Mabagal ang daloy ng mga kotse ngayong umaga sa Sta. Ana at sa dyip na aking sinasakyan ay may morenong mamang sumasabit lamang na napatayo na lang sa kalsada pagkatapos ng ilang minutong paghihintay sa pag-usad ng mga sasakyan. Nakasuot siya ng puting polo, itim na slacks, brown na kuwerong sapatos, at sa harap niya isinabit ang kanyang green na Jansport bag marahil upang umiwas sa mga magnanakaw na maaaring gumagala-gala lamang kahit umaga pa lang.
Mahigit sampung minuto na siguro ang nakalipas, hindi pa rin kami nakalalagpas sa stoplight sa kalye ng Carreon at marahil nangalay na ang kanyang mga braso at nanghina na ang mga kamay sa mahigpit na pagkapit sa sabitan mula sa sakayan hanggang dito kung saan napakabigat na ng trapik. Nakapamewang ang mama, patingin-tingin sa harap upang makita kung nakakagalaw pa ba ang mga kotse sa harap. Tumatagaktak ang pawis sa mga gilid-gilid ng kanyang noo, sa paligid ng kanyang mga mata, at sa pagitan ng kanyang ilong at labi. Namamawis na rin ang kanyang leeg. Hindi pa nakikita ang pawis sa kanyang polo ngunit maaaring basa na rin ito.
Tuwing gagalaw ang dyip kahit bahagya lamang, aakyat ang mama sa tapakan at sandaling sasabit bago mamalayang hindi rin pala uusad nang malayo ang dyip. Sa susunod na paggalaw ay hindi na siya sumasabit ulit kundi maglalakad na lang. Mabagal niyang susundan ang dyip na naipit sa mabagal na daloy ng trapik.
No comments:
Post a Comment