Siya lang ang hindi ko namumukhaan o kilala sa mesang iyon.
Nasa Big Sky Mind kami. 11:00 nang gabi. Hindi pa nagsisimula ang tugtugan. Nakaupo ang lalaking ito sa isang mesang puno ng beer, ashtray, at tisyu sa labas kung saan kasama niya sina Khavn Dela Cruz, Malay Javier, Jippy Pascua, Dodo Dayao, at iba pang hindi ko alam ang pangalan tulad ng babaeng payatot na kadalasa'y lumalabas sa mga pelikula ni Lav Diaz, ang babaeng naghubad sa simula ng Violator (2014), mga kabanda ni Bing Austria, at ang mga dayuhang kasama sa produksiyon ng Pusong Wasak (2014) ni Khavn na noong screening ay umakyat sa entablado. Sa madaling salita, maaaring kilala ang lalaking ito ngunit hindi ko siya kilala.
Kadalasan, hindi gaaanong klaro ang lalaki sa panginin ko dahil lagi siyang mukhang nilalamon ng usok mula sa kasisindi lamang niyang yosi pati na rin sa mga hinihitit ng mga kasama sa mesa.
Moreno siya. Nakasalamin. Maikli ang itim na buhok. Malaki ang mga matang kumikinang marahil dahil sa antok. May eyebags na mahahalata lamang kapag tumatawa. Malaki ang ilong. Makapal ang balbas. May yosi sa pagitan ng mga labi na hindi inaalis. Segu-segundo ay hihitit at inilalabas ang usok sa ilong.
Katamtaman lang ang laki ng katawan. Hindi masyadong malaki ang mga braso. Ang damit ay itim at ang disenyo nito ay ang tatak ng Red Apple Cigarettes mula sa mga pelikula ni Quentin Tarantino. Naka-maong lamang na hindi pa gaanong kupas. Ang sapatos ay Nike, itim, at mukhang marami nang napagdaanan.
Natatawa siya sa kwentuhan ng mga kasama. Hindi pa rin niya inaalis ang yosi sa bibig kahit tawang-tawa na. Paminsan ay nagsasalita siya at andun pa rin ang yosi. Hindi ko siya naririnig ngunit maaaring hindi gaanong klaro ang mga sinasabi niya. Kadalasan nga lang, hindi talaga siya nagsasalita. Marahil hindi siya makwentong tao.
Natapos ang gabi na hindi ko pa rin siya nakikilala.
No comments:
Post a Comment