Nakatayo ka sa pangalawang palapag ng SM Makati, nagpapalamig at naghahanap ng interesanteng taong susuriin para sa iyong isinusulat. Nakatingin ka sa kabilang bahagi ng mall: isang babae ang nakasandal sa barandilya sa pangatlong palapag, nakatalikod sa iyo. Sa likod niya ay ang escalator na pataas at paminsan-minsa'y nahaharangan siya ng ilang taong mabagal na paakyat. Susuriin mo ang kanyang likod: maikli ang itim na buhok, maaaring meron o walang hikaw na maaaring gold o silver sa magkabilang tenga, ang damit ay pink at bahagyang gusot, ang pantalon ay asul na kupas, ang kanyang—aalis siya. Hindi mo inasahan 'yon. Hindi mo matatapos ang iyong pagsusuri. Hindi mo na masusundan ang kanyang likod.
Sa kanyang lugar, tatayo ang isa pang babae. Ito ang pangalawang babae. Hindi ka aalis sa iyong pwesto. Maaaring interesante rin siya.
Maputi ang babaeng ito. Ang kanyang buhok ay bahagyang kahel at nakakoleta. Mapapansing makapal ang eyeliner sa singkit niyang mata. Mahaba ang kanyang mga pilik-mata. Matangos ang kanyang ilong. May nunal (o maaaring dumi lang din pala) na malapit sa mga labi niyang pulang-pula sa lipstik. May mga hikaw na gold na lumalaylay sa kanyang mga tenga. Ang kanyang leeg ay payat na sakto sa maliit niyang mukha.
Nakasuot siya ng blouse na checkered (pula at itim) na nakabukas sa gitna kung saan bahagyang makikita ang kanyang cleavage dahil sa mababang bagsak ng suot niyang puting sando sa loob. Ang pantalon niya'y itim at hapit na hapit sa kanyang balat. Halata ang mga kurba ng kanyang magandang katawan. Mukhang may laman ang kanang bulsa na cellphone o di kaya'y wallet.
Ipapatong niya ang kanyang mga siko sa barandilya at ipapatong ang kanyang dibdib dito. Ang kanyang mga suso ay mas malaki na ngayon bilang naiipit sila sa gitna ng kanyang mga braso. Tila pinapalaki niya ang mga ito para sa mga umaakyat sa escalator. Tinitignan niya ang iba't ibang tao sa mall. Mapapansin mong wala siguro siyang ibang magawa. Hindi mo alam kung nagpapapansin lamang siya.
No comments:
Post a Comment