NAIA Terminal 2. Lunes. 9:00PM. Maraming tao ang naghihintay sa mga darating kabilang na ako. Hindi kami maaaring lumagpas sa nakatakdang lugar para sa mga naghihintay.
Hinihintay ko ang paglabas ng mga nanggaling sa Hong Kong (nandito ang aking kasintahan) ngunit iba ata ang pinanggalingan ng mga taong kalalabas lang. Walang mga pasalubong na maaaring magsabi sa'kin kung saan sila nanggaling.
Doon ko siya nakita. Sa gitna ng mga nagsisilabasan na tinatanaw ang kanilang mga sundo sa kumpulan, siya lang ang tila walang hinahanap na sinuman. Naksuot siya ang babaeng ito ng shades na asul ang kulay ng mga salamin. Kahit pa hindi ko nakikita ang kanyang mga mata, alam kong wala siyang hinahanap. Diretso lang ang kanyang lakad. Naunahan na niya ang iba pang naunang lumabas sa kanya dahil tumitigil sila, nakatitig sa aming kumpulan at hinahanap ang kanilang mga sundo. Ang iba'y nakikita agad; ang iba'y nasa kani-kanilang telepono. Maaaring kagigising lang niya kaya siya naka-shades. Baka umiyak din siya dahil walang sumundo sa kanya (ngunit 'di natin masasabi).
Kung huhulaan ko'y maaaring nasa bandang 30s ang babaeng ito. Halos kasingtangkad ko lang siya (5'6). May mga tigyawat siya sa noo na hindi matago ng kanyang bangs (pixie-cut siya pero bahagyang mahaba ang harapan) ngunit ang ibang parte ng kanyang mukha ay napakakinis na halos hindi ako mapaniwalang may nakalusot pang ilang tigyawat. Matangos ang kanyang ilong. Ang kanyang labi ay mukhang natuyo sa lamig. Mukhang nabalatan na rin ito. Hindi ko makita ang kanyang mata kung kaya hindi ko masabi kung maganda ba siya o hindi.
Kahit 'di ko matiyak sa'n siya nanggaling, maaaring galing siya sa isang malamig na bansa o kahit pa hindi ay maaaring nalamigan siya sa eroplano o sa loob ng NAIA. Nakasuot siya ng lilang bonnet na nakatakip sa kalahati ng buhok niyang itim. Ang fur coat niya ay kulay kape na bahagyang pinapataba ang kanyang katawan ngunit mapapansing hindi siya mataba dahil payat naman ang kanyang mga hita hanggang sa baba. Itim ang kanyang pantalon at nakasuot siya ng pangsosyal na bota. Pakembot ang kanyang paglakad ngunit maaaring hindi niya ito sinasadya.
Nang makalabas na siya, nilagpasan niya ang buong kumpulan ng mga naghihintay. Wala nga ritong naghihintay sa kanya. Mawawala siya; hahalo sa iba't ibang mga karaniwang tao dito sa paliparan.