Sunday, August 30, 2015

1.5 Stalker: Aninag

Una kong napansin ang lalaking maliit sa side mirror ng kotse namin habang ipit ang aming sasakyan sa trapik ng Wilson. Nakakatuwang isiping ako lang marahil ang nakakita sa kanya nang ganoon: pinaliit ng salaming hindi niya napapansin. Pagkatapos noon ay saka na ako tumalikod upang pagmasdan siya.

Nakatayo siya sa harap ng Cardinal Santos Hospital. Mukhang nag-aantay siya ng taxi o di kaya'y shuttle ngunit sa trapik ay siguradong hindi siya agad makakakuha.

Ang lalaking ito ay kayumanggi, mahigit 5'0 hanggang 5'2 ang tangkad (maliit nga naman pala talaga siya), medyo mataba, crew cut ang gupit ng buhok, may kaunting balbas nang tumutubo sa ilalim ng babang patulis, ang pagitan ng pangong ilong at ng matabang labi ay pinagpapawisan, mataba ang mga pisngi na tila masarap kurot-kurutin, ang mga mata ay maliit, at ang mga kilay ay halos hindi makita. Kung huhulaan ko'y siguro 30-35 na anyos na siya. May singsing siyang silver sa kanyang hinlalato. Hindi ko masabi kung kasal na ba siya o ano dahil kung ganoon, siguro nama'y sa palasingsingan niya ilalagay 'yon.

Nakasuot ang lalaki ng isang Ateneo na jersey ngunit hindi ako makasisigurado kung Atenista nga ba siya. Marami nang nagbebenta ng mga ganoong jersey sa ukay-ukay. Maaari rin namang Alumni siya. Ang kanyang pantalon ay baggy pants, tila pupunta sa concert ni Loonie at Abra. May chain pa ito na nakalaylay sa may kaliwang bulsa na katulad ng suot ng mga pa-cool na loko sa mga kung ano-anong party. Ang sapatos niya ay may itim at blue na may malaking "N" sa tabi na masasabi kong mula sa New Balance. Marahil basketbolista din siya na may binisita lang sa ospital.

Pabaling-baling ang lalaki. Hindi niya siguro alam kung ang babantayan niya ay ang pagdating ng taxi na maaaring libre, maaaring hindi o ang daloy ng trapiko. Siguro, iniisip na rin niyang maglakad papunta sa may Caltex sa dulo ng Wilson para dun na lang kumuha pero baka mapagod lang din siya. Naghihintay lang siya nang naghihintay. Naghihintay pa rin.

Naghihintay. Pawis na rin ang kanyang leeg. Pupunasan niya ang batok gamit lamang ang kanyang kaliwang kamay.

No comments:

Post a Comment