Friday, November 6, 2015

11.4: Jeepney Blues

7.6: Desaparecidos o Ang Paghahanap sa mga Nandito Lamang
9.1: Hakbang
1.1: Sabit
8.4: Long Distance, Flynn, De Puta, Kabwayan, BreLeuze, at Maicling Pelicula

Nakaalis na ako ng bahay. Alam kong hahanapin din nila ako pagkatapos ng dalawang araw. Dalawang araw pa ang kailangan upang mapansin nila ‘yon dahil lagi naman akong wala (7.6).

Umaga ako umalis. Hindi pa sila gising, sinigurado ko ‘yon. Ayoko namang may makakita sa’kin. Kunwari papasok lang pero dala ko na ang lahat ng bag na pwede kong dalhin. Nilagay ko na kalahati ng mga nasa cabinet ko. ‘Pag nakita nila wala namang nagbago halos. Hindi sila maghihinala. Baka nga mas mauna pa nilang mapansing umoonti na ang labada kesa nawawala ako.

Pero sa’n nga ba ako pupunta? Nung inisip ko ‘to, sabi ko okay Mama ako pupunta pero mukhang hindi rin kasi hindi naman talaga niya kailanman sinabi nasa’n siya. Kutob-kutob ko lang din ‘yung nasa may Katipunan area pa siya nakatira kasama ang aking tita pero ‘di ko talaga alam ‘yun.

Kahit na dalawang malaking bag ang dala ko, sumabit na ako sa jeep (1.1) at sa paghakbang (9.1) ko’y naalala ko agad ang araw na iyon: nang humakbang ako sa hagdan ay sumabay ka’t muntik kang mahulog at mamatay. Akala ko noon, tuluyan ko nang mawawala ang nanay ko at habambuhay kong sisisihin ang sarili ko.

May patutunguhan nga ba talaga ako? Umalis lang naman ako kasi hindi ko na kaya ang mga sitwasyon sa bahay. Wala na akong kakampi doon. Akala ko sa labas meron pa. Hindi ko naman mahanap si Mama. Wala ka na e.

At napabitaw ako bigla. Binitawan ko na lang basta-basta. Tapos na.

Hindi ko na nakita ang mukha mo kung kaya hindi kita mahatulan muli (8.4): iniwan mo ako at kailangan mong sagutin ang lahat ng tanong ko.
Kahit sa bungad ng kamatayan, ikaw ang nakikita ko. Ikaw ang unang taong humagkan sa’kin at ngayon, hahagkan ako ng mga alaala mo sa aking huling pagkakahulog.

No comments:

Post a Comment