang takbo ng dula nang malaman ko na kung may punto ito bago mag TELON. At sa huli, tama ako. Basura ito.

Sana magsara na rin ang mga telon sa mga kumag na 'to.

Thursday, September 10, 2015

3.2 Tainga: Sa Balete o Isang Gabing Walang Katapusan

Lumang tugtugin na ang mga kwento ng kababalaghan na umaaligid sa Balete Drive kung saan ako'y mag-isang naglalakad kaninang 1:00AM galing sa inuman sa Big Sky Mind. Kesyo yan pa ang White Lady na naihain na sa kung ano-anong hugis at kulay o di kaya'y ang manong taksi driver na may pasaherong unti-unting nagmumukhang kalansay sa bawat preno na sa katapusa'y kalokohan lang pala at ang rason kung bakit ganoon ang itsura ng pasahero ay masyadong malakas prumeno si manong. Bilang duwag nga naman talaga ako, hindi ko pa ring maiwasang matakot. E nung lumingon ba naman ako, walang katao-tao. Holdaper's paradise siguro yun kung may bayag silang mag-antay sa lugar na maraming kababalaghan na raw ang naganap.

At noong oras na iyon, isa lamang ang naiisip ko: sana ay wala akong marinig na kung ano dito na itatala ko dito sa Kabwayan dahil baka mahirapan akong makatulog o baka mabaliw pa ako.
Nakalahati ko na ang kalye noong marinig ko ang isang matinis na pagtangis ng isang batang babae. Ang bawat hikbi'y parang pasigaw, tila nahihirapan. Hindi ito malakas. Alam kong malayo ako dito. Ayoko rin namang pansinin dahil ayokong takutin ang sarili pero naririnig ko talaga ang iyak.

Kung pipili ako ng isang bagay na naalala ko sa pagtangis na ito, maaari kong isipin ang lahat ng Horror movies na napanood ko noon. Noong bata ako, iyakin ako sa Horror dahil ayokong nakakakita ng pangit.
Ngunit hindi 'yan ang naalala ko. Minalas nga naman at lalo pang kinilabutan dahil sa isang alaalang matagal nang hindi bumibisita sa'kin. Mahigit 6-7 na taon na rin ang nakalipas, madaling araw noon sa Xavierville (Katipunan) ay nakarinig din kami ng mga katakot-takot na hikbing napakatinis. Nakainom kami noon kaya ginawan namin ng kwento na ipinanganganak ng aswang ang sanggol na nagmula sa gumahasa sa kanyang tikbalang.

Sino ba namang hindi mapapabilis ang paglakad sa ganitong sitwasyon?

At ngayon, hindi ako makatulog. Mag-isa ako sa bahay na isinusulat ito. Kapag may narinig na naman ako, baka kung ano na naman iisipin ko.

Wednesday, September 9, 2015

3.1 Tainga: Lakbay-Isip


Sa Pasay-Rotonda. Minsan lang ako mapadpad dito. Madalas kung wala talagang ibang paraan upang makauwi. 3:30AM na ngayon. Nanggaling ako sa inuman ngunit hindi naman uminom. Pagod na pagod lang talaga kaya gustong mahiga sa kung saan dito, kahit pa madumi. Madalang ang pagdaan ng mga bus sa ganitong oras. Puro jeep lang na napakaingay ng mga makina ang madadatnan mo.

Dumaan ang isang traysikel driver at inaya akong sumakay. Traysikel, boss?
Gusto kong sabihin: Sige, pakihatid na lang ako sa amin sa San Juan. Sa F. Manalo lang ako. Kung ayos lang sa'yo, bakit hindi? Kita rin yun, di ba? Malamang sa tingin mo nahihibang na ako pero kanina ko pa gusto umuwi e. Malamang kanina mo pa gusto magsakay diyan nang kumita ka naman.

Traysikel, boss?
Pakiramdam ko tumalon na ang video tape ng gabi ko tungo sa katapusan. Palagi  kong naririnig ito sa F. Manalo. Sa may 7-11, nakahilera dun ang mga traysikel drayber na kapag umaga't hapon ay hindi mo makikita ngunit kapag madaling araw ay gutom na gutom para makakuha lamang ng pasahero. Tuwing maglalakad ako sa F. Manalo, susutsutan nila ako at aalukin: "Traysikel, boss?" o minsa'y "Traysikel, boy?" Hindi ko alam bakit hindi pa sila sanay na  dinadaanan ko lang sila at hinihindian.

Sa alok ng kuya sa Pasay-Rotonda ay pakiramdam ko kahit sandali ay bumilis din ang gabi. Maaaring nakauwi na ako. Ngunit kailangan ko pa ring harapin ang tunay na paglalakbay. Hindi pwedeng madaliin ang mga bagay na hindi mo pa nasisimulan.

Tuesday, September 8, 2015

2.7 Ilong: Baha de yero

Ligtas nga ako sa baha e nastranded naman ako dito sa tabi ng Baraoke (yun lang ang tawag ko kasi 'di ko talaga alam ano yun) na malapit-lapit sa'min. Iniiwasan ko 'to 'pag umuuwi ako kasi laging maingay dito pwera na lang 'pag masyado pang maaga para magpakalasing. Hinihintay ko lang bumaba ang baha sa kalyeng papunta sa amin nang makapaglakad na ako. Lumublob na ako dati dito kaso ngayon ayoko na.

Sa amoy ng baha ngayon, walang nagbago. Andoon pa rin yung hindi mamamatay-matay na amoy ng patay na daga kasama ng masangsang na amoy ng mga botchang isda (kung may lumalangoy man sa kung saan dito, 'di ko na malalaman). May amoy askal na nabasa rin (posibleng may dumaan) pati na rin ang amoy ng bagong lutong manok na 'di na gaanong masarap ang amoy dahil sa iba pang amoy na sumasama. Parang Animal Farm ang trip ng baha palagi. Hindi pa ako nakakaamoy ng utot ng skunk pero baka ganito rin yun. At siyempre, samahan mo pa ng amoy ng yosi na mukhang nanggagaling lang sa mga inip na inip nang tao.

Monday, September 7, 2015

2.6 Ilong: Ballerina

Dance studio sa 500 Shaw. Naimbitahan lang ng kaibigang ballerina. Wala naman talaga akong interes sa ballet. Gusto ko lang magfeeling Paulo Avelino habang nandito ako.

Noong una ay hindi gaanong kapansin-pansin ang amoy ng lugar. Amoy kahoy. Simple lang. Katulad nung dance room namin dati sa aming pamantasan kung saan kami tinuruan magballroom at maghip-hop. Kunwari na lang may pinatunguhan yun. Naniniwala kasi ang principal namin na importante ang pagsayaw dahil ang mechanics daw ng pagsayaw ay maihahalintulad sa buhay. Dalawang beses ko narinig yung "poetic" (o pwetic) niyang talumpati ukol dito: graduation noong grade 7 at graduation noong 4th year. Bawat taon ata, kailangangv makinig ng mga tao sa kanyang talumpati na ginagamit lang niya upang depensahan ang kanyang paggasta sa isang dance room.

Ngunit 'di nagtagal ay lalo ko pang naalala kung ano talaga ang amoy ng dance room namin noon. Nang matapos ang pageensayo ng mga ballerina, lahat sila'y pawisin na at nagsitanggalan ng mga sapatos ang lahat. Nangamoy ang kanilang mga kili-kiling kanina pa pinagtataas sa kung ano-anong dance moves. Namawis na rin marahil ang kanilang mga anit dahil kanina parang amoy Head & Shoulders pa yung shampoo ng kaibigan ko pero ngayon parang may nagsunog ng patatas sa kanyang bumbunan. Pero ang pinakamalala ay ang amoy ng kanilang mga paa. Ito ang amoy ng medyas ko kapag lumublob ako sa baha. Baka sanay na sila pero ako hindi. Lalo na't ang gaganda nila pero amoy panis ang mga paa nila.

Kinahihiya kong sabihin ngunit ito rin ang nagiging amoy ng dance room namin noon lalo na kapag nananatili kami doon para maghampasan ng exercise mats. Ang alingawngaw ng mga pawis at paang mababaho ay iikot sa buong kwarto.

Iba na ang magiging tingin ko sa mga ballet performances ngayon.

Sunday, September 6, 2015

2.5 Ilong: PUTAHE NA

MOA. Linggo. Walang kasama. May pipikapin lang na DVD na binili pa sa internet. P1,200 ang DVD ng Now Showing ni Raya Martin. Galing pa raw kasing France. Ayan, naubusan ako ng pera. Umalis ako nang 'di naghahapunan at late na 'tong magdadala ng DVD. Kanina pa 'di nagrereply. Kitakits daw ng after lunch. Ano ba ang after lunch sa kanya e 4:30 na? Kumakalam na sikmura ko.

Dito ako sa mga upuan sa loob ng mall nakaupo at talagang sineswerte nga naman ako dahil kinailangan ko pang mapaupo sa pagitan ng dalawang babaeng parehas na kumakain. Ang babae sa kanan ko, heavyweight. May kinakaing Cheeseburger ng Mcdo. Oo, sa lagay kong ito ngayon pati yun papatulan ko na. Yung sa kanan ko naman, medyo payatot at kumakain ng churros. Hindi ko alam sa'n galing pero mukhang mamahalin. Tangina, sobrang sakit na ng tiyan ko. Bawat kagat ng babae sa kanan, pakiramdam ko lalong lumalakas ang amoy ng processed beef na hawak niya. Samahan mo pa ng simoy ng mala-reglang ketchup (na kahit regla siguro ito'y kakainin ko pa rin sa gutom). Yung churros naman nung nasa kaliwa, parang bagong luto pa (kung niluluto man yun, hindi ko na alam). Pakiramdam ko mainit-init pa. Amoy na amoy ko, parang high-class na tinapay. Samahan mo pa ng tsokolateng parang Nutella na dip. Tangama, nabubusog na yung ilong ko sa meriendang 'to na magkasabay ang main course (ng Amerikano) at dessert.

Naalala ko yung kinekwento ng yaya ko dati na panaginip niya kung saan naengkanto raw siya at may nakahaing putahe sa harap niya ngunit ayaw niyang kainin dahil alam niyang walang lasa bilang kinain na ng mga kaluluwa ang tunay na laman ng mga pagkain. Sobrang sarap daw ng mga nakakahain kaso 'di niya kayang kainin.

E kaso ngayon, 'pag itong mga hawak ng katabi ko, bigla kong kinain, baka makasuhan ako. 'Di lang sa 'di ko kaya kainin, 'di ko pa pwede kainin. Magugutom na lang ako hanggang pag-uwi. Putangina kasi nitong kausap ko e, dapat kanina pa dumating e. Pakain ko sa kanya 'tong kamao ko e.

Saturday, September 5, 2015

2.4 Ilong: Paghinga sa Pahina

Sa bawat bagong mall na mapuntahan ko, una kong tinatanong o hinahanap sa directory ay kung may Booksale ba. Kaya nang malaman kong may Booksale pala sa Cash and Carry Makati na ngayon ko lang napuntahan, natuwa ako at agad-agad kong sinugod ito upang magwaldas ng natitira kong baon ngayong linggo.

Agad kong naamoy ang mga libro kahit hindi pa ako nakakapasok sa napakaliit na Booksale. Maaaring ito na ang pinakamaliit na Booksale na nabisita ko. Isang kapansin-pansin sa Booksale ng Cash and Carry ay mas marami ang mga lumang libro dito sa 'di malamang rason kung kaya amoy na amoy ko agad ang karaniwang amoy ng mga librong luma na. Hindi ito tulad ng sa Pedro Gil na naka-aircon pa at nawawala ang amoy ng mga libro dahil siguro sa kung anumang paraan ang ginagamit nila upang kahit papaano ay pabanguhin ang loob.

Agad-agad kong naalala ang aming silid-aklatan sa dati naming bahay. Ang mga aklat namin doon ay inilagay na lang namin sa may hagdanan ng bahay namin ngayon ngunit marami-rami rin kaming ipinamigay dahil wala nang espasyo dito. Hindi ko na rin napapansin ang amoy dahil baka sanay na ako. Noon, mga komiks lang ang binabasa ko at nakatago ang mga iyon sa pinakalikod ng silid-aklatan kung kaya kailangan ko pang lagpasan ang ilan pang mga estante ng mga lumang libro na napakalakas ng amoy. Gawain ng tatay kong magpuslit ng kung ano-anong libro sa bag niya dati mula sa Thomas Jefferson Library kaya marami-rami kaming libro doon na nakahalo na sa mga pinagbibili niya noong may kita na siya. Napakasarap ng amoy. Yun lang ang tanging amoy na nakakatulong sa'kin mag-isip nang diretso kapag ako'y nagbabasa o nagtatrabaho dahil sa nakasanayan ko.

Sa huli, ikinahihiya kong sabihin na paminsan-minsa'y kahit sa Booksale, hindi lang ako hanggang tingin pero hanggang pag-amoy na lang din.
Wala akong natipuhang libro noon.

Friday, September 4, 2015

2.3 Ilong: Kagat ng Dilim

Ito ang tunay na Mondomanila.

Noong 4th year high school ako, minsan na akong napunta sa lugar na ito sa may Granada St. ng New Castilla, Quezon City. Natripan lang namin 'tong gawin noong minsang ginabi kami malapit sa aming paaralan. Napabisita kami nang gabi ulit. Napakaraming skwater na nakatira dito. Pinapaligiran ng kanilang mga lungga ang isang creek na mukhang mas nalulunod pa ang tubig sa basura kesa ang basura sa tubig.

Ang pangamoy ko'y sadyang kinakaya ang mga mababahong bagay na parte ng pagsasanay ko noon 'pag ako'y sumasama sa pamamalengke. Tinuruan akong hindi mandiri at magtakip ng ilong kapag nasa palengke lalong-lalo na kapag masangsang ang amoy. Kung hindi ako nasanay sa ganito, matutulad ako sa mga kaibigan kong kasama ngayon (upang maghanap ng murang kainan) na tinatakpan na ang kani-kanilang mga ilong at bibig at pabulong-bulong ng Puta at Bigat pare. Ayaw nilang bumalik kasi ayaw nilang balikan ang mga nadaanan nang amoy. Buti at gabi, wala masyadong pumapansin sa'min dito. Naghalo-halo ang amoy dito sa lugar na ito: usok ng yosi (o maaaring may juts din sa isang parte dahil kakaiba ang amoy ng usok) na nanggagaling sa mga tambay sa labas na nakatingin sa kawalan o nakikipag-inuman, sunog na baboy na naiwan sa kalan, panis na kanin, at mga basurang maaaring may ilang dagang patay na naipit sa gitna habang naghahanap ng makakakain. Tila umaabot sa sikmura ko ang amoy at hinahalo ang aking hapunang Purefoods sisig.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang Mondomanila ni Khavn Dela Cruz kung saan sa isang eksena ay magkasama ang barkada na naninigarilyo at may sinusunog na daga na parang barbecue lang. Maaaring nandito rin sila, hindi ko lang nakikita. Ang amoy ay napakalakas. Masakit sa ilong. Ang mga kaibigan ko'y malapit na sigurong sumuko. Patuloy lang na gumagapang sa aking isipan ang nasusunog na daga ni Khavn. Pakiramdam ko pagdating sa kung saan man kami kakain ay ayoko nang kumain. Kahit pa kinakaya ko ay nawawalan na ako ng gana.

Thursday, September 3, 2015

2.2 Ilong: Samyo ng Espirito

Sa sakayan ng bus na pumapagitan sa Trinoma at North Edsa, nagbalik ang isang amoy na ilang taon ding hindi bumisita sa'kin.

Madalang akong makakita ng nagbebenta ng sampaguita sa kalye. Hindi ko alam kung madalang lang akong lumingon mula sa mga pinagbabasa ko 'pag ako'y nasa loob ng kung anumang sasakyan kaya hindi ako laging nakakakita. Lumapit sa'kin ang bata, inaalok ang sampaguita. Sa gitna ng naghalong amoy ng makapal na itim na usok mula sa mga sasakyan sa Edsa at sigarilyo ng kung sino-sinong naghihintay sa sakayan, naamoy ko ang halimuyak ng iilang sampaguita na hawak ng bata na nagpaalala sa'kin sa burol ng aking lolo Peter o mas kilala namin bilang Daddy Pete dahil ayaw niyang tawagin siyang lolo.

Hindi ko alam kung may sampaguita ba talaga noong libing ni Daddy Pete o isang bulaklak na kamag-anak ng sampaguita ang nakahalo sa kung ano-anong bulaklak na katabi ng kanyang kabaong. Hindi ko talaga pinapansin ang amoy ng mga bulaklak noon dahil ano nga ba naman ang pakialam ko bilang walong taong gulang pa lang ako noon.
Ang tunay na nagpaalala sa'kin sa halimuyak nito ay ang pinaghinalaan kong pagbabalik ni Daddy Pete sa mundo mga ilang buwan pagkatapos ng kanyang burol. May pagsasalong nagaganap sa amin noon at sa hindi malamang rason ay naamoy ko ang amoy ng bulaklak. Noon lang talaga kumabit sa'kin ang samyong ito dahil akala ko'y nagmumulto siya upang makisama sa salo-salong iyon. Nagtago ako noon sa likod ng mesa at minalas na natabig ko ang isang plato ng tsitsirya. Napagalitan ako noon. Sa pagkakaalala ko, sinabi kong ang rason kung bakit ako maligalig noon ay nagmumulto si Daddy Pete at sinigawan ako ng tatay ko dahil magsisinungaling na nga lang daw ako, gagamit pa ako ng patay.

Ngayong naamoy ko ulit, maaari kayang ginagabayan ako ni Daddy Pete tuwing ako'y nasa labas? Ngayon ko lang napansin ang samyo ng sampaguita ngunit alam kong marami pang ganito sa mga kalye ng Metro Manila. Gusto kong maniwalang nagsisilbi pa rin siyang gabay na hindi ko nakikita.

Wednesday, September 2, 2015

2.1 Ilong: Bwaya

Better Living. Sa Unionbank na kaharap ng tarangkahan ng Sunvalley, Moonville. 1:46 AM noong dumaan ako sa guard house kaya maaaring 1:47 o 1:48 na. Sa iilang umagang napatayo ako doon upang maghintay ng tricycle papuntang SM Bicutan, kadalasan ay wala namang tao kundi ang pulubing natutulog sa tabi ng mga nakaparadang motor. Ngunit ngayon, nagmistulang checkpoint ang Unionbank dahil sa mga bwayang nakaistambay katabi ng patrol car nila. Naghahanap sila ng mapeperahan, sigurado. Maraming pasaway sa daanang ito. Nadatnan ko silang may kinakausap na motorista at ang babaeng umaangkas sa kanya.

Tumayo ako malapit sa kanila at may napansing kakaiba sa lugar. Ngayon ko lang naamoy ito dito: tila iniluluwa na ng impyerno ang lahat ng mga kalansay na naghirap doon. Sa pag-akyat ng mga kaluluwa'y maaaring umahon sila mula sa isang imburnal na maaari ring nasa ilalim ng kalsadang ito at ngayon lang nagpalabas ng simoy (kailanman ay wala akong nakitang kanal o imburnal dito). Ang mga pulis ay nabahuan din. Nagtatawanan sila. Ambango amputa sabi ng isa.

Saka ko napagtanto noon: hindi ko kailanman nalaman ang amoy ng mga tunay na bwaya ngunit ngayon ay alam ko na. Itong mga bwayang nagbabalatkayo bilang tao ang magdadala ng amoy na ito. Marahil sa araw ng pag-akyat ng mga kalansay mula sa impyerno'y sila ang mga hayop na mangunguna sa daan tungong Better Living. Ito ang unang maamoy ng mga tao: tila halo-halong mga kalansay ng mga bwayang nagsilanguyan sa imburnal.

Tuesday, September 1, 2015

1.7 Stalker: Da(h)an

Ayala. MRT Station. Martes. Unang araw ng Setyembre. Bandang 5:30PM.
Isang babaeng buntis ang umaakyat sa hagdan na nagkokonekta sa stasyon at sa baba kung saan matatagpuan ang sakayan ng bus sa EDSA tungong North. Maaaring anim na buwan pataas na siyang buntis sa laki ng tiyan niya.

IDENTIPIKASYON
Balat: Kayumanggi. Bahagyang pinagpapawisan. Medyo mabuhok ang mga braso niya.
Buhok: Itim. Mahaba. Nakalugay. Sa harap, lumalaylay silang tinatakpan ang magkabilang suso. Sumasayad ang mga dulo sa tiyan.
Kilay: Itim din. Makapal. Kumukunot kasama ng noo.
Mga Mata: Itim ulit (sa gitna ng puti). Nakatingin sa baba, pinapanood ang bawat hakbang.
Ilong: Maliit, hindi mapapansin kung walang mga butas. Maliit lang din ang mga butas. Maaaring nahihirapan siyang huminga.
Mga Labi: Mapusyaw ang kulay. Nakahiwalay sa isa't isa. Marahil dito siya humihinga kung hindi sa maliit na ilong.
Mga tenga: May dalawang hikaw na hugis puso. Ginintuan ang umiikot sa pula sa gitnang mala-ruby ang dating.
Suot: Floral na duster. Luntian ang duster na pinapalamutian ng mga lavender na bulaklak. Nakatsinelas na dilaw.

Mabagal ang kanyang pag-akyat. Bawat hakbang ay dahan-dahan. Marahil iniingatan ng babae ang sarili upang hindi malaglag ang mga dala-dala:
1. Kanang Balikat - Itim na handbag na may mga halamang silver na mukhang silhweta.
2. Kaliwang Kamay - Tote bag ng SM Department Store na kahit hindi nakikita ang laman, maaaring masabing hindi gaanong kabigat ang mga laman nito.
3. Tiyan - Ang magiging anak na hindi masabi kung lalaki o babae, mabigat o magaan.

Nasa bandang taas na siya, malapit nang matigil ang sunod sunod na paghakbang. Sa kanyang likod, makikita ang isang mahabang linya ng mga taong paakyat. Hindi niya siguro namamalayan ngunit siya ang may kontrol sa bilis ng pagakyat ng mga tao. Ang mga walang pasensya ay lumilipat sa lane ng mga pababa at uunahan na siya. Hindi niya iniinda ang mga ito. Ang nasa likod niya ay isang binatang nakapolo. Ginagalang niya ang buntis, hinihintay lamang.

Pagkaakyat, magpapahinga siyang sandali. Sasandal siya sa pader na maraming maliliit na butas kung  saan makikita mo ang trapik sa Edsa. Didiretso siya pagkatapos ng ilang segundo. Maaaring malayo pa ang kanyang lalakbayin.