Saturday, August 29, 2015

1.4 Stalker: Concierto ni Cristo

Sa gitna ng perwisyong hatid ng mga "kapatid" ng Iglesia ni Cristo sa EDSA Shaw, nakita ko kaninang madaling araw ang multo ng yumaong artista at sikat na kalaban ni FPJ noon na si Max Alvarado. Kumakain siya ng libreng Jollibee Burger Steak na inaabot mula sa isang trak ngunit katulad ko, hindi siya nakakuha ng mga plastik na kubyertos kaya kinakamay lamang niya ang grasya ng mga Iglesia. Nakatayo siya sa gitna ng mga nagkalat na halo-halong basurang karamihan ay karton ng Jollibee Burger Steak na kanina pa kinain at mga nagkalat na kubyertos na nagamit na. Malayo siya sa kumpulan ng mga tao malapit sa tanghalan kung saan may isang binatang kumakanta ng "21 Guns" ng Green Day.

Kamukhang-kamukha ng lalaking ito si Max Alvarado ngunit mas mapayat nga lang nang onti sa yumaong artista (kung saanman siya napunta pagkatapos yumao, hindi siguro siya nakakakain doon).
Ang buhok niya'y ginamitan ng gel upang ayusin bilang kumikinang ito sa ilalim ng mga dilaw na ilaw sa kalye. Hindi naman siguro siya bagong ligo bilang alas-dos nang umaga na pwera na lang natripan niya talagang mag-ayos para sa okasyong ito. Marahil kanina niya pa ito inayusan ng gel. Paatras ang pagkasuklay niya dito, parang handang mag-piktoryal para sa CV o kung anuman.
Ang balat niya ay kayumanggi ngunit nagmumukhang kahel dahil sa mga ilaw sa kalye. Mukha siyang hinahabol ng araw sa gabi.

Nakasuot siya ng sandong puti na may kakaunting dumi sa bandang tiyan. Ang kanyang braso ay katamtaman lamang ang laki ngunit maugat ang kanyang mga kamay na mukhang madumi na dahil sa pagkamay sa Jollibee Burger Steak. Mukhang kaya niyang makipagbugbugan kung kinakailangan. Maaari ring pasmado siya.
Naka-cargo shorts siya na green at makikitang mapayat ang kanyang mga binti. Sa kanang binti, mayroon siyang tato ng matalim na spadang nakaturo sa baba na tila nagpapabigat sa binti dahil sa matinding detalye nito mula sa hawakan hanggang sa kaduluhan ng bakal.
Ang tsinelas niya ay simple lamang: dilaw ang tapakan at itim ang makapal na goma. Maugat din ang kanyang mga paa.

Patingin-tingin lamang siya sa tanghalan kung saan kumakanta pa rin ang binata. Mukhang hindi siya natutuwa sa seremonya. Hindi rin tayo makasisisgurado kung Iglesia nga ba siya dahil mukhang wala rin talaga siyang pakialam sa mga nangyayari. Sa pagtingin niya'y makikitang mas may pakialam pa siya sa burger steak na kinakain kesa sa "Separation of Church and State" na ipinaglalaban ng mga taong nakapaligid sa kanya. Habang tumatagal, hindi niya napapansin na may mga kanin-kanin siya sa paligid ng kanyang bibig na maaaring naninikit dahil sa gravy ng burger steak na marahil hinalo niya sa kanin. Paminsan-minsan ay babaling siya, titingin sa ibang mga taong naglalakad papunta sa kumpulan ng mga tao sa may tanghalan. Mababasa sa mukha niya ang kanyang gustong sabihin: 'Wag na kayo makipagsiksikan dun, mas okey dito dahil may libreng pagkain. 

No comments:

Post a Comment